Pumasok si Padre Ernesto at agad na napangiti nang makita ang kapatid.

"Handa ka na ba?" tanong ni Ernesto sa kapatid at napangiti ito.

"Kinakabahan ako." nakangiting sagot ni Niño at pasimple na silang nagsenyasan ng kuya.

Pagkagising palang ay humingi na ito ng pabor sa kuya na lagi naman niyang ginagawa. Nakiusap siyang tulungan siyang makatakas sapagkat may nais sana siyang gawin bago ang kasal.

"Ayos lang 'yan, lahat ay dumadaan sa ganiyan pero upang mas mapakalma mo ang sarili mo ay iiwan ka na muna namin." sabi ni Ernesto atsaka humarap sa mga magulang nila.

"Ama, Ina, hayaan na po muna nating mapag-isa si Niño upang maging mas komportable siya."

Pumayag naman ang mga magulang nila kaya lumabas na ang mga ito kasama si Ernesto. Bago tuluyang isara ang pinto ay nagsenyasan pa muli ang magkapatid. Nagpasalamat si Niño sa pamamagitan ng pagbigkas ng salitang 'salamat' na walang tunog na tinanguan naman ni Ernesto bilang pagtanggap sa pagpapasalamat na iyon atsaka binigyan ang kapatid ng tingin na nagsasabing, 'gawin mo na ang kailangan mong gawin.'

Ilang segundo matapos lumabas ng pamilya niya sa kuwarto ay dumungaw si Niño sa malaking bintana at nakitang naroon na ang mga kaibigan na nakaputing uniporme rin para sa kasal niya mamaya kaya bumaba na siya mula sa bintanang 'yon.

"Ano ba kasi ang gagawin mo at kailangan mo pa siyang puntahan? Ikakasal naman na kayo mamaya, sainyo ang buong gabi." saad ni Andong at may kung ano pang malisyosong pataas-taas ng kilay nang sabihin ang huling mga salitang binitawan. 

"Kaarawan niya ngayon kaya naman nais ko siyang batiin kaagad. Dapat ako ang unang bumati sa kaniya." sagot ni Niño. Natatawang napailing-iling nalang sina Andong at Fernan sa sinabi ng kaibigan nila. 

"At isa pa... nais ko itong ibigay sa kaniya." dagdag pa ni Niño kaya napatingin ang mga kaibigan niya sa kaniya at nakita nila ang gintong relong hawak ng heneral.

"Hindi ba't iyan ang orasang binili mo sa daungan ng Maynila bago tayo sumakay ng barko pauwi rito sa San Sebastian?" tanong ni Andong.

Tumangu-tango si Niño.

"At iyon din ang araw na nakilala ko siya."

Napangiti si Andong nang marinig kung paano binigkas ng kaibigan ang huling mga sinabi nito. Tono palang ay alam na niyang mahal na mahal nga ng kaibigan ang dalagang papakasalan nito.

Sa kabilang banda, nanatiling walang imik si Fernan. Siya, sa kanilang tatlo, ang may pinakamalinaw na alaala sa mga nangyari noong araw na iyon. Bawat segundo, minuto, at oras sa araw na iyon ay nakatatak sa isip niya na pilit niyang binabalewala. Dahil iyon ang araw kung kailan siya unang nagmahal at nasaktan dahil sa pag-ibig.

Ipapasok na sana ulit ni Niño ang orasan sa bulsa niya nang may maalala siya.

"Oo nga pala, ibabalik ko rin pala ito." sabi niya at kinuha mula sa bulsa ng uniporme niya ang kulay gintong kwintas.

Nang tumama ang tingin ni Fernan sa kwintas na iyon ay hindi na niya ito muling naalis pa sa paningin niya.

"Kay Binibining Juliet iyan, hindi ba?" tanong ni Fernan na ikinagulat naman ni Andong kaya tinitigan niya nang mabuti ang kwintas na hawak ni Niño at nabasa ang 'Juliet'  na nakalagay rito. 

"Ano ang ginawa niyo at naiwan niya ang kwintas niya sa iyo?" malisyosong tanong ni Andong na may halong pang-aasar. 

"Nakita ko lang ito rito sa aming hacienda, malamang ay nahulog niya ito nang dinala ko siya sa likod ng aming tahanan."

Way Back To YouWhere stories live. Discover now