PAG-ASA SA MADILIM NA MUNDO

283 3 2
                                    

Ang puso ko’y puno nitong dalamhati
Tila nalulukob ng pawang pighati.
Nangangamba akong hindi na mapawi
Ang luhang nadalo’y sa mata kong sawi.

Tigib ng karimlan itong aking mundo
Parang isang gabing kulay ng anino.
Pag-asa ko’y tulad ng butil ng munggo
Sa isang dagat na di alam ang dulo.

Nais kong lumikas sa taglay kong lungkot;
Gusto kong mawala ang pangamba’t takot.
Paano ko nga ba susupiling lubos
Ang nararamdamang masakit sa loob?

Ang kailangan ko’y isang kaibigan,
Isang makikinig sa aki’t lalakbay.
Ang hangad ko sana’y hindi huhusgahan
Ang pagkatao kong sabik ng mabuhay.

Ikaw ba, O Poon, ang tangi kong hangad,
Siyang kaibigang aking hinahanap?
Samahan Mo ako sa dusang kaharap;
Ako’y aliwin Mo’t ihatid ang lingap.

Alam kong darating ang tulong sa akin,
Batid kong si Kristo ako’y dadamahin.
Ang magandang mundo’y makikita ko rin
Sa tulong ng Poong ako’y ginigiliw.

Mga Tula sa Ilalim ng LangitWhere stories live. Discover now