"Bukas na, ngayon ko lang masisilayan ang lugar na ito," bungad niya matapos matanggal ang padlock sa may gate.


Maaliwalas nga sa lugar na ito. Mahangin dahil maraming nagtatayugang puno at malapit sa bukid. Kahit tanghaling tapat, hindi ka makakamdam ng init dahil sa lilim na mula sa mga puno.


Pumasok kami kaagad doon at naglakad-lakad. Isa iyong pahabang daan na hindi ko alam kung ano ba ang makikita kapag narating mo ang dulo.


Daanan ito ng tren noon tiyak dahil sa riles na mapapansin mo sa daanan. Halatang matagal na ito dahil lumang-luma na at kinakalawang ang mga bakal.


"Alam mo Morixette, kapag narating mo ang dulo nito, makakarating ka sa napakagandang lugar," segunda ni Miss Izzy habang kami'y naglalakad.


Nakangiti siya at mukhang may sinasariwang alaala mula sa lugar na ito.


"Talaga po?" tugon ko habang patuloy pa rin kami sa paglalakad.


"Oo, doon kami dati nakikipag-date nina Carie at Rochaes sa mga jowa namin noong high school pa kami. Tahimik at maaliwalas ang lugar."


Mukhang maagang lumandi ang tatlo hihi. Well, gano'n din naman ako. High school pa lang, may sinisinta na. Bilang naman na ang mga babaeng HS na walang boyfriend. Iba na kasi talaga ang henerasyon ngayon.


"Ibig sabihin, maganda po talaga roon. Maganda pa rin po ba hanggang ngayon?"


"Malalaman mo mamaya kapag nakarating tayo."


Kanina, medyo ayos pa ang mood ni Miss Izzy pero ngayon ay 'di siya mangiti. Bakit kaya?


"Aray!" sigaw ko nang matalisod ako sa bato.


"Anong nangyari sa iyo?"


"Wala po ito."


Napahinto ako saglit sa paglalakad dahil natanggal ang sapatos ko dulot ng pagkakatapilok ko. Nang maisuot ko ito, at tumingala ako, nagulat ako dahil mayroong letrang Ra na nagliliwanag sa noo ni Miss Izzy.


"O, bakit naman para kang nakakita ng multo?" giit nito na tila ba nagugulumihanan.


Dapat ko bang sabihin kay Miss Izzy na nasa panganib ang buhay niya? Kasama naman niya ako kaya maaagapan ko ang ABaKaDa kung sakali mang kumilos ito. Isa pa, baka maguluhan lang siya kapag sinabi ko ang patungkol doon.


Mayamaya pa'y isang mensahe na ang umukit sa kaniyang noo.


Huwag tatakbo nang 'di maasinta ang puso mo.


Limang segundo rin ang itinagal no'n bago mawala ang tuluyan angg pagliliwanag.


Nakatitig lang siya sa akin at hinihintay kung anuman ang aking isasagot.


The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon