"Ay nini ng nanay mo!" sambit ko nang dahil sa gulat. Napaurong tuloy akong bigla.


Kitang-kita ko ang paglabas ng kaniyang dila na tila ba anumang oras ay maaari niya rin akong tuklawin. Ang kaniyang mata ay nakakatakot na tila ba parang lalamunin niya ako nang buhay. Kasabay pa nito, ang paglabas ng parang tainga niya kaya mas lalong nanindig ang balahibo ko. Takot at kaba ang tanging namamayani sa akin.


"Hahaha! Talunan ka ngayon, hija. Ako ang nagwagi!" bungad ng isang tinig.


Nagpalinga-linga ako sa paligid para hanapin si Helga at nakita ko siyang nakalutang sa may ere habang suot-suot ang napakalawak niyang ngiti.


"Hindi pa tapos ang laban. Titiyakin kong ako ang mananalo. Hindi pa huli ang lahat!"


"Talaga lang? Haha. Kumusta naman ang kaibigan mo? Humihinga pa ba?" turan ni Helga habang nakahalukipkip pa.


Pagdako ko ng atensiyon kay Thirdy, hindi na siya humihinga. Hindi na rin pumipintig ang kaniyang pulso sa leeg.


"Sorry my dear, akin ang kaluluwa niya! Haha!" aniya at bigla siyang naglaho. Kasabay no'n, naglaho na rin ang ahas na humarang sa dadaanan ko.


"Thirdy, gumising ka!" giit ko habang kinukurot-kurot ang kaniyang braso at tinatampal-tampal ang kaniyang pisngi.


Kasalanan ko ito, wala na naman akong nagawa.


Pagkarating namin sa ospital, inanunsiyo na ng doktor na dead on arrival si Thirdy. Dinala na kaagad sa morgue ang kaniyang katawan at sinabing tawagan ko na lang daw ang magulang nito.


Nanlulumo ako habang binabagtas ang daan patungo sa silid ng aking kaibigan. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kaniya na wala na ang nobyo niya.


Habang naglalakad ako, isang mainit na yakap ang bigla kong naramdaman kaya napahinto ako saglit at sumandal sa pader. Nandito na ako sa labas ng silid ng aking kaibigan pero ni hindi ko kayang kumatok.


Isang hagod mula sa aking buhok ang sunod kong naramdaman.


"Oo, hindi mo nailigtas ang kaibigan mo pero huwag kang mawalan ng pag-asa. Magpakatatag ka lang at tibayan mo ang iyong loob," aniya.


Ramdam ko ang pakikisimpatiya ni Ethel sa akin. Mukhang mas malakas sa kaniya si Helga dahil hindi niya ito nagawang pigilan.


"Salamat..." tanging ngiti na lamang ang naitugon niya sa akin bago tuluyang maglaho.


Ngayon, naglakas-loob na akong pumasok sa loob ng silid ng aking kaibigan.


Pagkabukas ko ng pinto, bumungad sa akin si Divine na nakaupo sa kaniyang kama habang nagbabalat ng mansanas.


"O, Morixette. Nakita mo na si Thirdy?" bungad niya sabay hati sa mansanas at sumubo.


The Return of ABaKaDa (Published)Where stories live. Discover now