"Tama na!" sigaw ko at bigla akong sumugod palapit kay Angelika.

Pagkalapit ko, napigilan niya ang pagsugod ko at diniinan niya ang paghawak sa braso ko na wari mo'y pinipiga niya.

"Ahhh!"

Parang basahan niya akong inihagis sa sahig at dalawang beses akong nagpagulong-gulong doon.

Nagsimula na naman siyang kumilos at tinungo ang kinasadlakan ng kutsilyo kanina saka ito pinulot.

"Kanino kaya ikaw munang babaon? Hmm..."

Para siyang baliw na nakatitig at kinakausap ang hawak na kutsilyo.

"Magdusa ka!" sigaw niya at patakbo niyang sinugod si Jerico na nakaupo sa may sahig.

"Ahhh!" sigaw ni Jerico matapos itarak ni Angelika ang hawak niyang kutsilyo sa kanang paa ng kaibigan ko.

"Ahhh!" palahaw pa nito matapos ibaon pa lalo ni Angelika ang kutsilyo sa paa ng aking kaibigan. Kita ko ang bawat paglabas ng masaganang dugo mula sa paa ng aking kaibigan.

"Jerico!" sigaw ko.

"Hahaha!" paghalakhak ni Angelika.

"Paano ba iyan hija? Mukhang ikaw na lang ang hindi pa lanta. Gusto mo bang makipaglaro sa aking kaibigan?" aniya sabay dukot ng isang bagay sa kaniyang bulsa.

Blade...

Nanlaki ang mata ko dahil mukhang hindi siya nagbibiro.

"Huwag kang lalapit! Lumayo ka sa akin!" turan ko habang dahan-dahan siyang lumalapit sa akin at tangan-tangan ang blade.

Kumakabog ang dibdib ko dulot ng takot at kaba. Hindi ko alam kung makakaligtas pa ba ako sa kaniya.

"Ahhh!" sigaw ko matapos niyang haltakin ang buhok ko.

Nanginginig sa takot ang mga tuhod ko matapos niyang itutok ang hawak na blade sa aking mata.

"Ano kaya kung dukutin natin ang mata mo?" aniya.

"Maawa ka sa akin! Tama na please!" pagsusumamo ko.

"Tama! Dukutin na lang natin ang mata mo para kunwari, wala kang nakita kapag pinatay ko na ang mga kaibigan mo! Hahaha!"

"Huwag mo na kaming patayin... Maawa ka't mahabag..." daing ko.

"Pasensiya na. Magkita na lang tayo sa kabilang buhay!" aniya at mukhang iraratsada niya na sa aking mukha ang hawak niyang blade kaya napapikit na lamang ako.

"Hindi ako papayag na mamatay nang hindi lumalaban!" giit ng isang tinig kaya napamulat akong bigla at napahinto si Angelika sa kaniyang binabalak.

Nakatayo si Jerwel sa likod ni Angelika at may hawak siyang flower vase.

"Ahhh!" sigaw ni Jerwel sabay hampas sa likuran ng ulo ni Angelika.

"Argh!" anas ni Angelika at nawalan siya bigla ng malay.

"Tumawag ka na ng ambulansiya at pulis..." giit ni Jerwel bago siya tuluyang nawalan ng malay at bumagsak sa sahig.

"Jerwel!"

Dali-dali akong lumapit sa kaniya at pinulsuhan siya. Laking pasasalamat ko dahil buhay pa siya.

Tinungo ko ang kinaroroonan ni Jerico na hanggang ngayo'y namamalipit pa rin. Hindi ko lubos matingnan ang paa niya na may nakabaong kutsilyo.

"Okay lang ako. Huwag mo na akong intindihin..."

Bakas sa mukha ni Jerico ang sakit na kaniyang nadarama.

Kaagad kong tinungo ang bag kong nakapaibabaw sa kama at kinuha ko ang cellphone ko at tumawag sa pulis at ambulansiya.

Matapos iyon, biglang nagliwanag ang libro sa loob ng aking bag kaya kinuha ko ito kaagad.

Mabuhay! Ika'y nagtagumpay. Nakapagligtas ka ng isang buhay!

Tuwang-tuwa ako dahil hindi ako nabigo sa pagkakataong ito.

Muli itong lumipat sa sumunod na pahina.

Alphabeto: Ya 

Mensahe: Siya ang magwawakas sa buhay mo 

Kamatayang dapat ipataw: Yaya

Makalipas ang ilang minuto, dumating na ang mga pulis pati na rin ang ambulansiya.

The Return of ABaKaDa (Published)Where stories live. Discover now