CHAPTER 14- Rupert's Confession

7.1K 235 17
                                    

CHAPTER 14- Rupert's Confession

NAPAHIGA na lang ako sa mat na nakalatag sa sahig matapos ang training session namin ni Marco. Oh, huwag green. Baka kasi ibang "training session" iniisip niyo. Tinuruan niya ako ng konting taekwando. Nakakaaliw pero nakakapagod.

Humiga rin si Marco sa tabi ko at nagkadikit ang pawisan naming mga braso. "Okay ka lang ba, mahal? Kaya mo pa?" Natatawa niyang tanong sa akin.

Huminga ako nang malalim. Mag-iisang buwan na kasi ang relasyon namin pero hanggang ngayon ay kinikilig pa rin ako kapag tinatawag niya akong "mahal". Parang musika sa tenga ko kapag naririnig kong sinasabi niya iyon. Unang beses ko kasing magkaroon ng karelasyon at sa kapwa lalaki ko pa. Ganito pala ang pakiramdam, ang saya. Iyong paggising mo pa lang sa umaga ay nakangiti ka na dahil siya ang nasa isip mo. Tapos bago naman matulog ay nagkakausap pa kami. Kapag may pagkakataon ay nagkukulong kami sa kwarto niya, hihiga sa kama habang nakaunan ako sa braso niya. Minsan naman ay nagkukulitan lang hanggang sa mapagod kaming dalawa. Nakakalunod din ang mga halik at yakap ni Marco. Parang nakalutang sa hangin ang mga paa ko kapag hinahalikan niya ako.

Iniharap ko ang mukha ko kay Marco at masuyong hinaplos ang mukha niya. "Sana ay palagi tayong ganito, mahal... Sana kapag nalaman ni Mama Chang ang tungkol sa pagkatao ko ay hindi siya magalit sa akin." May lungkot sa boses ko.

"Oh, bakit naman biglang ganiyan ang topic? Alam mo, hindi ka dapat natatakot na malaman ni Mama Chang ang tungkol sa kung ano ka talaga. Katulad din natin siya, maiintindihan ka niya, tayo. Siguro, ayaw niya lang na katulad niya ay tumanda kang mag-isa o walang anak."

"Iyon nga ang sabi niya sa akin noon. Pero hindi naman siya tatandang mag-isa dahil 'andito ako."

"Ikaw din, hindi ka tatandang mag-isa dahil nandito ako. Hinding-hindi kita iiwanan, Jak... Halika nga rito!" Bigla niyang iniikot ang braso siya sa beywang ko at kinabig niya ako papunta sa kanya.

Nagulat naman ako sa ginawa niya at napatingin sa nakabukas na pinto ng apartment niya. "Marco, b-baka may makakita sa atin!" Kinakabahang sabi ko.

"Wala iyan. Eh, 'di ba, nasa karinderya naman si Mama Chang mo. Isang kiss lang!" aniya sabay nguso.

Napatawa ako. "Mukha kang tanga!"

"Sige na. Isang kiss lang, mahal."

"'Eto!" Ikinuom ko ang kamao ko at iyon ang inilapat ko sa nguso niya.

"Ayoko niyan. Gusto ko ay totoong kiss!"

"Ayoko nga. Baka may-"

Biglang sinunggaban ni Marco ang labi ko. Bahagya pa niyang kinagat ang pang-ibabang labi ko kaya naman napakapit ako sa braso niya. Dahan-dahan niyang inilayo ang labi niya sa labi ko. "Ikaw kasi, mahal... pakipot ka pa!" At kumindat pa talaga siya.

"Marco! Hindi mo dapat iyon ginawa!" Kinakabahan pero may ngiting sabi ko.

"Talaga? Eh, nagustuhan mo din naman!" tudyo niya.

Magsasalita pa sana ako nang may maramdaman akong kakaiba. Parang may nakatingin sa aming dalawa. Napadako ang tingin ko sa pintuan at doon ay nakita ko si Rupert na nakatayo. Natataranta na tumayo ako at tinawag si Rupert. Maging si Marco ay obvious na nabigla din.

"A-anong ginagawa mo dito, Rupert?" tanong ko.

"Group project sa Arts... Nakalimutan mo na ba? Partner tayong dalawa. Ang sabi kasi ni Mama Chang mo ay nandito ka kaya dito kita pinuntahan pero mukhang nakaistirbo yata ako sa inyong dalawa."

"Ah, h-hindi!" sabi ko sabay harap kay Marco. Sinabihan ko siya na kailangan ko nang umalis at tumango na lang siya. Nilapitan ko na si Rupert at inaya siya sa bahay namin.

Napansin ko na parang ang bigat ng hakbang ni Rupert na parang may mabigat siyang problema. Baka naman may problema na naman siya sa kanila. Mamaya ay kakausapin ko siya. Baka maipon na naman kasi ang mga problema niya at bumalik na naman siya sa pagiging bully.

May mga dala nang gamit si Rupert kaya naman nasimulan na agad namin ang pag-gawa ng project. Sandali ko siyang iniwanan at kumuha ako sa eatery ng apat na turon at isang malaking softdrinks para may meryenda kami.

"Baka gutom ka na. Kain ka muna," sabi ko pagdating ko. Inilagay ko sa pinggang ang turon at kumuha na rin ako ng dalawang baso. Nang muli kong balikan si Rupert ay nakaupo lang siya at nakatingin sa kawalan. Umupo ako sa tabi niya at tinanong kung may problema siya.

"Wala." Matipid niyang sagot.

"Hindi ako naniniwala na wala, Rupert. Kilala na kita. Alam ko kapag may problema ka."

"Alam mo naman pala na may problema ako, tinatanong mo pa!"

"Oh, bakit ang sungit mo? Concern lang naman ako sa'yo dahil kaibigan mo ako."

Napailing siya sabay palatak. "Iyan na nga ang problema, Jak. Dahil kaibigan mo lang ako!"

"Rupert? Ano bang sinasabi mo diyan? Gumagawa lang tayo ng project dito, ha!"

"Manhid ka kasi. Kainis!" Napakamot pa talaga siya sa ulo.

"Hoy, Rupert! Hindi ko alam iyang mga sinasabi mo, ha!"

Naguguluhan na talaga ako sa mga sinasabi niya, sa totoo lang. Ako daw ay manhid? Bakit?

Tila naiinis na nahilamos niya ang kanyang kamay sa mukha at humarap sa akin. "Hindi mo talaga maintindihan kung bakit kita binubully dati?! Para mapalapit ako sa'yo! Para pansinin mo ako. Ang sabi mo sa akin dati, gusto mo ako pero bakit dumating lang 'yong Marco na iyon ay nawala na agad ang pagkagusto mo sa akin? Akala ko kapag naging magkaibigan tayo ay babalik ang nararamdaman mo sa akin pero nagkamali ako. Bwisit! Bakit kasi dumating pa ang Marco na iyon!" Humihingal si Rupert matapos niyang magsalita.

Ako naman ay nakatulala lang sa kanya. Hindi ako makapaniwala sa mga lumabas sa bibig niya. Gusto ko pa nga sanang ipaulit sa kanya pero baka lalo siyang maasar.

"M-may gusto ka sa akin?" Sa wakas ay naibuka ko rin ang bibig ko.

"Hindi gusto. Mahal. Mahal kita, Jak! Pero wala nang silbi itong nararamdaman ko dahil may boyfriend ka na. Kayo na ni Marco!"

Para akong binuhusan nang malamig na tubig nang makita ko na nasa bungad lang pala ng pintuan si Mama Chang. May dala siyang isang pinggan na may laman na spaghetti. Kanina pa yata siya naroon ay naririnig sa pag-uusap namin ni Rupert.

Kinakabahan na napatayo ako. "M-mama Chang..." Naluha ako nang makita ko na pumatak ang luha mula sa mga mata niya. Alam kong labis siyang nagulat sa narinig niya mula kay Rupert.

Nagmamadali na pinalis ni Mama Chang ang luha sa mukha niya bago pa man tumayo si Rupert at tingnan siya. "Ah, Rupert, pwede bang umuwi ka muna? M-mag-uusap lang kami ng anak ko..." ani Mama Chang.

"S-sige po..." Sinamsam na niya ang mga ginamit namin at saka umalis.

Pagkaalis ni Rupert ay nilapitan ako ni Mama Chang. Alam ko na kung ano ang susunod na mangyayari. Tatanungin niya ako tungkol sa mga narinig niya. Wala kasing preno ang bibig ni Rupert, eh. Pero nagulat talaga ako sa sinabi niya na mahal niya ako, ha...

Hay... Mamaya ko na nga iyon iisipin. Ito munang kay Mama Chang. Yari ako nito!

TO BE CONTINUED...

-----***-----

Nalalapit na ang PAGWAWAKAS...

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon