CHAPTER 01- Jak

12.4K 276 8
                                    

CHAPTER 01- Jak

HALOS hindi na ako humihinga mula sa pagkakatago ko sa aparador. Hindi ako pwedeng gumawa ng kahit na anong ingay. Bawal akong gumalaw. Bawal akong lumabas doon kahit hindi na ako makahinga ng maayos. Dahil kapag ginawa ko iyon ay mamamatay ako. Mula sa siwang ng aparador ay may lalaki akong nakita. Marahan siyang naglalakad habang may dalang baril. Nasa harapan niya si daddy na nakatali ang mga kamay sa isang kahoy na upuan sa kwartong iyon.

"Sino ka ba? Ano bang atraso ko sa'yo?" Kahit itinutok na ng lalaki ang baril sa ulo ni daddy ay hindi ko man lang siya kinakitaan ng pagkatakot.

"Napag-utusan lang ako mayor!" Pagkasabi niyon ng lalaki ay umalingawngaw ang malakas na putok ng baril.

Sumabog ang dugo sa dingding. Lumungayngay ang ulo ni daddy.

Napapikit na lang ako sa sobrang takot. Walang patid ang luha ko.

Naghubad ng t-shirt ang lalaki para punasan ang dugong tumalsik sa braso niya. Nakita ko sa likod niya ang isang tattoo. Malaking pakpak ng isang anghel...

-----***-----

"JAK! Ang drama, ha! Bakit may tears? Ano 'yan? Ano 'yan?" Dinuro-duro pa ng kaibigan kong si Samantha ang mata ko na isang ihip na lang ng hangin ay lalaglag na ang luha.

Inirapan ko siya. "Malamang, luha! Tears sa tagalog! Ano pa ba? Malamang maiyak ako dahil aalis ka na. Wala na akong kaibigan dito sa Wellington Academy. Alam mo naman na ikaw lang friend ko dito..." Ginawa kong pamaypay ang dalawa kong kamay. Nakaupo kami sa gilid ng stage sa covered court ng school namin.

Elementary pa lang ay magkaibigan na kami ni Samantha kaya naman kilala na namin ang isa't isa at sobrang close na talaga namin. Wala na kaming naging ibang kaibigan, kaming dalawa lang talaga. Kuntento na kasi kami sa company ng isa't isa. Magkasundo kami at gamay na namin ang ugali namin. Hanggang ngayong fourth year high school na kami ay kami pa rin ang magkasama. Hindi na nga kami mapaghiwalay pero mukhang wala na kaming magagawa dahil pupunta na ng Canada ang pamilya niya para doon na manirahan. Nakakalungkot lang talaga kasi after ng over ten years naming magkasama ay magkakahiwalay rin pala kami.

Pinalo ni Samantha ang kamay ko. "Baklang-bakla ka naman diyan sa pagpaypay mo!" biro niya.

"Bakit? Bakla naman talaga ako, ah!" ani ko sabay irap sa kanya na ikinatawa na lang niya.

Yes, I admit it. Bakla naman talaga ako. Pero hindi naman ako iyong klase ng bakla na kumekembot at nagbibihis babae. Mas trip ko pa rin na kumilos, magbihis at magsalita na parang lalaki talaga. Iyon nga lang, sa lalaki ako madalas naa-attract at hindi sa babae. Dito lang sa school alam na ganito ako. Minsan kasi ay hindi ko napigilan ang aking sarili at umamin ako sa crush ko na si Rupert na gusto ko siya. Transferee siya noon, last year lang. Hindi ko naman alam na bully pala ang loko kaya naman ipinagkalat niya. Doon na nagsimula ang lahat ng pambu-bully sa akin sa pamumuno ni Rupert. Hindi alam ng nanay-nanayan ko na si Mama Chang ang tunay na pagkatao ko. Natatakot kasi ako sa magiging reaksiyon niya.

Hindi ko tunay na nanay si Mama Chang at hindi rin siya tunay na nanay. I mean, hindi tunay na babae si Mama Chang. Isa siyang gay crossdresser na nag-alaga sa akin simula nang mamatay ang mga magulang ko noong seven years old pa lang ako. Sa pagkakatanda ko ay driver namin noon si Mama Chang at dahil sa sobrang bait niya, siya na ang umampon sa akin. Lalaking-lalaki pa siya noon tapos biglang... boom! Haha! Nawala ang lahat sa amin simula nang mamatay ang parents ko. Pera, negosyo, bahay... lahat! Kaya dinala ako ni Mama Chang sa hometown niya-dito sa Laguna. Sa ngayon, isang eatery ang pinatatakbo niya na maganda naman ang estado. Tapos meron din kaming apat na unit ng apartment. Doon kami kumukuha ng panggastos namin sa araw-araw.

"Alam mo, Jak, nag-aalangan din akong iwan ka dito dahil alam ko na wala nang magtatanggol sa'yo kapag may nang-bu-bully sa'yo..."

Na-touch naman ako sa sinabi ng friend ko. Kung hindi lang kami mang-aagaw ng eksena sa mga nasa school ay baka kanina ko pa siya niyakap.

She's right. Siya talaga ang nagtatanggol sa akin kapag may nangbu-bully sa akin dahil bakla ako.

"Mami-miss talaga kita, Sam..." Malungkot kong sabi.

-----***-----

"LAYAAAS!!! Mga walang utang na loob! Pokpok!" Ang banat na banat na boses agad ni Mama Chang ang narinig ko habang papalapit na ako sa bahay namin. Magkakalapit lang kasi ang eatery, apartment at bahay namin.

Napatakbo tuloy ako dahil baka kung ano na ang nangyayari sa kanya. Baka may kaaway o ano.

"Mama Chang! Anong nangyayari?" tanong ko sa kanya nang malapitan ko na siya. Hinimas-himas ko pa siya sa likod dahil parang hindi siya makahinga ng maayos. Nasa harapan kami ng apartment namin.

"Paano, ang mga pokpok na iyan! Tatlong buwan na ngang walang bayad, tsinitsismis pa ako diyan sa looban na hindi ako masara magluto! Mga atribidaaa!!!"

Doon ko lang napansin sina Lotlot, Guada at Faye na umuupa sa amin. Mga nagtatrabaho sa club ang tatlong babae kaya tinatawag ni Mama Chang na pokpok.

"Hayaan niyo na po sila, Mama Chang. Hindi nama totoo mga tsinitsismis nila! Ang sarap mo kayang magluto kaya nga lumaki ako ng ganito, e..." Nilambing ko siya sa pamamagitan ng pagyakap ko sa likod niya.

"Binola mo na naman akong bata ka! Mamaya ay ilagay mo sa may gate ng apartment iyong "Apartment Fo Rent" na sign. Pumasok ka na sa loob at may itatanong nga pala ako sa'yo."

Hindi ko alam pero parang ang seryoso niya ngayon. Nauna na siyang pumasok sa loob ng bahay at sumunod na rin ako. Pumasok ako sa kwarto ko at nagpalit ng damit. Paglabas ko doon ay nakita ko si Mama Chang sa may kusina at naghihiwa ng sibuyas. Nilapitan ko siya at tinanong kung ano iyong itatanong niya. Tumayo siya saglit at lumapit sa lababo at naghugas ng kamay.

"Umupo ka dito, Jak..." tukoy niya sa upuan na malapit sa kanya.

Sumunod ako. "Bakit parang ang seryoso niyo naman yata, Mama Chang. May problema ba?" Hindi na ako nakatiis at naitanong ko na rin sa kanya.

"Jak, may mga bali-balitang nakakarating sa akin na bakla ka daw. Bakla ka ba, anak?"

Bigla akong nanlamig sa tanong na iyon. Napalunok ako dahil parang may bumara sa lalamunan ko. "K-kanino niyo naman po iyan narinig?"

"Hindi na mahalaga kung kanino. Ang tanong ko ang sagutin mo."

"Siyempre, hindi po. H-hindi po ako b-bakla..." pagsisinungaling ko.

Tiningnan ako ni Mama Chang sa mata. Pinilit kong huwag iiwas ang paningin ko dahil baka makahalata siya sa pagsisinungaling ko. Maya maya ay bumuntunghininga siya.

Kinuha niya ang kamay ko at pinisil iyon. "Mabuti naman at hindi ka bakla, Jak. Naniniwala ako sa'yo. Ayoko kasi na matulad ka sa akin. Tingnan mo ako, walang pamilya, walang asawa..."

"Mama, pamilya tayong dalawa..."

"Kahit na, Jak... Mahirap maging bakla. Isa pa, mataas ang pangarap ko para sa'yo. Ayokong mapahiya sa mga magulang mo at baka multuhin ako ng mga 'yon! Masaya ako na hindi naman pala totoo ang naririnig ko. Sige na, gawin mo na ang assignments mo," aniya.

Tumayo ako at niyakap ko si Mama Chang. Isa iyan sa dahilan kung bakit ayokong mag-out kay Mama Chang... madi-disappoint siya sa akin at ayokong mangyari iyon.

TO BE CONTINUED...

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon