CHAPTER 05- Tears

8.6K 323 13
                                    

CHAPTER 05- Tears

BASTE'S POV

MABIGAT ang loob ko habang naglalakad kami ni Efren pauwi. Kanina ko pa pinipigilan ang luhang kanina pa gustong kumawala sa mga mata ko. Mga luhang gusto nang mag-unahan sa pag-agos sa aking pisngi. Pero hindi ko ito pwedeng pakawalan dahil kasama ko pa ang taong dahilan ng nakatagong luha ko.

Ang sakit...

Sobrang sakit...

Oo, hindi naman ako masyadong umaasa na magiging mutual ang feelings namin ni Efren sa isa't isa kaya lang talagang masakit pala kapag nangyari na iyong bagay na ayaw mong mangyari. May nililigawan na siya. Tapos bukas, sila na. May kahati na ako sa oras ni bro. At ang masaklap pa nito, wala na akong pag-asa sa puso niya.

Inakbayan pa talaga ako ni Efren habang naglalakad sabay tugtog ng Lay Me Down ni Sam Smith sa bahay na madadaanan namin...

Can I lay by your side?
Next to you... You...
And make sure you're alright.
I'll take care of you.
I don't want to be here if I can't be with you tonight...

Naloko na! Nananadya ba talaga? Bakit naman malungkot na kanta pa talaga ang dapat kong mapakinggan? Mas nakakadagdag lang sa bigat sa dibdib at lungkot ko, e!

I'm reaching out to you.
Can you hear my call?
This hurt that I've been through.
I'm missing you... Missing you like crazy.

"Sa tingin mo, bro, may pag-asa kaya ako kay Sasha?"

Ouch naman! At talagang tinanong pa ako.

Tango at thumbs up lang ang isinagot ko. Hindi ko na kasi kayang magsalita dahil pakiramdam ko kapag nagsalita ako ay iiyak na talaga ako. At ano naman ang idadahilan ko sa kanya kapag umiyak ako? Dahil sa nasasaktan ako kasi may nililigawan na siya? Kasi nagseselos ako? 'Wag na, uy! Baka suntukin lang ako ni Efren kapag sinabi ko sa kanya iyon. Uuwi pa ako na may black eye kung nagkataon.

Niyugyog niya ang balikat ko. "Sumagot ka naman, bro!" pangungulit pa niya.

Thumbs up ulit.

Walang salita na lumiko na ako sa kanto kung saan naroon ang bahay namin. Hindi na ako nagpaalam sa kanya. Binilisan ko na lang ang paglalakad ko para kung sundan man niya ako para kulitin kung bakit ganito ang kinikilos ko ay hindi niya ako aabutan. Mabuti na lang at hindi naman niya ako sinundan. Mapayapa akong nakauwi sa bahay.

Wala pa si Nanay sa bahay.

Pagsara ko ng pinto ay doon na sunud-sunod na naglaglagan ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Ayaw nilang tumigil, gusto yatang punuin ang bahay namin. Nagtaas-baba ang balikat ko dahil bahagyang sumisikip ang dibdib ko dahil sa pag-iyak. Kailangan kong ilabas ito, kailangan kong ilabas ito!

"Ahhh!!!" Isang napakalakas na sigaw ang lumabas sa bibig ko.

Pakiramdam ko lahat ng emosyon ko ay sumabog na.

Pakiramdam ko lahat ng problema sa mundo ay pasan ko na kahit ang totoo ay wasak lang naman ang aking puso dahil sa iisang tao.

Itinaob ko ang lamesa. Ibinalibag ko ang upuan. Ibinato ko ang tabo pati na ang timba. Pinalipad ko sa hangin ang mga kutsara't tinidor. Kung hindi itatapon ay ibabalibag ko ang lahat ng mahawakan ng kamay ko. Natakpan na ng sakit ang katinuan ko ng oras na iyon. Wala na akong kontrol sa ginagawa ko.

Mahal na mahal ko si Efren! Higit pa sa kaibigan. Higit pa sa pagiging bro!

Biglang bumukas ang pintuan ang pumasok si Nanay na nagtataka sa ginawa ko. Agad niya akong nilapitan at hinawakan sa dalawang kamay. "Baste! Anong ginagawa mo? Bakit ka nagwawala?!" Nagtataka at nababahala niyang tanong sa akin.

Hindi ko siya sinagot. Patuloy ako sa pagwawala at pagpupumiglas. Nang sa tingin ni Nanay ay hindi na kakayanin ng paghawak niya sa kamay ang pagwawala ko ay niyakap na niya ako.

"Anak! Ano bang nangyari?" Medyo humupa ang emosyon ko nang marinig ko ang garalgal sa boses niya.

"Ang sakit-sakit, 'nay!!! Ang sakit!!!"

"Tumahimik ka nga at nakakahiya sa kapitbahay!" Tinampal pa niya ako sa bibig.

Tila bigla akong nakaramdam ng pagod at unti-unti akong napaupo sa sahig. Hindi ako binitiwan ni Nanay, nakayakap pa rin siya sa akin.

"Sabihin mo kasi sa akin kung anong nangyari at kailangan mong magwala..."

"Sobrang sakit, 'nay..."

"Bakit nga?"

"S-si Efren po kasi... m-may mahal na siya... m-may nililigawan na siya!"

"Ha? Ano naman kung may mahal na si-" Hindi naituloy ni Nanay ang sasabihin niya. Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at hinawakan ang magkabila kong pisngi para iharap ang mukha ko sa kanya.

Tiningnan niya ako sa mata. Parang binabasa niya ang buong pagkatao ko pati na ang tumatakbo sa isip ko.

"'Nay..."

"Sinasabi ko na nga ba," aniya. Pinahid ng kamay niya ang luha sa mukha ko. "Alam ko, may kutob na ako. Hinihintay lang kitang umamin, anak..."

"Ano pong ibig niyong sabihin?"

"Anak kita, Baste. Kilala na kita. Noon pa man ay may hinala na ako na isa kang... bakla."

Nanlaki ang mga mata ko. "A-alam niyo na po-"

Tumango siya. "Ramdam ko naman, matagal na. Pero 'wag kang mag-alala dahil tanggap kita dahil mahal na mahal kita, anak!"

Muli akong napaiyak sa sinabi ni Nanay. Napayakap na ulit ako sa kanya. "Salamat, nanay! Salamat!"

"Kaya kung ano man iyang dahilan ng pag-iyak mo, si Efren man iyan, tandaan mo na nandito lang ako. Kakampi mo ako, Baste... Nanay mo ako."

Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na mangyayari ito ngayong gabi. Kahit ako ay nabigla din sa mga nasabi ko, nadulas na ako kanina, e. Pero nakakatuwa lang na tanggap ako ni Nanay kung ano ako. Matagal na pala niyang alam. Ang mga nanay talaga, oh... Hindi ka pa nagsasalita, alam na nila.

TO BE CONTINUED...

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon