CHAPTER 03- Efren

9.4K 382 24
                                    

CHAPTER 03- Efren

HABANG pauwi ay tawa pa rin ako nang tawa dahil sa ginawa namin ni Efren. Grabe naman kasi, laugh trip naman talaga. Pinagtitinginan kami ng mga tao sa Starbucks pero wala kaming pakialam. In-enjoy na lang namin 'yong pagkakape namin sa Starbucks.

“Ang saya mo yata,” ani Nanay nang makauwi na ako sa amin. Medyo pagabi na dahil sa tumambay pa kami sa kung saan ni Efren bago umuwi.

“Si Efren po kasi—“

“Magkasama na naman kayo ni Efren? Baste, sa totoo lang ayokong nakikipagkaibigan ka sa magnanakaw na iyon. Baka kung anu-ano nang itinuturo no’n sa’yo.”

“Magnanakaw nga po si Efren pero hindi naman niya ako ini-umpluwensiyahan. Saka, matagal na kaming magkaibigan, parang hindi niyo naman alam iyon.”

“Kahit na. Iwas-iwas naman. Baka isang araw ay madamay ka pa kapag nahuli iyon ng pulis!”

“Hindi naman po siguro, 'nay…” sabi ko. “Ano nga po palang ulam?” Pag-iiba ko sa usapan.

“Wala pa nga, e. Bumili ka na lang ng sardinas tapos igigisa ko na lang,” aniya sabay abot sa akin ng pera.

-----***-----

EFREN’S POV

ALAM ko na sobrang saya ni bro Baste sa ginawa naming kalokohan kanina sa Starbucks. E, gusto ko kasi na magkape doon na siya ang kasama. Wala naman akong pambili ng kape doon kaya ako na ang nagdala ng kape. Ayos nga, e. Tawa nang tawa si bro. Iyon naman talaga ang gusto ko, ang mapasaya siya dahil parang kapatid ko na siya. Sa tagal na ba naming magkaibigan, e. Kahit amoy ng utot ng lokong iyon kilala ko na. Haha!

Habang naglalakad sa masikip na eskinita pauwi sa barung-barong namin ay kinapa ko ang bulsa ng pantalon ko at hinugot doon ang isang papel na singkuwenta pesos. Dumaan ako sa tindahan at bumili ng kalahating kilong bigas at isang instant noodles. Hapunan namin ng nanay kong lasenggera. Paalis na sana ako sa tindahan nang magulat ako nang humarang si Aling Dada sa daraanan ko.

“Iyan lang ba ang hapunan mo, Baste?” Tama ba ang pagkakadinig ko sa boses niya? Parang nang-aakit.

Medyo mataba si Aling Dada. Maliit at may kulay na brown ang buhok. Laging nakasuot ng pekpek shorts at hanging blouse.

Tumango ako. “Oo.” Matipid kong sagot.

“Wait lang…” Pakendeng na pumunta ito sa tindahan at pagbalik sa akin ay may dala na siyang dalawang corned beef. “'Eto, idagdag mo!” Ipinagsiksikan niya ang mga de-lata sa kamay ko.

“Wala akong pambayad dito, Aling Dada!”

“Hindi mo naman babayaran. Libre na… Sige na, tanggapin mo na,” at kinilabutan ako nang bigla siyang kumindat sa akin.

Ah… Alam ko na ang galawan na ito ni Aling Dada. Sinasabi ko na nga ba at type ako ng matandang ito. Sabagay, tigang na tigang na siguro siya dahil matagal nang patay ang asawa niya. Hmm… Kung gusto ako ng matandang ito, pwede ko siyang gamitin. Uutuin ko lang. Haha!

Inakbayan ko si Aling Dada kahit napipilitan ako. “Salamat, Aling Dada. Alam mo ba, matagal na akong hindi nakakainom. Baka naman…”

“Ay, sige! Saglit lang, ha!”

Bumalik ulit siya sa tindahan at pagbalik niya sa akin ay may dala na siyang isang bote ng Emperador Lights at may kasama pang tatlong malalaking chitchirya.

“Salamat, Aling Dada!”

“Basta ikaw, Efren! Daan ka naman minsan sa bahay…” Pinapungay pa niya ang mga mata.

“Kapag hindi na ako busy. Sige, alis na ako!” Nagpaalam na rin ako sa kanya dahil talagang kinikilabutan ako sa kanya. Wala, e. Kapit na ito sa patalim. Haha!

-----***-----

PAGPASOK ko sa bahay namin ay naamoy ko agad ang amoy suka ng bahay namin. Nakita ko ang Mama ko na nakahiga sa sahig namin. Lupa lang ang sahig namin na nilatagan ng mga karton. Napailing ako. Hindi na bago sa akin ang eksenang ito, 'yong uuwi ako na lasing ang Mama ko pero hindi pa rin ako nasasanay. Tarantado ako pero mahal ko pa rin ang Mama ko. Nangangarap pa rin ako na pag-uwi ko ay maaabutan ko siya na nagluluto o naghahain ng pagkain. Kahit kasi isang beses ay hindi ko naranasan iyon sa kanya.

Inilapag ko sa maliit naming lamesa ang mga dala ko. Binuhat ko ang Mama ko at inihiga siya sa papag. Kumuha ako ng palanggana at nilagyan iyon ng tubig. Kumuha na rin ako ng bimpo dahil pupunasan ko ang mukha niya na may suka.

Habang nililinisan ko siya ay bigla siyang nagsalita. “Hoy! Efren! Nakapag-ipon ka na ba? Pupunta na ba tayo ng Japan?” tanong nito sa kanya.

“Kulang pa ng isangdaang libong piso ang ipon ko. Maghintay ka lang!” sagot ko.

“Gago ka kasi! Nabuo ka! Iniwanan tuloy ako ng tatay mong Hapon!”

Nagpatuloy lang ako sa paglilinis sa kanya. Pinalitan ko na rin siya ng damit. Mas babaho siya kung matutuyuan siya ng suka. Kinuha ko ang alak at inilagay iyon sa tabi niya. “'Ayan, ubusin mo iyan. Naka-delihensiya ako ng vitamins mo.” sabi ko.

Umupo ako sa gilid ng papag habang nasa likuran ko si Mama. Humihilik siya at tulog dahil sa kalasingan. Hindi sinasadya na mabilis na pumatak ang luha ko. Hindi na iyon nahabol ng kamay ko kaya lumaglag iyon sa suot kong damit.

“Pucha naman!” mura ko sabay pahid sa nabasa kong pisngi.

Ano ba naman kasing buhay ang meron ako? Bakit ako iniwan ng tatay ko? Bakit lasenggera ang nanay ko? Bakit kailangan ko pang magnakaw para mabuhay? Ang dami kong tanong. Ang dami kong gustong mangyari sa buhay ko na alam kong hanggang pangarap lang. Paano naman kasi ako uunlad, e, hindi nga ako marunong magbasa o sumulat! Gusto kong mag-aral sana noon pero mas inuna ko ang pagkalam ng tiyan ko. Kesa mag-aral ay nagtrabaho na agad ako. Nagpupunas sa mga sapatos ng mga pasahero sa jeep. Maswerte na kung aabutan ka ng limang piso at malas naman kung mainit ang ulo ng pasahero at sisipain ka pa!

Nang umedad ako ng kinse ay doon ko naisipan na magnakaw. Okay. Ayos naman. Mas malaki ang kita. Minsan, nahuhuli ako pero pinapakawalan din naman. Sumisikip kasi iyong kulungan sa lugar namin kaya kailangang magbawas. Saka sanay na rin ang mga pulis sa akin. Tropa ko na nga iyong iba dahil kapag nakakuha ako ng malaki-laki ay inaabutan ko ang mga loko. Haha!

Kaya naman naiinggit ako kay bro Baste kasi kahit mahirap siya ay hindi na niya kailangang magnakaw dahil nagtatrabaho ang nanay niya, ginagampanan nito ang pagiging ina sa kanya. Ang swerte niya kung ikukumpara sa akin.

Pero kahit marami akong kamalasan sa buhay, may isang swerte naman sa buhay ko.

Si bro Baste.

Siya ang swerte ko. Dahil kasi sa kanya ay hindi ko kailanman naramdaman na mag-isa ako…

TO BE CONTINUED…

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon