CHAPTER 27- Masakit Na Katotohanan

14.5K 476 78
                                    

CHAPTER 27- Masakit Na Katotohanan

"ANO bang sinabi mo kina Mama at Papa at pumayag na sila sa relasyon natin?" tanong ko kay Raphael isang hapon habang nasa bahay kami nina Sunshine.

Inaya kasi kami ni Sunshine na mag-meryenda sa kanila. Ipinagmamalaki kasi niya iyong niluluto niyang turon na may ube at langka. Nakita daw niya sa Google iyong recipe. Pabida rin talaga minsan ang babaeng 'yon, e.

Napansin ko na medyo naging malikot ang mata ni Raphael nang tanungin ko siya no'n. "Ah, eh... sinabi ko na mahal na mahal kita at handa akong pasayahin ka habangbuhay!" sagot niya.

"Iyon lang pala ang makakapagpalambot sa puso nila. Masaya ako na tanggap na nila tayo, bro..."

"Ako din, bro. Atleast, ngayon ay malaya na talaga tayo."

"Salamat talaga, bro. Kaya mahal na mahal kita, e!"

"Mahal na mahal din kita, bro..."

"Anong mahal na mahal 'yan?" Dumating na pala si Sunshine dala ang ipinagmamalaki niyang turon. Inilapag niya iyon sa mesita na nasa harapan namin. "Ang tamis niyong dalawa. Dadaigin niyo pa itong special turon ko! Teka, wala pala tayong juice. Saglit lang at bibili lang ako."

Akmang aalis si Sunshine para bumili pero ako na ang nagprisinta na gumawa niyon. Nakakahiya naman sa kanya. Siya na nga ang nagpameryenda, siya pa ang lalakad para bumili ng juice.

"Basta, 'wag niyo akong uubusan ng turon. Pagbalik ko, dapat meron pa 'yan. Lalo ka na, bro. Kilala kita. Matakaw ka!" sabi ko bago ako umalis.

Nagpayong ako dahil hindi ako pwedeng masikatan ng araw. Baka magkaroon na naman ako ng rashes sa kung saang parte ng katawan ko. Nakakatakot. Minsan ay grabe talaga 'yong rashes na lumalabas sa akin. Parang mapa ng Pilipinas at kung mamalasin ay sobrang laki na para akong na-hazing! Tuloy-tuloy pa rin naman ang gamutan at check up ko kahit minsan ay nagsasawa na rin ako. Ewan ko, pero handa na kasi akong mamatay. Nandito na ako sa point na kung saan ay okay na ang lahat. Masaya at kuntento na ako.

Wala akong nabilhan ng juice sa unang tindahan kaya naghanap pa ako ng tindahan. Mabuti na lang at meron na sa ikalawang tindahan na pinuntahan ko. Bumili na rin ako ng yelo dahil baka walang malamig na tubig sa kina Sunshine. Ang pangit naman na iinom kami ng juice na hindi malamig.

Naglakad na ako pabalik sa bahay nina Sunshine.

Nasa labas pa lang ako ng bahay nila ay nakita ko na agad na parang ang seryoso ng usapan nina Sunshine at Raphael. Parang pinag-uusapan nila ang mga problema ng bansa at kagoon sila kaseryoso. Nakatalikod sila sa may pintuan kaya naman naisipan ko na gulatin sila. Dahan-dahan kong binuksan ang gate para hindi nila malaman na dumating na ako.

Habang papalapit ako sa pintuan papasok ay unti-unti kong naririnig ang pinag-uusapan nilang dalawa.

"Paano kapag nalaman ni Francis? Sigurado ako na masasaktan siya," sabi ni Sunshine. Medyo pabulong iyon pero hindi naman ako bingi para hindi marinig iyon.

"'Di ba, ikaw ang nakaisip nito para makabawi sa kanya? Sana talaga ay hindi niya malaman..." saad naman ni Raphael.

Napatigil ako sa paglalakad papasok. Parang may nag-utos sa akin huwag muna akong magpakita sa kanila at pakinggan pa ang usapan nila. Ano iyong masasaktan daw ako kapag nalaman ko? Ibig sabihin ay may itinatago ang dalawang ito sa akin?

"Alam ko, ako nga ang nakaisip na magpanggap kang mahal mo rin si Francis. Pero, gusto ko lang makabawi sa kanya dahil sa kasalanan ko sa kanya, Raphael..."

"Wala namang problema sa akin iyon, Sunshine. Mahal ko si bro pero hanggang kaibigan lang. Para ko na siyang kapatid... Kaya nga pumayag agad ako sa suggestion mo na magpanggap na mahal ko rin siya nang sinabi mo na gusto niya ako. Hindi natin alam kung kailan siya mawawala dahil sa sakit niya kaya mas mabuti na maging masaya siya sa nalalabing-"

BLAGH!

Hindi na naituloy ni Raphael ang sinasabi niya nang marinig niya ang pagbagsak ng yelo sa semento. Sobrang nanginginig ang buong katawan ko sa nalaman ko kaya nabitiwan ko iyon. Gulat na gulat na napatayo silang dalawa. Nang magtama ang mga mata namin ni Raphael ay biglang pumatak ang luha sa mga mata ko.

"Bro!" gulat na bulalas niya.

"Bro..." sagot ko.

"B-bro, magpapaliwanag ako," aniya at humakbang siya palapit sa akin.

"'W-wag ka nang lumapit, bro. O-okay na. N-narinig ko na. Hindi mo talaga ako mahal gaya ng pagmamahal ko sa'yo. Nagpapanggap ka lang para maging masaya ako... k-kasi mamamatay na ako. Dakila ka, bro! Ang galing!" sarkastiko at puno ng pait na sabi ko.

"Bro, please... 'Wag kang magagalit. Nag-aalala ako sa'yo baka-"

"'W-wag mo akong alalahanin. Pinaasa mo lang naman ako, 'di ba? Pinaasa mo ako na totoo ang pagmamahal mo sa akin. Okay lang ako. Okay na okay!"

"Pero mahal naman talaga kita, bro."

Umiling ako. "Oo, mahal mo ako. Pero hindi sa paraang alam ko."

Tumalikod na ako para tumakbo. Narinig ko ang pagtawag ni Raphael sa akin. Nasa gitna na ako ng kalsada nang maabutan niya ako. Hinawakan niya ako sa braso. Humarap ako para suntukin siya sa mukha. Sa sobrang galit ko siguro at natumba siya sa suntok ko. Nakita ko agad ang dugo sa ilong niya pero hindi ako naawa sa kanya. Kulang pa iyon. Kulang pa ang suntok kong iyon para sa panloloko nila sa akin ni Sunshine.

"Wala na tayo, Raphael. Niloko mo ako! Niloko niyo ako!" galit na galit na dinuro ko pa siya.

"Bro-"

"'Wag mo na akong ma-bro bro! Hindi mo alam ang tunay na kahulugan ng salitang bro!"

Gusto ko pa sana siyang suntukin pero pinigilan ko na lang ang sarili ko dahil baka mabugbog ko pa siya ng husto.

Muli akong naglakad palayo. Mas mabilis. Kulang na lang ay tumakbo ako para makalayo agad kay Raphael. Hindi ba niya alam kung gaano kasakit ang ginawa niyang iyon sa akin?

Pinaasa niya ako na totoo ang lahat ng pinakita at pagmamahal niya sa akin! Nag-flashback lahat sa akin ng ginawa namin ni Raphael at mas lalo akong napaiyak dahil lahat pala ng iyon ay pakitang-tao lang. Isang pagpapanggap dahil mamamatay na ako. Sana nga ay mamatay na ako ngayon dahil tila hindi ko na kakayanin ang sakit. 'Yung feeling na nilipad niya ako ng sobrang taas. 'Yong sarap na sarap na ako tapos bigla niya akong binitiwan. Nahulog ako. Bumagsak sa lupa at nadurog. Durog na durog!

"Bro!" narinig ko na naman ang pagtawag sa akin ni Raphael.

Paglingon ko ay nakita ko na sinusundan pa rin niya ako.

Mas binilisan ko ang paglalakad ko. Pero bigla akong natigilan nang makarinig ako ng nakakangilong ingay ng pagpreno ng isang sasakyan. Kinakabahan na lumingon ako at doon ay nakita ko ang nakahintong truck at sa unahan no'n ay may duguan katawan na nakahandusay.

"R-raphael..." kinakabahang bulalas ko.

TO BE CONTINUED...

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon