CHAPTER 01- Starbucks

19.5K 430 24
                                    

CHAPTER 01- Starbucks

BASTE'S POV

ANG maingay na kapaligiran ang gumising sa akin ng umagang iyon. Sari-saring ingay na talagang hindi ka pwedeng magising. May mag-asawang nag-aaway, batang umiiyak at mga lasenggong nagtatawanan. Hay... isang panibagong araw na naman. Salamat kay Lord at nagising pa ako.

Bumangon na ako at muli ko na namang nasilayan ang bahay namin na halos magiba na kung hindi lang sinusuportahan ng apat nitong haligi. Sa isang squatter's area kami nakatira. Dito na ako lumaki sa barung-barung namin. Akala ko nga noon makakaalis din kami dito dahil iyon ang palaging sinasabi sa akin ng Nanay ko pero habang lumalaki ako nauunawaan ko na ang lahat. Sinasabi lang iyon ng nanay para magkaroon ako ng pag-asa at upang lumaki ako na may pangarap. Saka paano ba naman kami makakaalis kung wala namang permanenteng trabaho si Nanay? Hindi bale, makatapos lang talaga ako ng high school ay maghahanap agad ako ng trabaho. Iyong kahit papaano ay malaki ang sweldo.

Naabutan ko si Nanay na nagluluto ng sinangag. Kaming dalawa lang ang magkasama. Limang taon na kasing patay ang tatay ko nang minsang masagasaan ng truck. Lasing kasi...

"Good morning, 'nay. Ang agad niyo naman."

"Alangan namang hindi, e, may pasok ka. Magmumog ka na at kumain. Tapos na ito."

"Sige po."

Napakaswerte ko talaga sa nanay ko. Kahit na kapos kami sa karangyaan ay hindi naman ako kulang sa pagmamahal. Kaya pangarap ko talaga na maiahon siya mula sa kahirapan na ito. Iaalis ko siya dito at titira kami sa malaking bahay. Hindi na niya kailangang magtrabaho dahil ako na ang bubuhay sa kanya. Iyon lang naman ang pangarap ko. Ah, hindi lang pala iyon. May isa pa akong pangarap bukod doon.

-----***-----

PAGLIKO ko sa eskinita ay nagulat ako nang may biglang bumundol sa akin. Muntik pa akong matumba. Mabuti na lang at maganda ang balanse ko. Mumurahin ko sana ang kung sino man na hindi nag-iingat na bumundol sa akin nang makilala ko siya.

"Bro!" Ang inis ko ay napalitan ng isang ngiti.

"Sorry, bro! Nagusot ko yata uniform mo," sagot naman niya. Pinagpagan pa niya ang polo ko.

Parang balisa siya. Pawisan at humihingal.

"Okay lang, bro. Nagmamadali ka yata?"

"Ah, eh... oo, bro! Diyan ka na muna!" aniya. Tinapik niya ako sa balikat at saka muling tumakbo palayo na akala mo ay may humahabol.

Ano kayang nangyari doon? Nakakapagtaka naman.

Oo nga pala, siya si Efren-ang bro ko. Bro as in bestfriend na parang magkapatid na. Sabay kasi kaming lumaki ni Efren dito sa squatter's area. Lagi kaming magkalaro niyan noon at magkasama sa kalokohan. Matanda siya sa akin ng dalawang taon. Disi otso ako siya naman ay bente. Patigil-tigil kasi ako sa pag-aaral kaya sa edad kong ito ay graduating pa lang ako ng high school. Si Efren naman, hindi na siya nag-aaral. Hindi nga niya natapos ang kindergaten, e. No read, no write siya. Hindi nga lang halata sa kanya kasi gwapo. Ang alam ko ay Hapon ang tatay niya pero iniwan na agad ang nanay niya nang mabuntis ito sa kanya. Kaya naman natural na maputi ang bro ko na iyon.

Iyong isa ko pang pangarap, siya iyon. Si Efren.

Maglalakad pa lang sana ulit ako nang may makita ako na isang pulis na tumatakbo papalapit sa akin. Tumitigil siya sa harapan ko para magtanong.

"May nakita ka bang lalaki na naka-red na damit, black na short at nakasuot ng cap na gray?"

Teka, si Efren yata ang hinahanap ng pulis na ito, ah. Ganoon kasi ang suot no'n. Sandali nga. Tumatakbo si Efren tapos hinahanap siya ng pulis. Hindi kaya...

"M-meron po. Doon po siya tumakbo!" Hindi ko itinuro sa pulis iyong direksyon na tinakbuha ni Efren. Iniligaw ko 'yong pulis.

Naku, si bro talaga...

Kakausapin ko siya mamaya!

-----***-----

"ISANG Boy Bawang at isang softdrink... Kailan kaya magle-level upang meryenda natin, bro? 'Yong parang sa mga mayayaman. 'Yong ano... Star... star... Star ano ba iyon?" Kakamot-kamot sa ulo niya si Efren habang ngumunguya siya sa Boy Bawang na inilagay niya sa bibig niya.

"Starbucks!" pagtatama ko.

Kakauwi ko lang galing sa school ngayong hapon. At kapag ganitong oras, kapag wala kaming ginagawa ni Efren ay tumatambay kami dito sa bubong nina Aling Dada. Si Aling Dada ay ang itinuturing na pinaka mayaman dito sa lugar namin. Nagtatrabaho kasi sa Japan ang anak nitong babae. Matibay ang bahay nila kaya nakakatambay kami sa bubungan nila. Kapag ganitong oras ay malamig na dito. Pagabi na kasi. Tanaw na tanaw namin ang buong squatter's area at iyong mga naglalakihang buildings sa kalayuan.

"'Ayon! Starbucks nga. Nasa dulo na ng dila ko kanina pa," sabay sipsip naman niya sa softdrinks na nakalagay sa plastic at may straw.

"Ano na namang ginawa mo, bro? Hinahanap ka ng pulis kanina."

Tumingin siya sa akin sabay tawa. "Wala. Nang-snatch lang naman." Parang balewala lang na sagot niya.

"Kailan ka ba titigil sa pagnanakaw, bro?"

"Kapag mayaman na ako!"

"Hindi ka naman yayaman sa ginagawa mo. Pinapaikli mo lang ang buhay mo, e. Paano kung mabaril ka ng mga pulis? Mabugbog ka tapos mamatay?"

"Ang sama naman ng sinabi mo, bro! Hindi pa ako mamamatay. Hindi pa ako mayaman, e."

"Mag-aral ka kasi katulad ko."

"Sinong magpapaaral sa akin? Mabuti ka at may nanay ka na kahit paano ay nagtatrabaho. E, ako? Iyong nanay at tatay ko, busy sa pagpapakalasing at pagsusugal. Ikaw na lang ang mag-aral, bro. Tapos kapag mayaman ka na, gawin mo akong bodyguard mo. Lakihan mo ang sweldo ko. Poprotektahan naman kita ng maayos."

"Loko ka talaga, bro! Ewan ko sa'yo!"

Sumipsip ako sa softdrinks ko sabay tingin sa kanya. Nahuli ko siya na nakatingin sa kawalan. Alam ko sinasabi lang niya na parang wala siyang pangarap sa buhay pero alam ko meron. Siguro ay katulad ko rin siya na nangangarap na makaalis sa lugar na ito at maging maginhawa ang buhay. Katulad ko rin siya na nangangarap na gigising na nakahiga sa malambot na kama. Katulad ko rin siya na pangarap na magkaroon ng sariling sasakyan para mapuntahan ang lahat ng lugar na gustong puntaha. Pero katulad ko rin kaya siya? Kasi isa siya sa pangarap ko. At sana, isa din ako sa pangarap niya...

"Hayaan mo, bro. Kapag naka-delihinsiya ako ng malaki-laki, mag-i-Starbaks tayo!" Natawa ako sa sinabi niya.

"Sige, promise 'yan, ha!" sabi ko na lang.

TO BE CONTINUED...

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon