CHAPTER 19- Mahal Kita, Bro!

16.3K 540 84
                                    

CHAPTER 19- Mahal Kita, Bro!

SABI nga nila, habang nandiyan pa ang taong mahal mo ay sabihin mo na agad kung gaano siya kamahal. Dahil maikli lang ang buhay. Paano kung mawala siya? Paano kung mawala ka? Baka sa huli ay magsisi ka lang na hindi mo nasabi sa kanya ang matagal mo nang gustong sabihin...

Hindi nga kaya ito na ang tamang panahon para sabihin ko kay Raphael kung ano ako at kung ano talaga ang nararamdaman ko sa kanya? Traydor ang sakit ko. Baka isang umaga ay hindi na ako magising, baka manghimatay na lang ako at hindi na magkaroon pa ng malay. Ayokong baunin sa kamatayan ang sikreto kong ito. Siguro, kung magagalit at lalayuan niya ako kapag nalaman na niya ang totoo ay dapat ko na lang siyang unawain. Iisipin ko na lang ang worst na mangyayari para hindi ako masyadong masaktan.

Hinila ako ni Raphael patayo habang hawak ang kamay ko. "Teka, may nakalimutan pala ako, bro..." aniya.

"Ha? Ano 'yon?"

Nagulat ako nang bigla niya akong yakapin nang sobrang higpit. Halos hindi na ako makahinga dahil sinamahan pa niya talaga ng panggigigil!

"Bro hug!!!" Masaya niyang sabi.

Napangiti ako sa ginawa niya. Kahit hindi ako komportable sa yakap niya ay fi-neel ko na lang. Mahigpit na rin akong yumakap sa kanya habang nakapikit. Hay... ang sarap naman ng ganito. Kahit na medyo matagal kaming hindi nagkita ay wala pa ring nagbago. Meron kasing magkakaibigan na kapag matagal na hindi nagkita ay parang nanlalamig na kapag nagkita ulit. Mabuti na lang at hindi kami ganoon ni Raphael. Kahit nga siguro sampung taon pa kaming hindi magkita, wala pa ring magbabago.

Nang mapansin ko na pinagtitinginan na kami ng tao na naroon sa covered court ay tinapik ko siya sa likod. "Bro, tama na. Pinagtitinginan na tayo..."

Tumigil na siya sa pagyakap. "Naku, hayaan mo nga sila. Inggit lang ang mga 'yan kasi gusto rin nila ng bro hug!" Natatawa niyang wika at umupo ulit kami.

"Gago ka talaga! Anong alam nila sa bro hug natin?"

"Joke lang. Seryoso mo naman, bro!"

"Okay. Speaking of seryoso... May sasabihin ako sa'yo..."

Nang mga oras na iyon ay kinakabahan na ako. Oo, sasabihin ko na kay Raphael ang totoo. Aamin na ako. It's now or never. Ito na ang tamang panahon!

"Ako rin, bro. May sasabihin, e."

"Gano'n ba? Sige, mauna ka na."

"Hindi, ikaw na muna. Tapos ako naman."

"Ikaw na kasi muna, bro. Mukhang mas importante iyan, e."

"Mukhang mas importante 'yong sa'yo. Ikaw na, bro..." pilit niya.

Ewan ko pero bigla na lang akong natawa sa pagtuturuan namin. Mukha kaming tanga.

"O, sige, ganito na lang. Para walang talo, sabay na lang tayo. Game?" suhestiyon ko.

Nag-thumbs up siya. "Sige. Mas okay pa nga," aniya.

"Pagbilang ko ng three, sabay nating sasabihin. Okay?"

"Okay."

Hindi pa rin talaga kami nagbabago. Para pa rin kaming mga bata.

"One..." Haay... 'Eto na talaga. Kailangan ko nang sabihin sa kanya.

"Two..." Pinagpapawisan na ako. Teka, 'wag ko na lang kayang sabihin. Baka kasi suntukin niya ako.

Lord, tulungan Niyo pa ako!

"Three!"

"MAHAL KITA, BRO!" Magkasabay naming sabi.

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon