CHAPTER 07- Ang Pagbabalik Ng Nakaraan

7K 218 12
                                    

CHAPTER 07- Ang Pagbabalik Ng Nakaraan

NAPAPITLAG ako nang may humawak sa likuran ko. “Jak, okay ka na ba?” Boses ni Marco.

Medyo nanginginig at natatakot na napatingin ako sa kanya. Nasa labas ako ng police station kung saan pinapunta lahat ng tao na nasa loob ng banko na hinoldap kanina. Sinapo ni Marco ang leeg at noo ko.

“Nanginginig ka. Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?”

Umiling ako. “U-umuwi na lang tayo, Marco…” sabi ko. Walang anu-ano ay napatulala ako.

Kanina nang may maganap na holdapan sa banko at binaril ng holdaper iyong security guard ay biglang nagbalik lahat sa alaala ko kung paano walang awang pinatay ng isang lalaki si daddy. Natakot ako. Para akong bumalik sa nakaraan at naging bata ulit ako habang nakatago sa mainit at masikip na aparador at kitang-kita ko ang pagpatay sa sarili kong ama.

Naikuyom ko ang kamao ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. Parang gusto kong magwala, manuntok… pumatay! Parang… gusto kong makaharap ang lalaking pumatay sa daddy ko at gawin ang ginawa niya kay daddy. Gusto kong barilin siya nang paulit-ulit! Hanggang sa mamatay na din siya!

“Jak? May problema ba?”

Nanlilisik ang mga mata na napalingon ako kay Marco. Ngunit nang makita ko ang nag-aalala niyang mukha ay biglang lumambot ang mukha ko. “S-sorry… Tara, uwi na tayo,” sabi ko.

“Bakit parang galit na galit ka kanina? Sa akin ka ba nagagalit?” tanong ni Marco nang naglalakad na kami.

“Hindi, ah. Bakit naman ako magagalit sa’yo? May naalala lang kasi ako gawa no’ng holdapan.”

“Talaga? Ano ba iyon? Parang ang lalim kasi ng pinaghuhugutan ng galit mo. Kitang-kita ko sa mukha mo kanina.”

Umiling ako. “Wala. Wala iyon.” Hindi ko pa kayang ikwento kay Marco ang lahat. O baka hindi na niya kailangan pang malaman. Hindi ko kayang ikwento sa iba ang nangyari sa daddy ko.

“Alam ko naman na hindi iyon wala lang, pero alam ko din na hindi mo iyon kayang ikwento sa akin. Naiintindihan kita. Kahit naman ako, may mga bagay at pangyayari sa buhay ko na hindi ko kayang sabihin sa iba. Siguro dahil natatakot ako na husgahan.”

Napatingin ako kay Marco. Nalaliman kasi ako sa sinabi niya pero hindi na ako nag-usisa pa.

“Salamat sa pag-intindi, Marco.”

“Wala 'yon. Basta, kapag kailangan mo ng tulong ko, sabihan mo lang ako… bro.”

Inakbayan niya ako at naramdaman ko na safe ako nang gawin niya iyon.

-----***-----

“DADDY!!!” Ang malakas kong sigaw ang pumunit sa tahimik na gabi. Napabalikwas ako ng bangon. Butil-butil ang pawis sa aking mukha habang nagtataas-baba ang aking balikat dahil sa malalalim na paghinga. Itinuon ko ang aking dalawang kamay sa gilid ko.

Isang masamang panaginip ang gumulo sa akin ngayong gabi. Isang pangyayari sa buhay ko na pilit ko nang kinakalimutan pero muling nagbabalik. Paulit-ulit sa aking panaginip iyong eksena kung saan walang awang pinatay ng hayop na lalaking iyon si daddy. Tapos, may eksena rin sa panaginip ko kung saan nagpapakita sa akin si daddy at nagmamakaawa. Tulungan ko daw siya. Tulungan ko daw siyang manahimik na!

Biglang bumukas ang pinto ng aking kwarto at humahangos na pumasok si Mama Chang. May mud pack pa siya sa kanyang mukha. Marahil ay nagising siya dahil sa pagsigaw ko.

“Jak, anong nangyari? Bakit ka sumigaw?” tanong ni Mama Chang. Nilapitan niya ako at nag-aalalang hinawakan ako sa aking braso.

“N-napanaginipan ko po si daddy, Mama Chang… Naalala ko na naman, e.”

“Mahirap talagang kalimutan ang mga ganiyang bagay, anak. Okay ka lang ba? Gusto mo bang ikuha kita ng tubig?”

“'Wag na po. Mama, paano kung…” Lumunok ako ng laway. “Paano kung hindi matahimik ang kaluluwa ni daddy dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang pumatay sa kanya?”

Huminga ng malalim si Mama Chang at malungkot akong tiningnan. “Pero alam mo naman na, case closed na ang kaso ng daddy mo. Isa pa, paano mo nasabi na hindi pa nahuhuli ang pumatay sa kanya? Hindi ba at nakakulong na ang lalaking bumaril sa kanya?”

“Alam ko po na hindi iyon ang pumatay kay daddy. May tattoo ng pakpak ng anghel sa likod ang lalaking pumatay kay daddy!”

“Pero iyon ang sinabi ng mommy mo na pumatay sa daddy mo, Jak.” Napapalatak si Mama Chang nang lalo akong nalungkot nang mabanggit niya si mommy.

Matapos kasing maisara ang kaso ng pagpatay sa daddy ko ay iniwan na lang ako ng mommy ko. Parang bula siyang naglaho. Hindi na nagpakita at nagparamdam man lang. Hindi nga namin alam kung buhay pa siya, e. Kaya naman, inisip ko na lang na patay na si mommy katulad ni daddy para hindi ako gaanong masaktan sa pang-iiwan niya sa akin.

“Mama Chang, gusto ko pong hanapin ang tunay na pumatay kay daddy. gusto kong gumanti!” Bumakas ang walang kapantay na galit sa aking mukha.

“Masama ang gumanti, Jak. Okay, naniniwala naman ako sa mga sinasabi mo pero ipagpasa-Diyos na lang natin ang lahat. Malamang, ngayon ay kinakarma na ang walanghiyang pumatay sa daddy mo. Halika nga dito at yayakapin na lang kita!” Ibinuka ni Mama Chang ang kanyang dalawang braso.

Umisod ako palapit sa kanya at niyakap siya.

Habang yakap niya ako ay tumatakbo na ang isip ko kung paano ako makakaganti sa lalaking pumatay kay daddy. Alam kong hanggang ngayon ay hindi pa rin matahimik ang kaluluwa niya kaya bigla na lang siyang nagpaparamdam sa panaginip ko.

Hayaan mo, daddy… Igaganti kita. Gagawin ko rin sa lalaking iyon ang ginawa niya sa’yo! Piping sigaw ko sa aking utak.

-----***-----

KINABUKASAN, papasok na sana ako sa school nang mapansin ko na nakabukas ang pinto ng unit ni Marco. Dumaan kaya muna ako sa kanya? Wala lang, gusto ko lang siyang makita. Gusto ko lang ng inspirasyon bago ako pumasok. Saka, sobrang stressed ako dahil sa mga nangyari at panaginip ko kagabi. Kailangan ko ng energy booster at isang smile lang ni Marco ay okay na ulit ako.

Naglakad na ako papunta sa unit niya. Pagpasok ko sa loob ay nagulat ako nang makita ko siyang nakaupo sa sahig at may nililinis na baril. Napatingin siya sa akin at bigla niyang itinago ang baril sa isang itim na bag.

“O, Jak, may kailangan ka ba?” tanong niya.

“Wala. Mangungumusta lang sana ako.”

“Okay lang naman ako. Ikaw ba, okay ka na?”

“Oo,” sabi ko lang iyon pero ang totoo ay hindi. “Teka, baril ba 'yong hawak mo kanina?”

“Ah, 'eto ba?” aniya at muli niyang inilabas ang baril sa bag. “Wala ito. Gamit ko lang. In case of emergency, pang-self defense.”

“Ibig sabihin marunong kang gumamit niyan?” tanong ko.

“Oo naman. Bakit?” sagot niya. At isang idea ang nabuo sa isip ko.

TO BE CONTINUED…

BROTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon