Sa tagal nang pananatili ko sa simbahang ito, napakarami na pala ng anumalyang nagawa ko. Tao rin naman ako, nagkakasala.


Ang pondo ng simbahan na aking ibinubulsa, ngayo'y naipagawa ko na ng aking inaasam-asam na hasyenda. Mali ito pero kailangan ko itong gawin para sa aking ikauunlad.


Naiinggit ako sa ibang mga paring mayayaman na kaya napagpasyahan kong tularan sila. Alam kong magagalit ang mga tao sa maling desisyon ko, lalo na ang Panginoon dahil dinudungisan ko ang kaniyang pangalan.


Tao rin ako na natutukso. Sabi nila, kapag ika'y nagpari, ang buhay mo ay para sa Panginoon lamang, pagsisilbihan mo siya habang buhay. Pero hindi ko maiwasan ang tawag ng laman. Sa edad kong 34, hinahanap-hanap kong may magpasaya sa aking lamang lupa. Kaya madalas, ako'y nagkakasala. Nakakabot ding nasa loob ka lamang ng simbahan habang nagdadasal.


Hindi rin ako nagpaawat na waldasin ang pera ng simbahan sa pagsusugal. Ang dami kong nilolokong tao, hindi ko na kaya.


Alam kong makasalanan akong nilalang at hindi nararapat na tawaging pari. Ngayon, balak ko nang umalis sa aking pwesto. Kinokonsensiya na ako ng Panginoon sa lahat ng aking nagawang kasalanan.


Nandito ako ngayon sa simbahan, pinipilit kong huwag nang gumawa ng kasalanan. Bago ako bumaba sa aking pwesto, gusto kong humingi ng kapatawaran sa Panginoon at sa mga tao ng bayang ito.


Pagkatapos kong manalangin, napatingin ako sa pasilyo ng simbahan. Nakita ko ang repleksyon ko't nagtaka akong bigla nang mapansin kong may nagliliwanag sa aking noo.


Lumapit ako rito para makita kung ano ba ang nasa aking noo. Nanlaki ang mga mata ko nang biglang maaninaw ko ang letrang "Ha" rito. Napaupo ako bigla sa sahig.


"Magdasal ka pa, humingi ka pa ng kapatawaran sa Panginoon. Magpalinis ka sa mga nagawa mong kasalanan. Magsisi ka!" Bulong ng isang boses babae sa aking kanang tainga. Nang tingnan ko siya, isang babaeng nakaputi ang patuloy akong inuusig sa aking mga nagawang mali.


"Ah! Layuan mo ako!" Sigaw ko nang dahil sa takot. Dahan-dahan kong isinisikad sa sahig ang aking paa palayo sa kaniya.


Nakalutang na siya ngayon sa ere habang unti-unting lumalapit sa akin.


"Pagsisihan mo ang iyong mga kasalanan." Sambit niya kaya hindi ako nagdalawang-isip na itutok sa kaniya ang krus na nasa aking bulsa.


"Lumayo ka sa akin masamang espirito!" Sigaw ko habang nakatutok sa kaniya ang krus.


Pumayapa bigla ang aking pakiramdam sa kaniyang paglaho.


"Ang sumpa'y nakakapit sayo, hindi mo na matatakasan pa ito." Bulong ulit ng isang boses babae sa aking kanang tainga.


"Ah!" Sigaw ko nang biglang sumulpot ang isang babaeng nakaitim.


"Layuan mo ako!" Sigaw ko sabay hagis sa hawak kong krus.


"Haha! Mamamatay ka!" Sambit niya habang humahalakhak pa. Nanlilisik ang kaniyang mga mata na puno ng pagkamuhi.


"Kampon ka ng kadiliman! Layuan mo ako!" Sigaw ko dulot ng takot. Hindi ako magkandaugaga sa pagkapa ng holy water sa aking bulsa.


Nang ito'y aking matunton, kaagad ko itong inilabas.


"Sa ngalan ng ama, anak at espirito santo, maglaho ka!" Sambit ko sabay saboy sa kaniya ng holy water na hawak ko.


Para akong nabunutan ng tinik nang mawala na siya sa harapan ko.


Laking gulat ko dahil hindi ako makapaniwala na nandito na ako ngayon sa ikalawang palapag ng simbahan. Hindi ko alam kung paano ako napunta rito.


Napatingin akong bigla sa salamin. Isang mensahe ang ibinigay nito na nagliliwanag sa aking noo habang patuloy pa rin sa pagliliwanag ang letrang Ha.


"Mabuti man o masama, isa lang ang kasasadlakan ng iyong lamang-lupa."


Kinusot-kusot ko ang mga mata ko at nagbabaka-sakaling namamalikmata lang ako. Pero isang mensahe na naman ang lumabas dito.


"Ang hagdan kaya ang magdadala sayo patungong langit? O sa impiyerno ika'y lalangitngit?"


Ipinikit ko na lang ang mga mata ko dahil nagugulumihanan ako.


"Hindi pa huli ang lahat, magsisi ka! Magsisi!"


Napamulat ako bigla dahil sa narinig kong iyon. Pilit akong kinukumbinse ng babaeng nakaputi na magsisi.


"Magpakasaya ka lang! Makiayon ka sa mundo! Gumawa ka pa nang maraming kasalanan!"


Pilit naman akong tinutukso ng babaeng nakaitim na gumawa pa ng kasamaan.


"Tigilan niyo na ako! Tama na!" Sigaw ko habang nakatakip sa aking dalawang tainga.


Nakapikit akong tumayo sa pagkakaupo sa sahig. Pagewang-gewang akong naglalakad sa kung saan. Nakakabingi ang paulit-ulit na sinasambit ng dalawang kaluluwa. Natutulilig ang aking tainga.


"Padre Santiago!"


Napamulat akong bigla dahil may sumigaw ng aking pangalan. Dalawang dalaga, si Divine at ang kaniyang kaibigan.


"Mamamatay ka!" Sigaw ng babaeng nakaitim kaya naman nauyot ang aking paa at akong dumausdos at nagpagulong-gulong sa mataas na hagdan.


"Father!"

The Return of ABaKaDa (Published)Where stories live. Discover now