"Pano nangyari 'to?" Nagtataka siya, hindi niya malaman kung ano ang nangyayari dahil alam niyang totoong nangyari ang lahat ng iyon, alam niyang namatay siya at nahulog sa hagdan, alam niyang nakunan siya at tumama ang kaniyang ulo sa sahig.

Kaya bakit wala siyang kagalos-galos ngayon? Bakit naigagalaw niya ang kaniyang katawan at wala siyang ano mang sugat sa ulo?

Agad niyang kinuha ang cellphone niya sa side table ng kama para tawagan si Elijah pero pagbukas niya ay nakita niya ang date sa screen.

"February 20? 2023?" Takang taka si Elara nang makita niya ang petsa at taon. Niloloko ba siya ng panahon? Nahihibang na ba siya? O sadyang may kakaibang nangyari sa kaniya.

Hindi niya alam kung paniniwalaan niya ang mga nakikita niya, pero isa lang ang pumapasok sa kaniyang isipan.

Bumalik siya sa nakaraan upang maitama lahat ng mga desisyon niya sa kasalukuyan.

Muli niyang naalala ang mga huling salitang binitawan sa kaniya ng kaniyang step mother.

'Payo lang sayo ni Mommy sa next life mo, huwag ka masyadong magtitiwala ah, huwag ka masyadong mabait, dapat ginagamit mo rin ang utak mo. Para naman hindi ka maging kawawa katulad ng nangyayari sa 'yo ngayon.'

Para siyang binuhusan ng malamig na tubig at natauhan sa lahat ng mga nangyayari sa kaniyang paligid. Ramdam na ramdam niya ang pagkulo ng kaniyang dugo nang maalala niya lahat ng panloloko na ginawa nilang lahat sa kaniya.

Mahigpit na hinawakan ni Elara ang kaniyang cellphone na tila ba mayuyupi na ito dahil sa galit niya.

"Kung isa 'tong second chance galing kay Moon goddess Chandra, ipinapangako ko na hindi ko sasayangin ang pagkakataong 'to para makaganti sa lahat ng ginawa nila sa akin." Tumingin si Elara sa salamin, tinitigan niyang maigi ang kaniyang mga mata na unti-unting nagiging matingkad na berde.

"Elara? Anak, hindi ko mahanap ang gamot—" napahinto si Calisto nang makita niya ang kaniyang anak na nakatayo na sa kama at tila kalmado na.

"Ayos ka na ba?" Tanong nito at ngumiti si Elara sabay tango sa kaniyang ama. Pinilit ni Elara na itago ang mga nararamdaman at plano niya sa harap ng kaniyang ama, dahil sino bang maniniwala sa kaniya kung sabihin niyang bumalik siya galing sa future para maghiganti?

Na ito na ang pangalawang buhay niya sa mundong 'to.

"Ayos na po ako Dad, sorry kung nagulat o nag alala kayo sa akin. Binangungot lang ako," palusot ni Elara kahit na alam niyang lahat ng mga nangyari ay totoo.

Pilit niyang kinalma ang kaniyang sarili kahit na gustong gusto niya na umiyak at magsumbong sa kaniyang ama, gusto niyang sabihin lahat ng mga ginawa ni Fernanda at Fiona sa kaniya, gusto niyang sabihin na nakunan siya at nangungulila siya sa anak niya, gusto niyang isumbong na niloko at pinagpalit siya ni Elijah sa step sister niya.

Pero lahat ng iyon ay kinimkim ni Elara, dahil kagaya ng payo sa kaniya ni Fernanda, hindi dapat siya magtitiwala kanino man, kundi sa kaniyang sarili lamang.

"Kinabahan ako sa'yo, ngayon lang kita nakita na ganun. Sobrang sama ba ng panaginip ng prinsesa ko?" Tanong ni Calisto at inaya ng yakap ang kaniyang anak.

Lumapit naman si Elara at muling yumakap sa kaniyang ama na matagal niya nang hindi nakikita dahil madalas itong umalis para sa kaniyang misyon bilang Gamma ng pack.

"Opo, napaginipan ko na may anak daw ako at nakunan ako. Ramdam na ramdam ko 'yung sakit ng isang ina na nawalan ng kaniyang anak," sagot ni Elara, pilit na pinipigilan ang mga luha niya.

Hinaplos ni Calisto ang buhok ni Elara at hinalikan ang ulo nito. "Andito lang ako anak, baka dulot ng stress kaya ka nagkakaroon ng masamang panaginip. Sayang at hindi ka nakasama sa bakasyon ni Fernanda at ni Fiona, edi sana nakapagpahinga ka rin at unwind ka."

Revenge of a RejectedWhere stories live. Discover now