Chapter 56

38.2K 1.8K 195
                                    

Ring








Dinaman ko ang init ng yakap ni August. Kahit ramdam ko 'yon, may kung ano pa din sa akin ang hindi makapaniwala na nandito nga siya. Naka-uwi siya...umuwi na ulit siya.

May mga pagbabalik na alam mong panandalian lamang. Na bumalik pero alam mong hindi magtatagal, ngunit ang yakap niyang 'yon, yung mga salitang sinabi niya...alam kong magtatagal. Alam kong sa pagbabalik niyang 'to, hindi na ulit siya aalis pa.

"Ehem...nauubo ako," pagpaparinig ni Melanie na may kasama pang pag-ubo talaga.

Narinig ko din ang tawa ni Tay Vinci na nanatiling nakatayo hindi kalayuan sa amin. Ramdam ko ang tingin nila sa amin ni August, sa kung paano ako halos tumakbo palapit sa kanya para yakapin siya.

"Umuwi ka..." mahinang sambit ko ulit. Hindi pa din ako makapaniwala.

Humigpit din lalo ang yakap niya sa akin. Ramdam ko ang marahan niyang pagtango.

"Umuwi na." paninigurado niya sa akin.

Tsaka lang ako dahan dahang humiwalay ng yakap sa kanya ng mahusto na ako. At narinig ko na din ang boses ni Nanay mula sa loob ng bahay. Mukhang nalaman na din nila ang pagdating nina August kaya naman lumabas na din sila. At alam kong wala akong mukhang ihaharap kung sakaling maabutan niya ako sa ganoong sitwasyon.

"Kamusta ang naging byahe niyo?" tanong ni Nanay sa kanila pagkalabas niya mula sa bahay.

Dahan dahan akong lumayo kay August, ramdam ko ang tingin niya sa akin habang ginagawa ko 'yon. Para bang nagtataka din siya dahil sa paglayo ko, samantalang kanina ay kung makayakap ako sa kanya ay parang ayoko na siyang bitawan.

"Maayos naman ang naging byahe. Medyo na-traffic lang kami pauwi kaya inabutan ng dilim," mahabang paliwanag ni Tay Vinci kay Nanay.

Nilingon ko silang dalawa, sandali pang nagtagal ang tinginan nila bago nag-iwas ng tingin si Nanay at itinuon 'yon kay August.

"August, Anak..." tawag niya dito.

'Yon na ang naging hudyat ko para tuluyang lumayo sa kanila.

"Vesper..." tawag niya sa akin pero hindi ko na siya pinakinggan.

Rinig ko pa ang mga binubulong ni Melanie, hindi ko na kailangan pang marinig 'yon ng malinaw dahil halata namang puro pang-aasar 'yon.

"Puntahan ko lang po si Verity," paalam ko kay Nanay.

Hindi na din nagtagal ang tingin ko sa kanya, pakiramdam ko kasi ay kung magtatagal pa ay aasarin niya lang ako kagaya ni Melanie.

"Mommy Vesper saan ka pupunta? Magp-propose ka pa," pang-aasar niya sa akin.

Kaagad ko siyang pinandilatan ng mata kaya naman mas lalo siyang natawa. Habang naglalakad papasok sa bahay ay ramdam ko ang tingin nila sa akin, para bang kahit hindi ko makita ay ramdam 'yon ng likuran ko.

"Asaan na ang pag-propose?" rinig kong tanong pa ni Melanie kay naman mariin na lamang akong napapikit.

Hindi talaga mapigilan ang bunganga ng isang 'yon. May sinasabi pa siya, mas lalo ko na lamang binilisan ang lakad ko kesa naman marinig ko pa 'yon.

Saktong pagpasok ko sa may living room ay kabababa lang din ng kasambahay na may karga kay Verity.

"Si Mommy..." sabi niya dito.

Halatang kakagising lang ng baby ko, panay pa ang pagkusot nito sa kanyang mata gamit ang likod ng kanyang palad. Nang marinig niya ang salitang Mommy ay kaagad siyang nagpalinga-linga para hanapin ako.

Nights of August (Sequel # 5)Where stories live. Discover now