Chapter 27

40.6K 2.2K 1.2K
                                    

Merry Christmas, Everyone! I love you, always. love, Maria.





Ring


Sa tinagal ng mahabang panahon, muli akong nakaramdam ng kung ano dahil sa narinig ko mula kay Melanie. May girlfriend na siya? Ano naman ngayon sa akin? Hindi ko na siya asawa, wala na akong karapatan sa kanya.

Kung nagawa ni August na magmahal muli bukod sa akin, wala na dapat akong pakialam pa doon. Hindi na niya problema o kasalanan kung ako hindi. Hindi ko magawang magmahal muli, hindi ko nagawa.

Doon pa lang, mas lalong ipinamukha sa akin na wala na talaga. Matagal ng wala, pero ang mga kumpirmasyon ay mas lalong nagpapatibay no'n. Nagbagong buhay na si August, dapat ako din.

Dapat ko na ding ipagpatuloy ang buhay na hindi binabalikan ang mga ala-ala ng nakaraan. Kagaya ng ginagawa ko ngayon...kailangan ko lang ipagpatuloy 'to.

"Mahal na mahal kita, Verity. Ayos lang kahit tayong dalawa lang...di ba, anak?" malambing na tanong ko sa kanya. Marahan kong hinaplos ang pisngi niya, ang tungki ng kanyang ilong. Ang tangos ng ilong niya ay nakuha niya kay August. Ang mga mata niya...sa akin.

"Kami nga ni Lola Fae..." pag-uumpisa ko ng kwento.

Hanggang sa lumaki si Verity at magka-isip, hindi ako mapapagod na ikwento sa kanya si Nanay. Hindi ako magsasawang sabihin sa kanya ang lahat ng sakripisyo at pagmamahal na ibinigay ni Nanay sa akin kaya ako ganito ngayon.

Sobra akong minahal ni Nanay kahit maraming kulang sa amin. Sa sobrang pagmamahal niya ay walang kahirap hirap kong nagawang mahalin din ang anak ko.

"Ang ganda ganda naman ng inaanak kong 'yan!" bati ni Melanie sa amin ni Verity kinaumagahan.

Gumagawa na din siya ng iba't ibang tunog. Marunong nang makipagusap ang baby ko.

"Pag na promote si Ninang...may regalo ka sa akin," pagkausap niya dito.

Gusto kong kausapin si Melanie na tatanggi ako sa bagong project, pero nang malaman kong nakasalalay dito ang promotion niya ay hindi na ako nakapagsalita pa. Kita ko sa mga mat ani Melanie kung gaano niya kagusto ang promotion na 'yon.

Marami ding nagbago sa buhay niya simula ng magkaroon kami ng bagong trabaho. Unti-unti na nga din daw niyang napapagawan ng bahay ang pamilya niya sa probinsya.

"Wala na nga pala akong balita kay Jericho," puna ko sa kanya.

Matagal ko nang napapansin 'yon, pero ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong sa kanya.

"Hiwalay na kami. Nakipaghiwalay ako," sagot niya sa akin na ikinagulat ko pa din kasi may namuo ng konklusyon sa isip ko.

"Bakit?"

Nagkibit balikat si Melanie. "Hindi niya ako kayang suportahan sa bago kong trabaho. Mas gusto niyang manatili ako sa dating apartment, sa dating trabaho sa prutusan. Hanggang doon lang ang pangarap ni Jericho...ayoko sa ganoon," paliwanag ni Melanie sa akin.

"Hindi sa naghahangad ako ng sobra. May pangarap ako...pangarap na para sa pamilya ko. Gusto ko silang bigyan ng maginhawang buhay," dugtong niya na kaagad kong naintindihan.

Mahirap naman talagang magkaroon ng relasyon sa isang taong hindi kapareho ng tingin mo sa buhay. Ang hirap naman no'n kung hindi kayo pareho ng pangarap, hindi kayo pareho ng gustong mangyari.

Hindi din naman daw niya masisi si Jericho kung ayos na siya sa ganoong trabaho, marangal naman 'yon. Walang mali, ang kaso ay may iba pang pangarap si Melanie para sa pamilya niya.

"Kung para kami sa isa't isa...kami pa din sa dulo. Pero kung hindi...edi, tanggapin," sabi niya sa akin.

Mas lalo akong nagfocus kay Verity matapos kong marinig ang tungkol kay August. Maliit ang mundo, pero hindi ko hiniling na magkita pa ulit kami, na magtagpo pang muli ang mga landas namin. Tahimik na kami ni Verity, ayos na kami ng baby ko.

Nights of August (Sequel # 5)Kde žijí příběhy. Začni objevovat