"Wala silang relasyon? Like, hindi sila boyfriend-girlfriend?"

Tumawa ako dahil sa sinabi niya bago umiling. "Hindi, 'no. Hindi papatulan ni Veronica ang kaibigan kong 'yan. Parang kapatid na namin si Earl dahil kilala na namin simula pa noong kinder kami."

Tumango-tango ulit si Crissa. "Well . . ." Nagkibit-balikat siya bago uminom ng shot saka ipinagsawalang-bahala na ang dalawa.

Lumipas pa ang mga minuto, sinamahan ko na sa table si Earl para uminom. Umalis naman si Veronica.

"Anong ginawa ni Veronica dito? Sinungitan ka rin ba?" natatawang tanong ko.

Tumawa siya. "Ikaw lang naman ang sinusungitan niyan dahil palagi mong inaasar."

Napanguso ako. "Hindi ko pa rin gets anong kinagagalit niya."

Tumawa siya. "Para sa ikatatahimik ng loob mo, 'wag mo na lang alamin."

Hindi na ako nagsalita pa. Nagtuloy-tuloy lang kami sa pag-iinuman, hanggang sa bago mag-alas siyete, narinig ko ang malakas na boses ni Solari.

"Constantine!!! Happy birthday!!!"

Lumingon ako ro'n nang natatawa. Napatigil pa ako sa kinatatayuan ko dahil nandoon si Destinee, nakangiti habang nasa tabi ni Solari. Ngumiti ako bago tumayo at lumapit sa kanila.

Nakipag-beso ako kay Solari. "Salamat, Sol."

Tinawanan niya lang ako bago ako lumapit kay Destinee.

"Happy birthday," she greeted.

Hinawakan ko ang magkabilang mukha niya habang siya ay yumakap sa akin saka ko siya pinatakan ng halik.

"Ew! Doon na nga ako!" sabi niya saka nagpunta sa table ni Earl. Pinagtawanan lang namin siya ni Destinee.

"Akala ko hindi ka na pupunta."

Nagkibit-balikat siya. "Sabi kasi ni Solari, takutin kita. Sorry na, naka-flight mode ang phone ko." She chuckled. "Happy birthday. Here's my gift."

Iniabot niya sa akin ang isang box ng cake at malaking paper bag na may rectangular box sa loob na nakabalot ng birthday wrapper. Ayaw kong sabihin na halatang keyboard 'yon. Kunwari na lang, hindi ko alam.

"Salamat." I chuckled. "Halika, ipapakilala na kita sa family at friends ko. Nand'yan lang sila, nagkalat."

Tumawa siya bago kami naghawak-kamay. Pinagsalikop ko ang mga daliri namin bago kami naglakad papalapit sa table ni Earl. Ngumiti siya nang malawak. Si Solari, nagsisimula nang kumain. Ibinaba ko ang bigay ni Destinee sa table kung saan nakalagay ang mga regalo sa akin ng mga bisita. Karamihan naman doon ay cake.

"Hi, Destinee! Nice to meet you again!"

Umirap si Solari. "Ang ingay-ingay mo talaga, mahiya ka nga sa kaibigan ko!" bulyaw niya.

Tumawa ito. "Close kaya kami, 'wag ka nga!"

Nilayasan ko na sila at nilapitan ang table ng mga college classmates ko. "Guys, this is Destinee. Girlfriend ko."

"Hi!" Nakipagkamay siya isa-isa sa kanila.

"Hello! Thank you kasi jinowa mo si Con! Nagka-5k kami ni Leslie!"

Tumawa kaming lahat.

"Nice to meet you!"

Pinapaupo nila si Destinee sa table nila pero hindi ako pumayag. "Hindi siya umiinom at may kasama siya, okay? Ipapakilala ko rin siya sa family ko. Balik ako."

Inasar-asar pa nila kami bago tuluyang nakalayo sa kanila. Lumapit ako kay Eunice para ipakilala siya.

"Hi, Destinee! It's so nice to finally meet you! I've heard so much about you!"

Napairap ako sa taglay na kaartehan ng kapatid ko. Pinakilala niya rin si Destinee sa mga kaibigan niya bago kami tuluyang nakaalis. Nakita ko si Veronica na nakatingin sa amin, umiinom siyang mag-isa sa table. Alam kong galit siya sa akin pero sigurado naman akong hindi niya idadamay ang ibang tao sa galit niya sa akin.

Lumapit kami sa kan'ya. "Veronica, this is Destinee. My girlfriend."

Pilit na ngumiti si Veronica bago tinanggap ang alok na handshake ni Destinee.

"Hi! I've heard you studied nursing," nakangiting sabi ni Destinee.

"Yup!" Ngumiti ulit si Veronica bago lumingon sa akin. "Nasa loob na si Papa. Dumeretso na kayo ro'n."

Tumango lang ako bago niyaya na sa loob ng bahay si Destinee. Tumango naman siya bago nagpaalam kay Veronica saka kami naglakad paalis doon.

"Did she cry?"

Napalingon ako kay Destinee. "Si?"

"Veronica." She smiled. "Parang umiyak siya. Feeling ko lang naman."

Ngumiti lang ako. "'Wag mo na muna siyang isipin. Hmm?"

Tumawa siya bago tumango. "Hindi ako nakapagdala ng anything para sa parents mo. Next time na lang siguro bumalik ako dito."

Tumawa ako. "Sure, dalasan mo pagbalik, ah?"

Nang makarating kami sa loob, nakita ko si Papa na kumakain na sa dining area. Si Mama naman ay nagliligpit na ng mga pinaggamitan, katulong si Manang.

"Mama, Papa, nandito na yung bisita ko."

Tumawa si Mama pero hindi pa rin kami nililingon. "Kanina pa nagdaratingan ang bisita mo, ngayon ka lang nag-announce! Sandali at tatapusin ko lang ito."

Ngumiti ako kay Papa na nakatitig nang seryoso kay Destinee. Siya naman ay nanlamig ang kamay kasabay ng paghawak sa akin nang mahigpit dahil sa kaba.

"H-Hello po."

Matapos magsalita ni Destinee, tumigil si Mama sa pagkilos. Makalipas ang ilang segundo, lumingon siya.

"Desiree?"

Nanlaki ang mga mata ko sa pagbanggit ni Papa ng pangalang 'yon. Lumingon ako kay Destinee na nangingilid ang mga luha habang nakakunot-noo.

Paanong kilala ni Papa si Desiree?

"D-Destinee po ang . . . p-pangalan ko."

Bahagyang napaawang ang bibig ni Papa bago umiwas ng tingin. Ilang sandali pa, tumayo siya at huminto sa harap namin. Nakipagkamay siya kay Destinee.

"It's nice to meet you . . . Destinee." Lumingon siya kay Mama. "Mariella . . . nandito na ang girlfriend ng anak mo."

Nakita ko ang paggalaw ng likod ni Mama bago lumingon sa amin. Hindi ko maintindihan kung paano i-e-explain ito pero namumula ang mata ni Mama pero namumutla naman ang mukha niya.

"D-Doc . . ."

Napalingon ako kay Destinee. "Kilala mo si Mama?"

Bumitiw siya sa akin nang hindi ako tinitingnan saka lumapit kay Mama. Ngumiti ito sa kan'ya.

"Destinee, anak. Kumusta ka na?"

Narinig ko ang pagkabasag ng boses ni Destinee bago siya niyakap ni Mama.

"I'm sorry po, ngayon lang ako."

Umiling si Mama. "Hindi, anak. Naiintindihan ko. Ayos lang. Masaya na akong makita ka ulit."

Naiwan akong nakatayo lang, nagtataka sa lahat ng nangyari sa maikling minuto ngayong nasa harap ko silang tatlo.

Kilala ni Papa si Desiree . . . baka kilala rin siya ni Mama. Magkakilala si Destinee pati si Mama. Hindi ko na maintindihan.

Wait . . . tinawag ni Destinee ng Doc si Mama. Kung tama ang pagkakaalala ko . . . si Mama ba ang hinahanap niyang doctor? Ang dating psychiatrist ng . . . mama niya?

Kung gano'n, alam din ng mga magulang ko ang sikreto sa buhay ni Destinee!

Forgotten Seal Of PromisesМесто, где живут истории. Откройте их для себя