PHASE 16

14 4 0
                                    


Napabuntong-hininga ako ng malalim ng masiguro kong tapos na ang mga gawain ko dito sa bahay. Ako lamang natira sa bahay dahil si Nanay at Tatay, naroon pa sa ospital. Nakapagtataka nga at hands-on sila Nanay sa pag-aalaga kay Chichi at talagang hindi muna sila nagtrabaho magmula kahapon nang masugod na naman sa ospital ang kapatid ko.

Pinauwi rin ako ni Nanay at sinabi niyang siya na lang raw magbabantay kay Chichi nung dinalhan ko lang sila ng pagkain at damit nila kahapon. Doon na talaga sila nagpaabot ng gabi at natulog. Hindi talaga sila umuwi sa bahay nung araw na 'yon.

Tila natatakot itong mawalay sa kanyang paningin kaya isa itong palaisipan din sa akin. Maging si Tatay ay ganun rin. Halos parehas silang hindi hinahayaang iwan si Chichi. Nagsimula na naman kaming mangutang dahil nga walang-wala na naman kami.

Si Kuya naman nasa school na, kanina nga pinipilit namin papasukin dahil sobra rin siyang nag-aalala sa kapatid namin. Mabuti at hindi siya tuluyang lumiban dahil alam kong mahihirapan siya. Halos ipilit kong pumasok na at sinabi kong pagkatapos na lang siya ng klase dumalaw. May klase pa rin siya ngayong buwan, second sem na rin nila bilang first year college. Mas maaga lang kaming nagkabakasyon matapos ng graduation dahil ang pasok ko naman noon ay buwan ng Hunyo. So ayun nga, ayaw naming nadi-distract siya sa pag-aaral kaya naman pinanatag namin ang loob niya na kaya namin ito, para hindi siya lalong mag-alala at makaliban sa klase. Ang hirap rin kasi ng aralin niya, mabuti nga at napaka tiyaga niya sa course niya, at kung nasa posisyon niya ako baka ikabaliw ko na.

Kasalukuyan akong naghahanda sa Tupperware ng pagkain upang idala kina Nanay. Alam kong gutom na rin sila dahil sa pagod at puyat na nadadanas nila sa pagbabantay kay Chichi, dati ako madalas nagbabantay ngunit hindi na tulad noong magdamag. Kapag umaalis sila Nanay para magdilihensya, o kaya umuwi saglit sa bahay ay sa ospital agad sila didiresto.

Sa ngayon.. hindi ko pa rin talaga alam kung ano ba talaga kalagayan ni Chichi. Nagtataka nga ako kung bakit hindi pa rin sa amin ito sinasabi nila Nanay magmula ng kinausap sila ng Doktor.

Hindi ko maiwasang mag-alala ng husto sa kapatid ko. Napapadalas na kasing kapitan siya ng sakit. Medyo mahina kasi ang resistensya nito at hindi ganun katakaw kumain dahil may pagkapihikan ang batang 'yon sa pagkain, maraming bawal na pagkain sa kanya dahil minsan inaatake rin siya ng allergy niya. Aware din naman kami na inaatake siya ng asthma, lalo na kapag sobrang nagpapagod ito sa paglalaro, lalo na sa sobrang paglalabas ng emosyon kapag ito ay umaatungal ng iyak at kahit na sobrang saya. Aware kami na may kakaiba sa puso niya... at aminado kaming napagsawalambahala namin ito.

Akala namin ay simple lamang ito at normal. Na maaaring matanggal din kalaunan ngunit hindi pala basta-basta iyon nawawala.

Nakakalimutan namin ang lagay niya dahil bibong bata talaga ang aming bunsong kapatid. Siya lang yung nagbibigay ng aliw sa aming pamilya. Napaka lambing at napaka masunurin. Siya rin ang dahilan kung bakit sa bawat nakakaramdam kami ng pagod sa aming ginagawa ay dagling natatanggal. Na kahit nababalot kami ng kadiliman sa aming pinagdadaanan, nandiyan siya... siya yung nagsisilbing matingkad sa magulo at madagim naming buhay.

Namimiss ko na rin ang masayahin niyang mukha, mahilig din kasi ito tumawa. Mabilis siyang sumaya kahit sa maliit na bagay. Madalas rin kami maglaro noon, sinusuotan ko siya ng mga damit na ginagamit ko sa pageant noon at aayusan ang mukha, tapos ilalagay ko ang inuuwi kong korona dahil yun ang gusto niya, magmukha siyang prinsesa. Pero hindi ko alam na sa pagiging masayahin niyang mukha ay sa loob-loob nito ay may iniinda palang karamdaman. Napakabata at napakabait ni Chichi para bigyan siya ng mga karamdaman.

Hindi ko alam kung bakit ganito ang mga nangyayari sa kapatid ko. Kwento ni Nanay ay nagluluto lang daw siya ng tanghalian nang makita niya si Chichi, hindi pa bumabangon sa kwarto. Hanggang sa nadatnan na lang raw niya itong umiiyak habang sapo ang dibdib, hinahabol ang paghinga habang tumatawag ng 'Nanay'. Masakit raw ang puso niya.

The Adelaide for Majesty: (sense of self-worth. family feud.)Where stories live. Discover now