Chapter 8: Premonition

25 14 0
                                    

Ryu's POV

Dama ko ang dampi ng mainit na sinag ng araw mula sa bintanang kaunting nakabukas, tutok ang mga mata ko sa laptop na kaharap habang busy sa pagsusulat.

Alas siyete ng umaga ngayon, maaliwalas at tahimik ang paligid kaya mas ganado akong magsulat.

Huminto ang oras kasabay ng paghinto ng ikot ng mundo ng dalawang nilalang. Si Stella, ang babaeng ilang beses nang nakakatagpo ni Marco sa tuwing mag ta-time travel ang binata. At si Marco na may kakayahang bumalik sa mga panahon na nais n'ya, hindi maipaliwanag ni Marco kung anong ugnayan ang mayroon sa kanilang dalawa.

Sila ba ay nakatadhana para sa isa't isa o may misyon lang silang dapat na tuparin...

Itiniklop ko ang laptop pagkatapos kong maisulat ang huling talata ng bagong librong sinusulat ko. Hindi mahirap sa akin ang magsulat lalo na kung tungkol sa time travel ang tema, isinusulat ko lang kasi ang mga karanasan ko sa tuwing mag ta-time travel, hinahaluan ko lang ng storya ang mga karanasan ko.

Inayos ko ang lamesa na pinaggawaan at saka naghanda na para sana pumunta sa ospital nang bigla akong makaramdam ng labis na pagkahilo pag tayo ko.

Nagsimulang umikot at lumabo ang paligid, hindi ko na alam kung nasaan ang upuan kaya sinubukan kong bumalanse para hindi ako tumumba. Kinapa ko sa paligid ang upuan nang bigla akong makakita nanaman ng isang sinaryo.

May bahid ng dugo ang ibabaw ng kamay ng isang babaeng nakasuot ng hospital gown. Hindi ko makita ang mukha n'ya pero tinatangay ng hangin ang medyo mahaba n'yang buhok, pansin dito ang hair clip na suot n'ya na may sunflower na design.

"Miss!" Sigaw ko, natigilan ito sa paglalakad sa pagtawag ko pero hindi s'ya lumingon sa akin. Ngayon ko lang napansin na nasa itaas pala kami ng isang gusali, kung ibabase sa suot n'ya, siguro ay nasa itaas kami ng isang ospital.

Mabigat ang bawat paghakbang ko, parang ayaw akong palakarin papalapit sa babae ng malakas na hangin, saliwa sa paghakbang ko ang malakas na ihip nito kaya nahihirapan akong lumapit.

Nakaharang sa mukha ko ang dalawang braso para matakpan ang mga mata ko at makaiwas sa puwing na dala ng alikabok sa hangin.

Sinilip ko ang babae na kaya pala huminto ay hindi dahil sa pagtawag ko sa kanya kundi dahil wala na s'yang lalakaran pa.

"'Wag!" Sigaw ko nang mapagtanto ko ang gagawin n'ya.

Unti unting pumaling ang ulo n'ya para tignan ako ngunit bago ko makita ang hitsura n'ya ay bigla itong tumalon.

Biglang tumigil ang malakas na ihip ng hangin, sinamantala ko ito at mabilis na tumakbo patungo doon sa babae.

Hinawakan ko ang kwintas at saka pinatigil ang oras. Sa wakas ay gumana din.

Papahiga ang posisyon ng babae na parang nakalutang sa hangin, humiwalay sa pulso niya ang medical bracelet.

Dinampot ko yun gamit ang kaliwang kamay ko at humawak naman ako sa kaliwa niyang kamay na nakataas sa ere gamit ang kanan kong bisig.

Natatakpan ng iilang hibla ng buhok niya ang mukha niya pero napansin ko pa din na may butil ng luha sa gilid at mga talukap nito.

Halos maabot ko na ang kamay n'ya upang iligtas s'ya ngunit hindi ko iyon nagawa ng biglang tumuloy ang pag takbo ng oras.

Pinalitan ng matinding sakit ng ulo ang pagkahilo ko, parang binibiyak sa gitna ang pakiramdam sa sobrang kirot.

Magmula noong nagkita kami ni Heather sa unang pagkakataon noong book signing ay nagsimula ako magkaroon ng premonition. Sa tuwing mararanasan ko iyon ay nanghihina ako.

Nakaupo ako sa sahig sa sobrang panlalata mula sa nangyari.

Sino kaya ang babaeng iyon at bakit ko s'ya nakita? Paano ko s'ya maililigtas kung hindi ko naaninag ang mukha n'ya.

Hindi pa ako gaanong nakakapagpahinga ay bigla ng tumunog ang cellphone ko, "Hello?"

"Ah, kasi si Ryu... Kailangan ka sa ospital... Ang lola mo."

Kahit na may hilo parin akong nararamdaman at nanghihina ay hindi ko iyon pinansin at agad kong kinuha ang susi ng motor para humarurot papunta ng ospital.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi ni Heather, hindi ko na nagawa pang tanungin kung anong nangyari kay lola dahil ang tanging nasa isip ko lang ay dapat akong pumunta ng ospital.

Hindi ko alintana ang panganib na dala ng mabilis kong pagpapatakbo, ang gusto ko lang ay makarating na sa ospital sa lalong madaling panahon.

Patakbo akong pumunta sa kwarto ni lola, naabutan ko si Heather sa labas ng kwarto at nakaupo. Kita sa mata n'ya ang takot habang hinihintay na lumabas ang doktor at mga nurse na nasa loob ng kwarto.

"Heather!"

Namumuo ang luha sa mata n'ya, "Ryu! Si lola kasi nahirapan huminga..."

Napatingin ako sa nakasaradong pintuan ng kwarto ni lola, nilalamon ako ng takot na baka pagbukas noon ay hindi magandang balita ang sumalubong sa amin.

"Sorry, sorry talaga..." Nagsimulang bumuhos ang luha nya. Naawa ako sa hitsura n'ya dahil halatang sinisisi nito ang sarili sa nangyari.

Nilapitan ko s'ya upang pakalmahin kahit na sa totoo lang ay natatakot din ako.

"Wala kang kasalanan, ganoon talaga ang pneumonia..." Pinapahid n'ya ang sunod sunod na patak ng luha na pinapakawalan ng mata n'ya.

Niyakap ko s'ya upang maibsan ang takot at pagsisi n'ya sa sarili dahil sa nangyari. Komplikasyon ng pneumonia ni lola ang nangyari, hindi ito ang unang beses na nahirapan s'yang huminga. Sa totoo lang ay dapat sanay na ako sa ganito dahil mahigit nang sampung beses itong nangyari.

Labis na awa ang nararamdaman ko para kay Heather lalo nat alam ko naman na wala s'yang ibang ginawa kundi ang tutukan at alagaan si lola pero dahil sa pangyayaring 'to ay sinisisi pa n'ya ang sarili.

Ipinatong ko ang kamay sa ulo n'ya upang himasin ito habang nakayakap parin sa kanya para sana pakalmahin siya pero muli akong binalot ng takot ng makita ko ang suot n'ya na hairclip.

Nakita ko sa buhok ni Heather ang hair clip na may design na sunflower pareho doon sa babaeng sa premonition ko kanina.

Ipinangako ko sa sarili na hindi na ako muling makikielam sa tadhana ng iba pero hindi ko kayang tiisin na huwag iligtas si Heather ngayon at sa iba pang pagkakataon.

An Infinite MasterpieceWhere stories live. Discover now