Her Innocent Slave 23

109K 2.2K 88
                                    

(HIS) Chapter 23







I moved slightly when I heard the doorbell ring. Nakatulog ulit ako nang niyakap niya ako. Kumilos siya. Hindi ako bumangon kahit umalis siya sa kama. Nakiramdam lang ako. May kausap siya. Nakarinig din ako ng tunog ng mga nagtatamang kubyertos. Sa palagay ko'y nagising siya kanina at nang makitang gabi na'y nag-order ng hapunan.

Lumabas ang naghatid ng pagkain. Narinig ko ang yapak ng paghakbang niya papasok sa kuwarto. Ang sumunod ko na naramdaman ay ang maliliit na halik sa pisngi at labi ko, ginigising niya ako. Umungol ako at dumilat. Nagkusot ako ng mga mata kahit hindi naman iyon makati at kanina pa ako gising.

"Alam kong pagod ka pero kumain muna tayo. Bumalik ka na lang sa pagtulog mamaya," mahina at may lambing na sabi niya.

Tinulungan niya ako na umupo at inayos ang buhok ko na nagulo sa pagtulog. Napaupo ako ng maayos nang maalala ulit ang nakita noon sa bintana ng class room. Kung paano niya hawiin ang buhok ni Catelynn habang hinahangin ang mga hibla ng buhok nito. Hindi ko ito dapat nararamdaman pero hindi ko alam kung bakit hindi ko maiwasan.

Inalis ko ang kamay niya na inaayos ang buhok ko. Wala akong salitang bumaba sa kama at lumabas sa kuwarto. Lumapit ako sa mga pagkain na nasa food cart. Bago ko pa mabuksan ang mga tabing ng pagkain, nakita ko ang resibo sa gilid. Hindi niya ginamit ang card ko dahil mayroon akong nakita na pera roon. Maaaring sukli sa ibinayad niyang cash.

"You didn't use my card?"

Inaayos niya ang mga pagkain sa lamesa sa sala habang ako'y dinadampot ang resibo. Natigil siya sa pag-aayos at kinuha ang resibo sa kamay ko. Apat na libo mahigit ang halaga ng na-order niya.

"I brought some money with me." He explained.

Kumunot ang noo ko. Akala ko ba'y nagta-trabaho siya para makaipon pambayad sa utang? Kung gusto niyang makapag-ipon hindi dapat siya gumagastos ng ganito kalaking halaga. Oo, para sa akin maliit lang ito. Ngunit sa gaya niyang lubog sa utang, malaking halaga na dapat ito.

"Tinanggap nila ang cash?"

"Sinabi ko kasi na natutulog ka," hinila niya ako papunta sa upuan.

Hinayaan ko na lang iyon at ginalaw na ang pagkain. Masakit pa rin ang katawan ko pero nabawasan dahil sa paglagay niya ng gamot.

Tahimik kami na kumakain ngunit napapansin ko ang palagian na paglingon niya sa akin. Hindi ako nag-angat ng tingin kahit nang matapos na kaming kumain.

Naligo ako at naglinis ulit ng katawan. Lumabas ako sa sala at nahiga sa sofa para makapanood ng TV. Si Lucas, tahimik lang. Nakapaglinis na rin siya at iba na ang damit. Umupo siya sa pang-isahan na sofa na nakaharap sa hinihigaan ko. Nasa bandang paanan ko ang TV kaya bahagya akong nakayuko.

Kahit nasa TV ang mga mata ko, napapansin ko ang paninitig niya sa akin at pagkilos niya sa upuan na parang hindi mapakali. Lumalangitngit din kasi ang sofa na inuupuan niya dahil sa kanyang paggalaw kaya bawat kilos niya hindi puwede na hindi ko mapansin. Susuklayin ng mga daliri ang buhok at magbubuntonghininga. Imbis na tumutok tuloy ako sa panonood sa TV ay mas pinagtutuunan ko pa ng pansin ang kilos niya. Hindi na ako nakatiis. Padabog akong umupo at malamig siyang tiningnan.

"Kanina ka pa! Para kang kiti-kiti na kilos nang kilos diyan!"

Nagulat siya sa pagbangon ko at bahagyang nanlaki ang mga mata. Umawang ang bibig niya, magsasalita yata pero sa huli'y umiling lang. Tumingin siya sa TV at hindi na kumilos ulit.

"Isa pang kilos mo, babatuhin kita ng unan!" Umirap ako.

Humiga ako na magkasalubong ang kilay. Hindi na ako makapanood ng maayos kahit pa hindi na siya kumilos sa pagkaka-upo. Padabog na lang akong tumayo at pumasok sa kuwarto dahil wala na akong maintindihan sa pinapanood ko.

Her Innocent Slave (R-18) (Erotic Island Series #3)Where stories live. Discover now