Kabanata 23

113 5 0
                                    

Kabanata 23

Invalid

Wala akong ginawa kundi humagulgol sa loob ng k'warto nang makarating sa bahay. Niluwagan ko ang butones ng suot kong damit nang makaramdam ng paninikip ng dibdib. Kahit saang sulok ako tumingin tanging mukha lang ni Xian ang nakikita ko.

Gumising ako ng maaga para makapag-almusal. Wednesday ngayon kaya maaga palang dapat nasa laboratory na kami para maglinis ng mga kasangkapan na gagamitin namin. Ilang linggo nalang sem-break na kaya magkakaro'n ako ng mas maraming oras na magtrabaho. Halos nangalahati ang ipon ko dahil sa pagpunta namin sa Tanay Rizal.

Napasapo ako sa aking noo nang makita ang repleks'yon ko sa salamin. Namumugto ang mata ko dahil sa pag-iyak kagabi. Hindi kami p'wedeng maglagay ng kahit anong pampa-ganda sa tuwing magluluto kaya pa'no ko matatakpan 'to? Umiling nalang ako at inalis ang tuwalya sa aking ulo. Hinayaan kong nakalugay ang aking buhok dahil basa pa ito.

Agad akong lumabas at sinuot ang nakapatong na gumang sapatos sa basahan na nasa gilid ng pinto. Hindi ako bumibili ng bagong sapatos kahit med'yo malaki na ang butas nito sa ilalim dahil mas inuuna ko ang pang araw-araw na kailangan. Sinukbit ko ang puting tote bag sa aking balikat bago sinara ang pinto at naglakad palabas ng gate. Pinagmasdan ko muna ang kabuoan ng bahay bago tumalikod. Maghahanap ako ng bagong titirahan kapag nabawi ko ang mga nagastos sa inipon kong pera. Ayokong magkaro'n ng utang na loob kay Xian.

Malamig na hangin ang dumadampi sa balat ko habang naglalakad sa kalsadang pinapalibutan ng matataas na puno. Pinaglandas ko ang aking braso para maibsan ang lamig na dulot nito. Tahimik ang paligid at tanging paggalaw ng mga sanga ang pumapasok sa aking tainga. Konti lang ang dumadaan dito dahil liblib ito.

Ilang minuto lang nakarating na ako sa tapat ng malaking gate ng AC University. Nagtungo ako sa cubicle na nasa bandang kanan at nginitian ang guward'ya bago inabot ang aking ID. Sa magkabilang gilid nakalagay ang cubicle nila kung saan chine-check ang ID ng mga stud'yante para kusang bumukas ang gate.

"Hindi ito valid, Miss," aniya sabay abot ng binigay ko.

Kumunot ang aking noo. "Po? Pa'nong hindi magiging valid 'yang ID ko 'e dito naman talaga ako nag-aaral, kuya." Sumilip ako sa butas ng babasaging salamin na nagsisilbing harang. "BSHM po ang kurso ko." Umayos ako ng tindig at pinakita sakan'ya ang suot kong uniporme. "P'wede po bang i-swipe n'yo ulit?"

Nilapit ko sa salamin ang aking mukha para makita ng maayos ang lalabas sa screen. Kumabog ng mabilis ang dibdib ko nang masilayan ang kulay pulang 'INVALID' na naka-bold. Halos paulit-ulit n'ya sinubukan dahil nakiusap ako na baka nagloloko lang ngunit walang nagbago, gano'n parin ang lumalabas. Kinuha ko nalang ang aking ID dahil marami nang nakapila sa likod ko. Hindi ko na pinasubukan sa kaliwang cubicle dahil alam kong wala namang mangyayari. Magmumukha lang akong baliw na pinagpipilitang dito nag-aaral.

Napahinto ako sa paglalakad nang tumunog ang cellphone ko.

"Nakita ko sa bulletin board na tinanggal ang scholarship mo kaya—"

Malalim na hininga ang aking hinugot. Wala akong nakikitang dahilan para alisin nila ako. Halos lahat ng grades ko nasa uno kaya bakit...

"Alam ko." Pinilit kong gumuhit ang ngiti sa aking labi. "'Wag kang mag-alala okay lang ako."

Pinunasan ko ang likido na dumampi sa aking pisnge bago pa man makita ng mga stud'yante sa paligid ko.

"Nasa'n ka? Pupuntahan kita."

Umiling ako kahit hindi n'ya 'yon makikita. "'Wag na. Ayos lang ako. Ibababa ko na ang linya."

Hindi ko na hinintay ang kan'yang sagot, agad ko itong pinatay. Gusto kong mapag-isa at makapag-isip kung pa'no mababalik ang skolarship ko. Ayokong tumigil sa pag-aaral kaya lahat gagawin ko para makapagtapos.

Another Way Of Bullying (Montealto Series I)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ