Chapter 77

1.6K 123 25
                                    

Chapter 77


TITUS


"Nakarating ka rin sa wakas dahil kanina pa kita hinihintay." maamo ngunit malalim na saad sa akin ng Emperador.

Animo'y nawala ang lahat ng aking dugo sa mukha sa labis na pamumutla. Paanong nangyari ito?! Kitang-kita mismo ng mga mata ko na pumasok siya sa loob ng Palasyo! Hindi pa tapos ang pagtitipon sa labas! Ramdam ko ang labis na panginginig ng aking katawan sa nasaksihan dahil hindi ko ito inaasahan. Nasa harapan ko ngayon ang Emperador.

Sumilay ang maliit na ngisi sa maamo niyang mukha. Balot na balot din ng pananggang gintong bakal ang buo niyang katawan liban sa kanyang mukha. Nakatayo sa magkabila niyang gilid ang dalawang Kawal na natatkpan ng kupya ang mukha. Ang iba pang mga Kawal ng Imperyo ay nakaantabay sa kanyang likod.

Nagtataka ko siyang tinitigan "Paano ka nakarating dito?!" gulat kong sigaw sa kanya.

Tumawa siya ng mahina "Hindi ba maaaring naunahan na lang kita na makarating dito? Ah! Sa pagkakaalala ko ay tumakbo ako paakyat sa toreng ito! Ikaw, anong ginagawa mo rito?" mapang-asar na pang-uuyam niya sa akin.

Huminga ako ng malalim dahil nag-aalab muli ang aking galit sa dibdib ko "Alam ko pong matalino kayong tao at alam kong alam niyo ang dahilan kung bakit ako narito. Kitang-kita naman po sa paghahanda niyo sa pagdating ko, Mahal na Emperador." malumanay at kalmado kong sagot sa kanya.

Hindi siya sumagot at sinandal ang kanyang braso sa taburete. Ang kanyang maamong mga asul na mata ay mariin akong tinititigan. Ramdam na ramdam ko na handang-handa siya na gawin ang lahat upang hindi ko makuha ang aking Grimoire sa kanya. Muling gumuhit ang tipid na ngisi sa gilid ng kanyang labi.

Malakas ang kabog ng aking dibdib na animo'y para akong hinahabol. Labis din ang bilis ng tibok ng aking puso dahil sa kaba. Kailangan kong ikalma ang aking sarili at isipin na nasa harapan ko na ang aking mga kalaban. Hindi na dapat ako magulat at magtaka pa, siya ang Emperador at kaya niyang gawin ang lahat. Kinakailangan na ibigay ko rin ang aking buong lakas.

Isinandal niya ang kanyang pisngi sa kanyang nakakuyom na mga mata "Anong ibig mong sabihin na alam ko kung bakit ka narito? Naalala ko na! Hindi ba ito tungkol sa dati mong kasintahan na nakakulong ngayon? Hmm... Ano na kayang lagay niya ngayon? Naligtas kaya siya ng Punong Maestro?" malumanay at mahinahon na tanong niya sa akin.

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig dahil dali-daling gumapang ang kakaibng kuryente sa aking likod. Alam ng Emperador na ililigtas ng Punong Maestro si Milo ngayong gabi? Nawa'y ayos lamang sila at ipinapanalangin ko na nasa tamang kalagayan sila. Sana magawa ng Punong Maestro ang kanyang ipinangako sa akin. Naniniwala ako sa kakayahan niya.

Nagtagis ang aking bagang "Hindi iyon ang dahilan kung bakit ako nagtungo rito. Mahal na Emperador." malalim na sagot ko s kanya.

Pinanliitan niya ako ng mga mata "Ganoon ba? Kung hindi tungkol sa dati mong kasintahan na bibitayin na bukas, nagtungo ka ba rito upang malaman mo kung nasaan ang iyong mga magulang?" mahinang tanong niya sa akin na labis kong ikinagulat.

Sinasabi ko na nga ba at may kinalaman ang Emperador sa pagkawala at hindi pagbabalik ng aking mga magulang. Narinig ko na ang masamang balita na sinabi sa akin ni Milo ngunit gusto kong marinig sa bibig niya kung anong ginawa niya sa mga magulang ko. Ilang taon akong naniwala na naglilingkod sa Imperyo ang mga magulang ko na matagal na pa lang wala sa mundo.

Kinuyom ko ang aking mga kamao "Hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa aking mga magulang at sa mga mahal ko sa buhay! Paano ka nagigising ng matiwasay sa umaga na maraming kang kinuhang inosenteng buhay?! Hindi ako makapaniwala na ganito kasama ang taong namumuno sa Imperyong ito!" marahas na sigaw ko sa kanya.

Grimoire AcademyWhere stories live. Discover now