NOL 12 (XII)

1K 84 121
                                    

Jennica Monique Sanchez POV

Dear Mareng Diary,

October 15, 2007. Araw ng Lunes. Alas-singko thirty eight ng hapon. Kauuwi ko lang galing eskwelahan, hindi pa nga ako nakakapagpalit ng pambahay. Excited na kasi akong isulat ang tungkol sa mga bago kong kaibigan. Kaninang recess ng umaga, pinakilala kami ni Gian kila Renz bilang bago nilang kaibigan. Hihihi.
Pero nalulungkot pa rin ako kasi hindi na talaga ko pinansin ni Calla. Iba pa rin kasi ang pinsan sa kaibigan, kahit na ba.. hindi ko siya totoong pinsan.

Isasarado ko na ang diary ko nang mapansin ko 'yong nakaipit sa aklat kong English na dalawang puting sobre at isang kulay brown na medyo makapal. Kinabahan ako dahil nakalimutan ko ito ibigay kay Lola nung Biyernes. Anong araw na ngayon, Lunes na! Baka mamaya importante pala ito, lagot ako.

Nagpalit muna ako ng pambahay bago ako pumunta ng tindahan ni Lola pero hindi ako nakapasok dahil nakasarado ang pinto. At buhat sa loob ay nadinig ko ang nagbubulungang boses nina Lola, Lolo, Nanay at Tatay. Nandito pala sila.

Pumasok na lang ulit ako sa loob ng bahay. Muka kasing importante ang pinag-uusapan nila.

"Dalawang Linggo lang naman ho ang hinihiling niya, pagbigyan niyo na ho. Paano ho kung magkabaliktad ang sitwasyon? Paano kung tayo naman ho ang pagdamutan niya? Maaatem niyo ho bang hindi na makita apo niyo?" Sigurado akong si Tatay Natoy ang nagsabi no'n.

"Ito lang naman nanay niyo ang makulit," halata na sa boses ni Lolo ang inis. "Kahit ano namang gawin niyong tago riyan, malalaman at malalaman din 'yan ng bata."

Wala na akong nadinig pang nagsalita sa kanila. Mukang tapos na sila mag-usap. Nagtungo ulit ako sa tindahan ni Lola, sakto naman at nagbukas na ang pinto no'n. Nagmano kaagad ako sa kanila.

Pumuwesto ako ng upo sa gitna nina Nanay at Lola na panay ang singhot. Mukang galing lang nilang dalawa sa iyak. Bakit kaya? Nag-away-away ba sila? Pero hindi naman mukang sinabunutan sina Lola at Nanay. At wala rin naman silang mga kalmot o sugat sa katawan tulad ng mga nag-aaway sa eskwelahan.

"Wala ka bang assignment?" tanong ni Nanay.

Umiling-iling ako. "Wala na po. Nagawa ko na po kanina sa eskwelahan. Isa lang naman po iyon, eh. Magbabasa na lang po ako ng librong hiniram ko po kay Ma'am Veronica habang nagbabantay po ng tindahan."

"Ano ba 'yang hawak mo?" usisa ni Lola sa hawak kong mga sobre.

"Pinabibigay po ito ng inutangan ninyong Bombay nung Biyernes." Inabot ko iyong mga sobre kay Lola. Una niya sinilip 'yong laman ng brown na sobre. Halata ang gulat sa mukha nito nang makita niya ang laman no'n.

"Bakit nay?" tanong ni Nanay kay Lola.

Inabot iyon ni Lola kay Nanay. Nakisilip doon sina Lolo at Tatay Natoy, namimilog ang mga mata nitong nagtinginan sa isa't isa.

"Ano itsura ng tinutukoy mong Bombay?" tanong ni Nanay.

"Hindi po siya mukang Bombay, eh. Sa tingin ko po, baka siya ang boss ng mga Bombay dahil po naka-kotse siya. Ang bait po niya kasi po binayaran niya po ang sarili niya kaya wala na po utang si Lola. Tapos po, binilin niya po iyan sa akin na ibigay po kay Lola."

"Wala ba siyang... ibang binanggit sa'yo?" tanong naman ni Tatay Natoy.

"Wala po," umiling-iling na sagot ko.

"Si Pablo," ani Lola, hawak niya ang papel na nilalaman ng sobre. Sulat pala iyon.

"S-sino pong Pablo?" kunot-noo kong tanong.

Hindi nila ako sinagot. Nagtinginan lang sila sa isa't isa.

•••••

(Tuesday, October 16, 2007)

NO ORDINARY LOVETempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang