Chapter 51

1.5K 56 1
                                    

ENCHANTED: The Accursed Daughter
©EmpressWinteroo

Chapter 51

I R I N E

NAPAG-ALAMAN kong hindi pala ang gate na dinaanan namin kanina ang parehong gate noong unang punta ko sa Elf Village. Ang gate na 'yon ay ang pinakamalapit mula sa Elf Palace kaya mabilis kaming nakapunta sa palasyo para pag-usapan ang lahat.

Nandito kami ngayon sa isang malawak na conference room kung saan ginaganap ang mga meetings tungkol sa pamamahala ng village. Nasa pinakadulo ng pahabang table si Eoin. Ang pinakamalapit sa kanya na nakaupo sa length side ng table ay si Sister Leyva at Castor na magkatapat ng upuan. Sa tabi ni Castor ay si Cyndel na siyang katabi ko rin sa 'king kanan. Si Errapel ang katapat ni Cyndel at ang katapat ko ay si Red na katabi ni Sov. Kasama din ang ibang miyembro ng grupo naming nakaupo sa kani-kanilang pwesto.

"Maaari mo bang ilahad sa 'min ngayon ang lahat ng nangyari, kamahalan?" Tanong ni Sister Leyva.

Napabuntong-hininga si Eoin at ipinatong sa table ang dalawa niyang kamay bago tumingin nang seryoso sa 'ming lahat.

"Nagsimula ang lahat nang makatanggap si ama ng isang regalo."

"Regalo?" Pagtataka ni Sister.

"Isang kahong naglalaman ng isang libro."

Kumunot ang noo ko at naalarma. Libro. Sabay kaming nagtinginan ni Errapel na nasa harap ko. Pati si Red ay mistulang nagtataka rin sa sinabi ni Eoin. Tatlo kaming naalarma pero wala sa 'min ang nagsalita.

Maaaring iba lang ang kutob ko.

"Anong libro 'to, kamahalan?" Tanong ni Sister Leyva.

"Patawad, hindi ko alam," sagot ni Eoin. "Nabanggit niya lang 'yon sa 'kin noong sabay kaming naghapunan at hindi ko na nakita ang libro simula noong napunta na 'to sa kamay ni ama."

"Ngunit..." Panimula ni Sister Leyva. "Ano naman ang kinalaman ng librong 'to, kamahalan?"

Tumiim ang bagang ni Eoin na para bang hindi gustong inaalala ang lahat. "Gabing-gabi noon, kabilugan ng buwan, at tahimik ang paligid. Abala si ama sa kanyang kwarto at hindi na lumalabas pa. Pati ako ay hindi ko magawang abalahin siya maliban sa head court lady na tagapagsilbi niya. Sa kanya ko nalaman na tatlong gabi na palang binabasa ni ama ang libro kaya tatlong araw din siyang wala sa pokus. Tinanong ko ang court lady kung saan galing ang libro ngunit wala siyang maisagot. Nang dahil sa hindi maganda ang kutob ko sa mga nangyayari, pinilit kong makapasok nang gabing 'yon sa kwarto ni ama para tingnan ang lagay niya."

Huminga ng malalim si Eoin bago magpatuloy. "Pagkabukas ko ng pinto ay naabutan ko ang ama na nakahandusay sa sahig, duguan, at naghihingalo habang nakatayo ang court lady sa tabi na may hawak ng kutsilyong puno ng dugo at sa kabilang kamay niya ay ang libro pero hindi ko nagawang makita ang kabuuan ng libro dahil natatakpan ng kamay niya ang titulo. Unti-unting nagbago ang itsura ng court lady hanggang sa tumambad ang tunay na katauhan niya. Isang witch. Kalaunan ay napag-alaman namin na isa lang siyang nagbabalat-anyong witch at ang tunay na tagapagsilbi ay matagal nang nawalan ng buhay. Matapos ang insidenteng 'yon ay mabilis na tumakas ang witch sa bintana ng kwarto at nagsimula ang pag-atake. Witches, nymphs, wizards, enchanters, at wolves. Marami sila, napakarami.Nagsimula silang lumusob sa village, pinapatay ang mga nilalang na humaharang sa kanila at sinisira ang mga bagay na makita nila. Nakarating sila dito ngunit ang nakapagtataka ay hindi nila sinira ang palasyo, bagkus ay mistulang may hinahanap lang sila."

Kumunot ang noo ni Sister Leyva. "Ano sa iyong palagay ang hinahanap nila, kamahalan?"

"Mayroong mga ginto na pwedeng pagnakawan ngunit kahit nakita ito ng Dark Assemblage ay mukhang hindi iyon ang interes nila dahil iniwan nila ang kayamanan ng palasyo nang hindi ito binabawasan. Kaya ang hinala ko ay ang libro ang hinahanap nila. Ngunit kung tama ang kutob ko, ang magiging ibig sabihin lang n'on ay hindi kasapi ng Dark Assemblage ang witch na pumatay kay ama. Dahil kung kasapi nga siya, hindi na dapat kami inatake pa ng Dark Assemblage at hanapin ang bagay na 'yon."

[HOLD] Enchanted: The Accursed DaughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon