"Kung sa ibang pagkakataon kayo nagkakilala ng senyorito, paniguradong magugustuhan ka niya, Monique," turan pa ni Manang na may kasamang ngiti. "Pasensya ka na rin sa mga alaga ko. Uulitin ko lang ang nasabi ko noong nakaraan. Mabubuting tao ang mga Mondragon. Kaya ikaw na sana ang magpasensya sa kanila. Lalo na sa Senyorito Eros. Ginagawa niya lang ito para protektahan ang isla at maging ang Senyorito Gael na rin."

"Sana nga ho gano'n ang intensyon niya..." sabi ko sabay napabuntong-hininga at nangalumbaba habang napapatingin sa may dalampasigan sa may tabi.

Kalimutan mo na ang tungkol sa Gael Mondragon na iyon, Eliz, nasabi ko sa sarili ko. Ang tungkol muna sa relasyon n'yo ni Eros ang dapat mong ayusin kung hindi mo gustong damputin sa kangkungan at hindi lang alaala mo ang mawala sa'yo.

"Siya nga pala," wika ni Manang na tila ba may naalala ito ngayon-ngayon lang. "Pinapasabi ng Senyorito Eros na pupuntahan ka niya dito mamayang gabi para maka-usap nang masinsinan tungkol sa insedente na nangyari noong nakaraan sa isla."

"Iyong tungkol po ba sa sunog?"

"Iyon nga. Siguro'y bibigyan ka niya ng pabuya sa ginawa mo o hindi kaya tatanungin ka tungkol sa ilang bagay. Hindi ba't nabanggit mo no'ng nakaraan ang tungkol sa mga boses na narinig mo na nagpaplanong magnakaw ng mga ilang pag-aari sa isla?"

Halos makalimutan ko na ang tungkol sa bagay na iyon. At kahit pala mag-iisang buwan na ang nakaraan magmula ang aksidente, hindi pa rin pala nahinto si Eros sa pag-iimbestiga tungkol sa mga nagpupuslit ng gamit mula sa Alta Pueblo.

"Pumunta lang sa may bayan ang senyorito para samahan si Cardio na mamili ng ilang pataba para sa sakahan. Kaya hindi ka naman siguro mapupuyat maghintay sa kanya. Magpapadala na lang ako ng isang tauhan dito para sabihan ka kung saka-sakaling may magbago sa plano ng senyorito."

Gusto kong magduda doon sa pagbabago na sinasabi ni Manang.

Hindi man niya direktang sabihin pero may pakiramdam ako na si Eros ang tipo ng tao na walang ibang option maliban sa una nitong naisip gawin, base na rin sa mga kilos nito na napapansin ko sa ilang linggo pagkakasama namin.

Kaya iyong sinabi ni Manang na magkikita kami mamayang gabi, paniguradong magkikita talaga kami mamayang gabi.

At nasisiguro ko rin na hindi pa sapat iyong sermon na narinig ko sa kanya doon sa mansyon at pagsasabihan na naman ako ng kung ano-ano dahil lang sa inis talaga ito sa kahit anong gawin ko.


NAALIMPUNGATAN ako sa ilang ingay at kaluskos na narinig ko sa paligid.

Matapos umalis ni Manang dala ang aking tanghalian, inabala ko ang sarili ko sa paglilinis nitong kubo para wala na ring masabi si Eros oras na gamitin niya ang bahay na pinahiram niya sa akin na tirhan ko para gamitin na namang rason para mainis sa akin.

Sa sobrang abala ko sa paglilinis, halos hindi ko nalamayan na buong bahay na pala ang nalinis ko at naging madilim na pala sa labas. At dahil na rin sa pagod, iyong plano ko sanang idlip lang doon sa may mesa ay nauwi na pala sa mahimbing na tulog. Dahil nang mapatingin ako sa may orasan sa pawid na dingding, nakita kong alas diyes na pala ng gabi.

Sandali akong nakiramdam sa ingay, inaalam kung mga yabag na nga ba ni Eros ang naririnig ko o gawa lang iyon ng ilang mga hayop na posibleng nagtatago sa kasuluk-sulukang bahagi na ito ng isla. Hindi ko naman gusto na basta na lang buksan ang pinto at salubungin ng isang mabangis na hayop at dito na rin mamamatay.

Breaking the Rules (Mondragon Series #3)Where stories live. Discover now