"Tama nga ba talaga itong ginagawa mo, Eliz?" tanong ko sa sarili ko.

Pero sa halip na umatras, pinili ko na lunukin na lang ang kaba ko saka nagsimulang mag-ikot-ikot sa paligid ng bahay, naghahanap ng posibleng bukas na bintana o kahit anong posibleng butas na kung saan posible kong makita ang pagmumukha ng Gael Mondragon na ito.

Gaya nang mansyon kung saan ako nanunuluyan ngayon, wala rin akong masabi sa laki, ganda at rangya ng itsura ng mansyon ng pamilya ng Gael Mondragon na ito. Ang pinagkaiba lang nito do'n kanila Eros, mas modern ang istilo nito, halos maging puro salamin ang pangalawang palapag ng bahay na may overlooking veranda, at hindi na rin ako magtataka kung sa pinakatuktok ng bahay na 'to ay mayroon iyong private swimming pool.

Nahinto ako sa paglalakad at sa paghanga ko sa itsura ng mansyon nang bigla akong mahinto sa paglalakad ko, sabay napayuko sa may halamanan sa may gilid, pilit tinatago ang sarili ko, nang may mahagip akong bulto ng isang lalaki sa may sa tingin ko'y sala ng mansyon sa unang palapag.

Bigla kong dinama ang dibdib ko nang maramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko sa pinaghalong kaba at takot dahil na rin sa biglang pagsulpot ng kung sino mang lalaking iyon na nakatalikod sa direksyon ng pinagtataguan ko.

Halos pigil ko ang hininga habang sinisilip ko sa awang ng mga halaman ang likod ng lalaking iyon. Gaya ni Eros, may katangkaran ang lalaki na ito, mga nasa six feet mahigit siguro, may kalakihan din pangangatawan pero hindi gaya ng kay Eros, bagsak na bagsak ang balikat nito at tila pa nangayayat ito dahil sa pagiging maluwag ng polong suot-suot nito na tila ba ilang araw na rin nitong suot base na rin sa gusot dito at ilang mantsa ng kung ano na nakikita ko doon.

Hindi kaya siya na si...

Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko habang pinapanood siya na nakatingala at nakatitig sa may kalakihang painting sa pader na nasa harapan nito.

Naghintay ako ng mga susunod niyang gagawin, umaasa na haharap siya sa direksyon ko nang makita ko na ang itsura niya, ang lungkot sa mata niya, ang itsura ng isang lalaking naiwan at nawalan ng taong minamahal. Gusto kong magkaroon nang mas malinaw na imahe ng taong pilit na pinagtatanggol ng puso ko sa kabila ng pagiging estranghero nito sa buhay ko.

Pero hanggang sa lumipas ang ilang minuto, wala itong ginawa. Nanatili lang itong nakatayo sa harapan ng painting habang hawak ang isang bote ng alak.

"Araw-araw ba siya umiinom? Hindi niya ba alam na pinapatay niya sarili niya sa ginagawa niya?" hindi ko mapigilang makaramdam ng mas matindi pang habag para sa tao na ito.

Kung sino mang nanakit sa'yo nang ganito, sana mahanap mo na agad ang tao o bagay na unti-unting gagamot sa sakit mo, Gael Mondragon, sa isip ko pa.

Wala akong balak alisin 'yong mga tingin ko sa likod niya pero wala na rin akong nagawa kundi mapatingin doon sa bagay na sobrang kumuha ng atensyon nito.

Walang kakaiba sa painting na iyon. Ang totoo nga n'yan, para lang iyong isa sa mga project na ginagawa ng mga bata sa eskwelahan na kung saan nilalagyan nila ng makukulay na pintura ang mga palad nila saka iyon ididikit sa papel at gagawa ng handprint abstract. Gano'n din ang itsura ng painting na tinitingnan nito ngayon. Ang pinagkaiba nga lang, mas malaki ito at mas makulay.


"Ano ba! Sa canvas mo ilagay ang pintura! Hindi sa mukha ko!"

"Bakit? Bumagay din naman sa'yo ang pintura na 'to, ah? Teka, sandali! Parang mas maganda itong kulay na 'to."

Breaking the Rules (Mondragon Series #3)Where stories live. Discover now