Marami pa sana akong gustong sabihin pero pinili ko na lang na hayaan siyang umalis dahil parang wala na rin naman siyang balak pang makipag-usap sa akin, base na rin sa reaksyon na makikita sa mukha niya.

Habang pinapanood ko siya na sumakay kay Achilles at lumayo doon sa lugar ko, hindi ko maiwasang mapatingin sa nagtataasang puno at mga bundok na nasa paligid ng isla.

Gusto ko na nga bang umalis sa lugar na 'to? hindi ko maiwasan maitanong sa sarili ko.

Sa loob ng ilang linggo kong pananatili ko, aminin ko man o hindi, parang naging natural na sa akin ang pananatili sa isla.

'Yong maya't mayang pangungulit ko kay Manang Pising at Mang Cardio na tulungan sila sa mga trabaho nila. 'Yong pagtulong ko sa mga taga-isla matapos maapula 'yong apoy at 'yong mga pala-kaibigan naming pagpapalitan ng tawa at pakikisalamuha sa amin.

Sa loob ng maikling panahon, kahit sa kabila pa nang pagkawala ng ilang mga alaala ko at mga tanong kung paano nga ba ako napunta dito sa isla na ito, pakiramdam ko ay may isang malaking bahagi sa loob-loob ko ang nailagay ko na dito sa isla.

Isa pa, kahit na naging malinaw na kay Eros na wala nga akong kinalaman sa mga nakawan na nangyayari dito sa kanilang isla, hindi pa rin sapat iyon para mahanap nila kung sino ang gumagawa nito at posibleng nasa paligid pa rin ang mga magnanakaw at tahimik na naghihintay ng pagkakataon kung paano ulit maabuso ang mga ari-arian ni Eros.

Idagdag pa na hindi pa rin nawawala sa isip ko 'yong isa sa mga sinabi ng mga lalaking iyon na nagbabalak gawan ng masama si Eros at gumamit ng dahas para magawa lang ng mga ito ang masama nilang binabalak.

Na sa ano mang sandali, maaaring malagay na naman sa panganib ang buhay ni Eros.

Maaring aksidente lang ang sunog na nangyari sa isla gaya na rin ng sinabi ni Eros kanila Manang Pising at Mang Cardio nang bumuti na ang lagay nito.

Pero paano kung hindi na sa susunod?

Paano kung talagang gawan na nila ng masama si Eros o hindi kaya ang mga inosenteng nakatira at nagtatrabaho rin sa isla?

Hindi dito ang buhay mo, Eliz. Alam mo dapat 'yan, sabi ng isang bahagi ng utak ko. Kung ano mang problema sa lugar na ito, wala ka na do'n. Hindi mo na sila dapat pang inaalala dahil ikaw mismo ay may sariling problema na hindi mo pa nasu-solusyunan mag-isa.

Muli ko na lang inilibot ang paningin ko sa isang bahagi ng isla na nasa harapan ko saka napabuntong-hininga bago bumalik sa loob ng kubo at inayos ang mga gamit ko.

"SANA GUMALING ka na pag-uwi mo sa Maynila, Monique," maluha-luhang sabi sa akin ni Manang Pising matapos naming magyakap at magbitaw ng pasasalamat at pamamaalam sa isa't isa. "At kapag bumalik na ulit ang mga alaala mo, huwag ka sanang makalimot na bumisita ulit sa amin dito."

"Oo nga, hija," si Mang Cardio naman ngayon ang nagsalita. "Sana makabalik ka at huwag mong babayaan ang sarili mo sa Maynila. Ipagdadasal ko na ligtas kang makakauwi sa inyo."

"Salamat ho ulit sa pag-aalaga n'yo sa akin, Manang Pising, Mang Cardio, at sa inyo na rin na mga nakasama ko dito sa isla," sabi ko naman do'n sa ilang trabahador sa isla na kasama namin ngayon para personal ding makapagpaalam sa akin. "Gustuhin ko mang bumalik dito, pero alam ko naman na hindi ko na magagawa iyon. Alam ko naman na hindi papayag ang amo n'yo na—"

"You're free to come here whenever you want."

Lahat kami ay napatingin sa papalapit sa lugar namin na si Eros saka niya ako nilagpasan at sumakay doon sa munting yate na magdadala sa amin papunta sa may bayan sa El Nido.

Breaking the Rules (Mondragon Series #3)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن