Mukha ng Kabutihan

70 5 4
                                    

May mga kabutihang sadyang mapang-ibabaw,

Sa dangal at papuri ay pawang nauuhaw,

Sabik sa pagkilalang kanilang tinitighaw,

Kaya’t pinangalandakan sa ilalim ng araw.

May mga kabutihang sadyang napakalalim,

Nagpapakamartir na nga ngunit inililihim,

Kahit pa sakdal na masaktan ay tatanggapin,

Hindi na mahalaga ang kung di man pag-amin.

May mga kabutihang humihingi ng kapalit,

Upang kanilang nagawa’y iyong maibalik,

Kahit di mo kaya ay kanilang ipipilit,

Dahil kabutiha’y tinubuan ng hinanakit.

May mga kabutihang sadyang dinadakila

Mumunti man ay sadya pa ring pinagpapala,

Sa ibang mga tao’y nagsisilbing himala,

Walang pinipili mayaman ka man o dukha.

Ngunit kabutihan, kailanma’y ‘di nasusukat,

Kung ano ang sarili, nagawa, o namulat,

Sapagkat ang kabutiha’y sa puso nahahanap,

Dahil ang kahuluga’y sa kung pa’no matatanggap. 

Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing MakataWhere stories live. Discover now