Kung sa mundo’y walang pera, marahil ay pantay-pantay,
Di masusukat sa yaman ang estado ng mga buhay,
Bawat isa siguro’y matututong magbigay,
Hubad ka ma’t inosente may katumbas na tinapay.
Kung sa mundo’y walang pera, marahil ay walang sawi,
Wala sanang aasa sa latang nayuyupi-yupi,
Para lang malamnan ang sikmurang nagdalamhati
Di sana mabibikig ang mahihinang mga labi.
Kung sa mundo’y walang pera, lahat siguro’y maligaya
Pagkat ang katotohanan, di maikukubli ng barya,
Wala sanang katumbas na presyo ang hustisya,
Wala sanang kalapating makukulong sa pugad ng dalita.
Kung sa mundo’y walang pera, wala sanang makakalimot,
Na ang materyal na kasagaan di sa langit makaaabot,
Di sana matututong ang tao ay maging maramot,
Na ang pisong barya sa puso’y di makagagamot.
Kung sa mundo’y walang pera, wala rin sanang mauubos,
Di na mahalaga kung sa ginto’y nalulubos,
Di sana mabubulag sa perang bumubusabos,
Pagkat kung walang pera, lahat sana ay may Diyos
BINABASA MO ANG
Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing Makata
PoetryMga katagang pinagbuklod ng kaisipang mapang-alipin. Mga taludturang nililok ng mga karanasan. Mga saknong na hinubog ng pagkakataon. Nagkaroon ng diwa. Nagkaroon ng damdamin. Nagkaroon ng puso. Nakabuo ng isang tula.