Pumukaw ng pansin sa aking bawat paghakbang,
Ang isang matanda, na sa bangketa’y nakaabang,
Namumuti niyang buhok patuloy pang naarawan,
Di niya alintana’t basta nakahalukipkip lang.
Sa pag-inog nitong mundo malabo siyang mapansin,
Sa mabilis na pag-ikot sino pa ang babaling?
Mayroon pa bang natitirang maalam tumingin,
May mabubuting gawa at puso ay mahabagin?
Hindi siya naroon upang sa iba’y mamalimos,
Kundi umaasang may magpapalinis ng sapatos,
Pati mga payong ay susubukan niyang maayos,
Kahit daliri’y nanginginig, boses pa’y mapaos.
Mga mumunting barya, kung mayroong kikitain,
Sa nayuyuping lata’y doon niya iipunin,
Upang sa maghapon ay mayroong maiihain,
Sa naiwan n’yang mga apong bata pa’t gusgusin.
Alam kong hindi awa ang kanyang kinakailangan,
Kahit papaano’y ang paghihirap ay mabawasan,
Sapat na ang kalagayan upang mailarawan,
Bigyan siya ng lakas nang sila’y di mapabayaan.
Marupok niyang katawa’t unti-unting namamatay,
Tulad niya’y isang dahong nalalanta’t bumibigay,
Hindi pa rin siya susuko’t patuloy na lalaban,
Kahit pa gupuin ng sarili niyang katandaan.
BINABASA MO ANG
Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing Makata
PoetryMga katagang pinagbuklod ng kaisipang mapang-alipin. Mga taludturang nililok ng mga karanasan. Mga saknong na hinubog ng pagkakataon. Nagkaroon ng diwa. Nagkaroon ng damdamin. Nagkaroon ng puso. Nakabuo ng isang tula.