Bungkal sa Lupa, Lubog sa Dalita

61 8 9
                                    

 Nilulumot ng kadalitaan ang paa kong putikin,

Sa maghapong pagbibilad sa bukid ay titiisin,

Nasusunog man sa araw pilit kong kakayanin,

Maitaguyod ko’t magkaroon ng bigas sa hain.

Ang pamumuhay naming gan’to mahirap pa sa daga,

Kahig na nga nang kahig di pa makuhang tumuka,

Maghangad man ng tagumpay laging napapariwara,

Bahagya nang makatanggap ng kaunting pagpapala.

Bulag man ang pag-asa sa dukhang aking katulad,

At tanging kalayaan ay maghangad nang maghangad,

Nauupos man ako at kumukupas ang tingkad,

Sapat na sa gunitang ako’y mananatiling nakahubad.

Pagtanggap sa lipunan, matagal ko nang nilandas,

Na ang isang gaya ko’y di na makaaalpas,

Pagbungkal ng lupa, doon na lahat iwawagas,

Malubog man sa dalita, hindi ako magwawakas!

Mga Binhi: Antolohiya ng Isang Sawing MakataOnde histórias criam vida. Descubra agora