“Sandali. Tama ba ng narinig ko? Elf Village?”

“Oo. Doon nga. Ang sabi’y may kaibigang matalik doon si Amanda kaya naman ang mga elves ang katulong nila para hindi sila matunton. Hindi nagtagal, nabuntis si Amanda at ikaw ang idinadala niya, Irine.”

Napangiti ako ng mapait at hindi na nagsalita pa.

“Nang ipinanganak ka ni Amanda, nagulat ang mga magulang mo nang bigla silang inatake ng mga Enchanters sa pamumuno ni King Melettus. Balak nilang patayin ang bawat isa sa inyo, lalong-lalo ka na Irine. Sa tingin nila ay balakid ka sa pagbalanse ng dimension kaya gusto ka nilang mawala. Hindi ito pinayagan ni Loic at Amanda. Nakipaglaban ang dalawa sa grupo ng mga Enchanters ngunit nang dahil sa marami ang kalaban nila, hindi nila ito nakayanan.”

“Namatay ba sila?” Tanong ko.

“Hindi nakita ang mga katawan nila, Irine. Kaya posibleng nakatakas sila o kaya naman ay naglaho na sila ng tuluyan. Patawad.”

Kinuha ko kaagad ang tasa at uminom. Nanginginig na ang mga kamay ko kaya mabilis ko ulit inilapag ang tasa sa desk. Hindi. Hindi pa sila patay. Ako mismo ang hahanap sa kanila. Ako mismo.

Huminga muna ako nang malalim bago haraping muli si Errapel. “Ngunit ako. Bakit ako nawalay sa kanila?”

“May kumuha sa ‘yong isang enchanter.”

“Sister Martha.”

“Siya nga. Si Martha na kapareho ng guild ni Amanda at ang matalik niyang kaibigan ang kumuha sa ‘yo at itinago ka sa mundo ng mga tao.”

Tumango na lamang ako at hinayaang mamayani ang katahimikan sa ‘min ni Errapel. Ngayong nalaman ko na ang buong storya ng mga magulang ko, oras na para naman hanapin ko sila. Naniniwala akong buhay pa silang dalawa. Naniniwala ako.

“Ngunit…” Tiningnan kong muli si Errapel. “May ilang pahina pa ang hindi ko nababasa noon. At sa pagkakaalam ko ay tungkol sa ‘yo ang nakasulat, Irine, kaya dapat mahanap natin ang libro."

Kumunot ang noo ko. “Mahanap? Nawawala ang libro?”

Tumango si Errapel. "Hindi ko namalayang isang nilalang pala ang nakapasok sa library kahit na nakabantay si Erracious at ang lahat ng aquila. Noong gabing nasunog ang bahay ampunan na tinitirahan mo, ganoong oras din nawala ang libro kaya hindi ko natuloy ang aking pagbabasa. Ninakaw ang libro sa Library ko habang tinulungan kitang makaligtas, Irine.”

Napatigil ako nang ilang segundo nang maalala ang book na hawak kong mula dito sa camp. Nasa kwarto ko lamang 'yun at hindi ko pa ibinabalik.

Kaagad akong tumingin kay Errapel. "H'wag kang mag-alala, nasa akin ang pangalawang kopya, Errapel–"

"May hawak kang book?" Mabilis niyang tanong.

Tumango ako. "Hiniram ko ang book mula sa isang library dito sa night market. Kaya kung nawala ang isang kopya, mayroon pa tayong pag-asa. Nasa akin ang pangalawang kopya ng libro."

"Ngunit…" Napahilamos siya ng mukha bago tumitig nang mariin sa 'kin. "Iisa lang ang kopya ng libro, Irine. Kung ano ang hawak mo, 'yun ang galing sa library ko."

Napasinghap ako. Kung totoo ngang iisa lang ang kopya, siguradong nandito sa Amaryllis Camp ang sinasabi niyang magnanakaw. Humigpit ang hawak ko sa tasang hawak ko ngayon.

"Nasaan ang libro?" Tanong ni Errapel dahilan kung bakit natuong muli ang atensyon ko sa kanya.

"Nasa kwarto ko, doon ko lamang nilagay ang libro, h'wag kang mag-alala," sagot ko.

Nakahinga siya nang maluwag. "Kailangang kunin natin ang libro pagkatapos ng pagpupulong mamaya, Irine, maaari ba? Kakausapin ko na lamang ang may-ari ng library kung saan mo ito nakuha dahil sa una palang ay hindi nila ito pagmamay-ari."

[HOLD] Enchanted: The Accursed DaughterDove le storie prendono vita. Scoprilo ora