Biglang tumigil ang boses ni Nisha mabilis na nawala ang imahe sa ilog. Napansin kong nasunog ang petal na nakalutang at inihulog ko kanina kaya nawala nalang bigla ang memorya ko sa tubig.

Napatingin ako kay Red. Ngunit napatigil ako dahil hindi ko inaasahan ang nakita kong reaksyon niya.

Balisa siya habang nakatingin sa parte ng ilog kung saan nagpakita ang imahe ni Nisha. Nanginginig ang kamao niya at para bang kinakabahan.

"Anong problema?" Tanong ko.

Tumingin siya sa direksyon ko at tinitigan niya ako nang mabuti. Hindi ko alam pero sa hindi malamang dahilan, hindi ako nagulat nang malaman kong si Loic at Amanda ang mga magulang ko.

Pero bakit? Bakit ganito ang naging reaksyon ni Red? Malalim ang paghinga niya at para bang nakakita ako ng takot sa kanyang mga mata.

Sino ba si Loic at Amanda? Sila nga ba? Totoo bang sila ang mga magulang ko?

"Red–"

"Halika na." Mabilis niyang hinablot ang braso ko at hinila ako.

"Sandali lang naman!" Pinilit kong hilahin pabalik ang braso ko pero masyado siyang malakas. "Red, ano ba?!"

Biglang tumigil si Red at hinarap muli ako. "Kahit na anong mangyari, h'wag mong sasabihin ang mga narinig mo."

Nagsalubong ang mga kilay ko sa pagtataka. "At bakit hindi pwede? Kung si Loic at Amanda nga ang mga magulang ko, maaari ko silang hanapin–"

"Hindi pwede!" Napatalon ako sa gulat nang tumaas ang boses ni Red. Hinablot niya ang magkabilang balikat ko bago ako tinitigan ng mabuti. "Mangako ka sa 'kin na kahit anong mangyari, hindi mo babanggitin ang mga pangalan nila sa iba. Mangako ka sa 'kin, Irine."

Hindi ako sumagot. Pero bakit? Naguguluhan ako. Dapat masaya akong narinig kong nahanap na ni Nisha ang mga magulang ko pero bakit hanggang ngayon hindi ako masaya? At bakit nagkakaganito si Red? Ano ba talaga ang problema?!

Bumigat ang paghinga ko. Hindi ko rin alam kong magagawa ko ngang hindi banggitin si Loic at Amanda sa iba. Dahil sa simula palang, sila na ang hinahanap ko. Ngayo't alam ko na ang mga pangalan nila at alam ko nang sila pala ang maaari kong kadugo, hindi ko na papalampasin 'to para hanapin sila.

Sorry, Red. Hindi ko kayang mangako sa pagkakataong 'to.

C Y N D E L

Kanina pa ako humahagulgol sa kama ko. Bakit? Bakit sunud-sunod na nawawala ang mga mahal ko sa buhay? Hinawakan ko ng mariin ang dibdib ko sa sobrang sakit na aking nararamdaman.

Alam ko na ang nangyari kay Nisha sa Camp. Alam kong wala na ang isa sa mga matalik kong kaibigan.

"Tahan na," usal ni Eoin habang nasa tabi ko. Naramdaman kong dumampi ang mga labi niya sa 'king ulo. Napayakap nalang ako sa kanya at nagbabakasakaling mabawasan man lang ang pagdadalamhati ko.

Kung wala si Eoin sa tabi ko, baka hindi ko kayang labanan ang mga pagsubok na nangyari sa 'king buhay.

Una, nawala ang aking ama nang dahil sa pag-atake. Pangalawa, hirap nang bumangon ang village namin dahil maraming nawasak na mga taniman at marami ring nawalan ng buhay. Nawawalan na ng pag-asa ang mga kapwa ko nang dahil sa nangyari. Pangatlo, nabalitaan kong inatake rin ng mga witches ang camp at isa sa mga namatay ay si Nisha.

At ang panghuli, ang tungkol kay Irine. Naikwento sa 'kin ni Eoin na bago nangyari ang paglusob sa village, sinabi ni ama sa kanya ang isang mahalagang impormasyon na nakuha niya tungkol kay Irine.

Na si Irine ang anak ni Loic at Amanda. Bumigat muli ang loob ko. Bakit si Irine pa? Bakit siya pa?

Napahigpit ako ng yakap kay Eoin. Siya at si Irine nalang ang mga taong naiwan sa 'kin at ayoko nang kay mawala pang isa.

[HOLD] Enchanted: The Accursed DaughterWhere stories live. Discover now