Kabanata 4

1.5K 64 1
                                    

BAHAGYANG napaawang ang bibig ko nang sa wakas ay narating din ng tricycle na sinasakyan ko ang mansyon na pagtatrabahuhan ko simula sa araw na ito. Kinakabahan man ako pero kailangan ko itong gawin.

Hindi ko maalis ang tingin ko sa napakagandang bahay sa harap ko. Mataas ang gate ng mansyon na may pakurabang mga disenyo. Kulay itim iyon at sa loob ay kitang-kita ang mataas at malaking mansyon. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng ganoon kaganda at kalaking bahay.

Bumaba ako ng tricycle habang ang aking mga mata ay napako na sa magandang bahay na nasa harap ko. Tinulungan ako ni Manong tricycle driver na ibaba ang bag na dala ko. Malaki iyon na puno ng mga gamit ko na parang doon na talaga ako titira.

Bumaling ako sa driver. "Salamat po, manong." Sabay nginitian ko siya.

Tumango siya. Muli kong ibinaling ang aking atensyon sa magarbong bahay na pagtatrabahuhan ko. Nasa labas pa lang ako pero sobrang namangha na ako sa mala-palasyong hitsura ng bahay. Nakapagpaganda pa sa tanawin ang malalagong punong nakapaligid doon. Parang isang palasyo sa isang malayong bundok na tinitirhan ng isang magandang prinsesa't gwapong prinsipe.

Kinuha ko ang backpack na dala ko at sinakbit sa aking likod. Binitbit ko naman ang isa pang malaking bag na naglalaman ng mga gamit. Para ngang balak ko nang dito tumira dahil sa dami nang dala kong gamit.

Lumapit pa ako sa mataas na gate. Nakita ko ang isang lalaking nakatayo na wari mo'y isang estatwa roon. Siya marahil ang guard.

Pinindot ko ang doorbell kasabay ang pagtunog niyon. Nakita kong gumalaw ang guard at lumapit sa gate. Binuksan niya iyon na parang sinasabi niyang 'welcome sa mansyon ng mga Bautista'.

Ngumiti muna ako sa guard pero tila hindi man lang ako napansin ng lalaki. Agad din niyang sinara ang gate pagkapasok ko.

"Suplado," bulong ko.

Muli ko na lang ibinaling ang aking atensyon sa paligid. Sinimulan kong landasin ang pasilyo patungo sa mismong bahay. Habang naglalakad, hindi nakakaiwas sa aking mga mata ang napakagandang harapan ng bahay. Punong-puno iyon ng mga bulaklak at iba't ibang halaman. Ang iba'y may mga hugis pa na talaga namang nakakaagaw pansin. May mini fountain din roon. May bahay-bahay sa garden na may duyan pa. Ang sarap sigurong tumambay doon.

Napangiti ako dahil sa pagkamangha. Natanong ko rin kung paano napaganda ng ganoon ang mga iyon. Sobrang ganda at inaaliw ng mga tanawin ang aking mga mata. Hindi ko rin napapansin na panaka-naka lang pala ang hakbang ko dahil sa labis akong naaaliw sa bonggang tanawin.

Narating ko ang main door ng mansyon. Nakahulma pa rin sa mukha ko ang pagka-amaze sa lugar.

Lumingon muli ako sa dinaanan ko bago nagpasiyang mag-doorbell. Tumunog iyon na agad naghatid ng kaba sa akin dahil sa pagbukas ng pintong iyon ay ang simula ng bagong buhay ko sa mansyong ito. Sa loob kung saan 'di ko kilala ang mga taong naroon.

Ilang saglit pa at bumukas ang main door at tumambad sa akin ang isang medyo may edad ng babae. Dahil sa suot niya, agad kong nalaman na isa siya sa mga katulong doon. Sa tingin ko ay edad kwarenta na siya.

Ngumiti ako ng matamis sa kaniya. "Hello po, ako po si Anna Marie Castillo. Mara for short. Ako po ang bagong magiging katulong dito," magalang kong pagpapakila sa kaniya. Medyo napabilis pa ang pagsasalita ko dahil sa kaba.

Napataas siya ng kilay at sa huli'y napatango rin. Sinuri pa niya ako mula ulo hanggang paa. Para akong dinala sa pulis at may kasalanang kailangang suriin.

"Nasabi na sa amin ni Donya Melissa na darating ka ngayon. Oh, hala pumasok ka na."

Humakbang ako papasok sa loob ng mansyon. Naiilang pa ako no'ng una na itapak ang paa ko sa tiles na sahig ng bahay. Na tila isa-isang pinapaputi dahil sa kintab niyon.

I'm His Personal MaidWhere stories live. Discover now