Kabanata 3

1.5K 55 0
                                    

"MANO po," salubong ko kay Mama at Papa na kadarating lang galing sa trabaho. Nagsipagmano rin ang dalawa ko pang kapatid.

"Kumusta ang mga kapatid mo?" tanong ni Mama nang makaupo siya sa sofa na gawa sa kawayan.

Tuwing umuuwi si Mama 'yon ang laging tanong niya. Kung hindi ba nagpasaway ang mga kapatid ko o kung may ginawa ba silang kasalanan.

"Okay naman sila, 'Ma. Tumulong po sila sa akin dito sa bahay. Hindi po sila nagpasaway," sagot ko. Tiningnan ko pa ang dalawa kong kapatid na nakaupo sa mahabang sofa. "Mag-merienda na po muna kayo." Naghanda kasi ako ng merienda na nilagang saging na kahit hindi na bago sa amin, paborito pa rin ng lahat.

"Okay lang kami, anak," ani mama.

"Sigurado po ako pagod at gutom na kayo kaya po mag-merienda na muna kayo," pangungulit ko at sa huli'y kumain din silang dalawa.

"A, siyanga pala," bulalas ni Mama na parang may nalimutan at ngayon lang naalala.

Tiningnan ko siya na nagtataka.

"Dumating kasi 'yong anak ni Donya Melissa, hiniling niya sa akin na kung pwede ka raw niyang kuning katulong sa mansyon. Hindi raw kasi kabisado ng anak niya ang Poblacion at gusto ka niyang kunin na magbabantay sa anak niya," paliwanag ni Mama habang nakatingin sa akin.

Nabalitaan ko ngang darating ang anak ng mga Bautista pero hindi ko inakala na dumating na pala. Napaisip ako sa aking narinig mula kay Mama.

"Nasa sa'yo naman anak, kung gusto mo at kung ayaw mo naman okay lang. Hindi ka namin pipilitin," seryosong sabi naman ni Papa.

Nagpatuloy ako sa pag-iisip. Hindi na rin masama. Isa pa, matagal ng kilala ng pamilya ko ang mga Bautista at nakilala namin silang mababait.

"Kailan daw po ako magsisimula?"

Nagtinginan silang dalawa.

"Kung maaari raw ay sa isang araw ka na magsimulang magtrabaho," si Mama.

"Payag po ako, 'Ma," walang pasubaling sabi ko. Hindi na rin kasi masama ang alok na iyon. Hindi ko na kailangan pang pag-isipan iyon ng matagal dahil gusto ko rin namang makatulong kila Mama at Papa, saka mapagkakatiwalaan naman ang pamilyang iyon.

"Sigurado ka ba, Anak?" tanong ni Papa na sinisigurado ang desisyon ko. Tumango lang ako at pinagdikit ang mga labi.

"ATE, sigurado kana ba talaga? Magtatrabaho ka sa mansyon ng mga Bautista?" paninigurado ni Melanie habang nakahiga siya. Magkasalo kami sa isang kwarto habang  solo naman si Jastro.

Tumabi ako sa kaniya at inangat ang kumot para itaklob sa mga binti ko. "Oo, sigurado na ako. Napapansin ko kasi nitong mga nakaraang araw na sobrang napapagod na sila Mama. Kung nandoon ako sa mansyon, malaki ang kikitain ko roon kaysa sa palengke."

"Mami-miss ka namin, ate," aniya at niyakap ako.

"Ano ka ba? Pwede naman akong umuwi rito. Malapit lang naman iyon," nakangiti kong sabi at niyakap ko siya ng mahigpit. "Ayaw mo n'on wala ng magbabantay sa inyo kapag wala sila Mama at Papa," pagbibiro ko pa.

"Mas gusto namin na may nagbabantay sa amin. Masaya kapag nandito ka at naririnig namin ang mga sermon mo sa amin." Umangat siya ng tingin para makita ang mukha ko.

"Asus!" reaksiyon ko at hinalikan siya sa buhok.

Hindi pa ako umaalis, nami-miss ko na agad ang pamilya ko. Ito kasi ang magiging unang pagkakataon na malalayo ako sa kanila ng matagal.

"Tama na ang drama at hindi pa naman ako aalis. Matulog na tayo." Bumitaw na ako sa pagkakayap sa kanya at inayos ang kumot niya.

"Goodnight, ate."

I'm His Personal MaidWhere stories live. Discover now