Chapter 30

10.5K 189 2
                                    

Hindi ko alam kung ilang beses na 'kong bumuntonghininga habang papunta kami ni Officer Reyes sa bahay ni Eros sa Manila. Nang huminto ang sasakyan sa tapat ng isang gate, bumaba ako agad at pinagmasdan ang bahay.

Ang ikalawang palapag lang ng bahay ang natatanaw ko dahil sa malaking gate nito. Tumingin ako agad sa paligid bago lumapit sa mas maliit na gate para mag-doorbell. Maya-maya, bumukas ito at isang babae ang bumungad sa 'kin. Pinagmasdan ko siya agad habang namamangha sa ganda niya. Maputi, mahaba ang buhok at halata ang magandang hubog ng katawan dahil sa hapit nitong damit.

"Yes?" tanong niya.

"Uh." Tumikhim ako at ngumiti. "Hinahanap ko si Eros Delvan. May kailangan lang akong itanong."

Lumingon siya sa pinto at sumigaw. "Someone's looking for you, Ros! It's a girl!"

Tumingin din ako sa pinto at natanaw si Sir. Tipid akong ngumiti habang pinasasadahan siya ng tingin. Nakasuot siya ng itim na chino shorts at kulay puting v-neck shirt.

Lumakad siya palapit sa 'kin habang bahagyang nakakunot ang noo. "Bakit ka nandito?" malumanay niyang tanong.

"May... kailangan akong itanong tungkol kay Belinda Dorias." Napawi ang kunot ng noo niya kaya nabuhayan ako. "Maid mo siya 'di ba? Kasi kailangan ko siyang mahanap." Napalingon siya sa likod ko kaya saglit akong bumaling kay Officer Reyes bago muling humarap sa kaniya. "Police escort. Para... safe. Uh, pwede ba kitang makausap?"

Nilingon niya ang kasamang babae na agad namang tumango. "Don't worry about it. Babalik na lang ako. I'll just get my bag."

Naunang pumasok ang babae at gumilid naman si Sir Eros kaya pumasok ako. Nang maisara niya ang gate, pinauna ko na siyang maglakad habang nakasunod lang ako. Napasinghap ako agad sa ganda ng disenyo nitong bahay. Modern ang estilo at magkahalong white at brown ang motif ng bahay.

"Have a seat."

Naupo ako sa sofa habang nagpaalam naman ang babae kay Eros. "Next time, sana wala nang surprise visitor ha?" Nagtawanan sila kaya umiwas ako ng tingin.

Nang makaalis ang babae, naupo sa isa pang sofa si Sir Eros. "Bakit mo hinahanap si Belinda?"

Tumikhim ako at inilabas ang isang picture ni Belinda Dorias. Mula sa pagkakapatong ng siko niya sa magkabilang tuhod, naupo siya nang diretso at pinagsalikop ang kamay.

"Hinahanap ko siya. Asawa niya si Jack Dorias, 'yong gunman ni Mama. May anak sila na nasa ospital ngayon at naghihintay ng surgery. Naisip kong kapag nagkita sila, malaking tulong sa bata. Sa 'yo siya huling nagtrabaho kaya naisip kong baka alam mo kung nasaan siya ngayon."

Bumuntonghininga siya at bumaling sa 'kin. "She's dead."

Natigilan ako... "Ha?"

"Five years ago, nagtrabaho siya sa 'kin." Tumayo siya at lumapit sa estante ng TV. Hinila niya ang isang drawer doon at inilabas ang isang file case. "Ipina-dispose ko na ang gamit niya pero iniwan ko 'to, kung sakaling may maghanap sa kaniya."

Binuksan ko ang file case at nakita ang mga ID niya, wallet at ilang larawan ni Nico. Nakagat ko agad ang labi ko habang tinitingnan ang picture ni Nico. "Paano namatay si Belinda?"

"Suicide. Sa riles ng tren."

Napasinghap ako at tiningnan siya. "T-totoo ba?"

Marahan siyang tumango. "I'm sorry."

"Saan siya nakalibing?"

"Manila North."

Nangilid ang luha ko habang pinagmamasdan ang mga gamit ni Belinda.

When Liars PlayWhere stories live. Discover now