Chapter 10

14.5K 258 24
                                    

Hindi palaging malungkot ang taong mag-isa. Minsan, mas comforting ang mapag-isa kaya mas pinipili nating gawin ang mga bagay nang walang kasama.

Alone doesn't always mean lonely—lagi ko 'yan nababasa.

Totoo naman. Bihira akong malungkot kahit mag-isa lang ako sa apartment ko. Kahit natutulog ako na walang karelasyon o pamilya sa iisang bahay, hindi ko 'yon madalas ikalungkot.

Pero ngayon, dinapuan ako ng lungkot ng pag-iisa.

Ito 'yong tipo ng lungkot na permanente. Kahit i-distract mo ang sarili mo sa ibang bagay, babalik ang lungkot sa anumang paraan. Hindi naman sakit ang lungkot, pero isa ito pinakamahirap lunasan. Paano mag-survive sa lungkot nang dahil sa pagkawala ng mga magulang? Ibibigay ko lahat para lang mahanap ang sagot.

"Clariz?" bulong ni Anjie.

Tinuro niya ang mukha ko. Saka ko lang napansin ang pisngi kong basa ng luha. Pinunasan ko agad mukha ko at naupo nang maayos.

Nagpe-play sa whiteboard ang video na pinapanood namin sa klase ni Sir Eros. Nakaupo siya sa upuang malapit sa pinto at nakatanaw sa 'kin.

Huminga ako nang malalim habang kumikirot ang dibdib ko. Kahit maraming nakapaligid sa 'kin, damang dama ko ang pag-iisa. Umagos lalo ang luha ko kaya dumiretso ako sa likod ng classroom para makalabas sa kabilang pinto.

Suminghap ako nang tumama sa mata ko ang maliwanag na ilaw ng hallway. Kumikirot ang buong katawan ko habang pinipilit maglakad nang diretso. Kumawala ang hikbi sa bibig ko kaya tumakbo ako paakyat ng rooftop.

Malaka na hangin ang sumalubong sa 'kin. Papalubog na ang araw kaya kulay kahel na ang paligid. Dumiretso ako sa gilid ng rooftop at kumapit sa railings.

Bumuhos ang luha ko habang nakapikit. Paulit-ulit kong kinukuwestiyon kung bakit ko 'to pinagdadaanan. May malaking kasalanan ba 'ko kaya pinaparusahan ako ngayon? Anong ginawa ko para ibuhos sa 'kin nang ganito lahat ng sakit? Kung kailangan kong lumuhod sa simbahan para lang alisin ng Diyos lahat ng sakit, gagawin ko.

"Clariz . . ."

Narinig ko ang boses ni Sir Eros kaya nilingon ko siya. Pero malabo siya sa paningin ko dahil sa luhang naipon sa mga mata ko. Nanginig ang ibabang labi ko habang pinipigilan ang pagbugso ng panibagong luha.

Tahimik naming pinagmasdan ang isa't isa habang umiihip ang malamig na hangin. Pinakinang ng papalubog na araw ang mga mata niyang awang-awa sa 'kin. Sobrang dilim ng mundo ko ngayon, pero sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, may liwanag na sumisilip tuwing nandiyan siya.

Lumapit siya kaya kumurap ako, kasabay ng pagtulo ng luha ko. Marahan niyang inilapat ang palad sa pisngi ko para punasan ang luha. Mas lalo akong naiyak kaya pinutol ko ang distansya naming dalawa at ibinaon ang mukha ko sa dibdib niya.

Niyakap niya 'ko nang mahigpit.

Kahit saglit lang, gusto kong magpahinga.

Dumilat ako habang dinadama sa palad ko ang malambot na kumot. Napaigtad ako nang mapagtantong nakahiga nga ako.

Napunta ako sa clinic. Sa lamesang nasa sulok, naglalabas si Anjie ng tupperware galing sa paper bag. Natanaw niya ako sa gilid ng mga mata niya.

"Clariz!" Lumapit siya at pinagmasdan ako. "Kumusta?" tanong niya. "Hinimatay ka sa rooftop. Naabutan ka ni Sir Eros na walang malay!"

Kumurap ako at umiwas ng tingin.

Hindi totoong niyakap niya 'ko? Pero parang totoo sa pakiramdam.

"Kumain ka na dito. Papasok ka pa rin ba?" tanong ni Anjie at saka tinulak ang table trolley palapit sa kama.

When Liars PlayNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ