SEASON 1: Prologue

4K 90 2
                                    

I know... this is the end.

Malakas ang tibok ng puso niya habang naririnig ang isang boses na pumupuno sa pandinig niya. Ang lamig ng paligid na nagsisimulang magpanginig pa lalo sa katawan niya. Ang init ng kung ano sa balat niya at mga matang nakatitig ngayon sa kaniya.

Sa tanang buhay niya ay hindi niya aakalain na sa ganitong tagpo niya makikita ang sarili niya. Walang kalaban-laban, walang ibang kayang gawin, walang ibang pagpipilian kundi ang sumunod sa utos ng isang demonyong kagaya ng taong nagbabalat-kayo lamang.

Nagngingitngit ang mga ngipin niya sa galit ngunit wala siyang ibang magawa maliban sa sumunod sa utos nito. Hawak nito ang leeg niya, kapag gumawa siya ng isang hakbang ay alam niyang lahat ng mga taong nandito sa harapan niya ay mamamatay. Hindi niya gusto iyon, hindi niya gustong mangyari ang mga iniisip niya, ayaw niyang may madamay dahil lang sa galit at pagkamuhi nito sa kaniya at dahil lang iyon sa isang maliit na rason.

Maya-maya lang ay otomatikong nahigit niya ang hininga ng marinig ang isang pangalan na sobrang pamilyar sa kaniya. Dahan-daha siyang kinain ng takot, kaba, galit, pangungulila, pagmamahal at kung ano-ano pang emosyon na sa isang tao niya lang ipinapakita. Sa isang taong pinili niyang mahalin, ngunit sa maling panahon nga lang sila pinagtagpo.

Anong binabalak gawin ng taong hawak siya ngayon sa leeg? Gagawin ba siyang pa-in nito sa mga taong nanonood o hindi kaya ay mas malaki pa doon ang nais nitong gawin? Wala siyang ibang maisip, dahil naka-pokus ang isipan niya sa lalaking tinawag ng taong may hawak sa kaniya. Napalunok siya, kinakain ng kaba ang buong sistema niya, naguguluhan at hindi siya makapagisip ng maayos.

Gusto na niyang tapusin ang lahat, tapusin na sa pamamagitan ng pagtatapat dito ng totoo.

Pero hanggang huli ay hindi na iyon mangyayari pa, dahil ang isa sa huling dahilan para hindi nito malaman ang totoo ay nangyayari na ngayon. May pumasok na ideya sa kaniyang isipan na baka dito na magtatapos ang lahat.

Nakaramdam siya ng matinding pagsisisi habang sinasariwa ang mga ala-alang binuo nilang magkasama. Noong para bang mga normal na tao lang sila at hindi magkaiba ang mundong ginagalawan nila.


Ang mga panahong... masaya silang magkasama at hindi mapaghiwalay.

Ang mga panahong wala silang pakialam kung may nakakakita o nakakapansin sa sweetness na gusto nilang ibigay sa isa't-isa, ngunit lahat ng iyon ay tila ba isang mamahaling mwerbles na nagkaroon ng lamat at tuluyang nawasak at nagkapira-piraso.

Sa isang iglap lang ay natanggal ang telang tumatakip sa kaniyang ulo at buong mukha. Matagal na niyang inihanda ang sarili sa posibleng mangyari at ito na nga iyon, ang tagpo na pilit niyang tinatakasan.

Malakas na pagsinghap mula sa mga taong nasa kaniyang harapan ang sunod niyang narinig. Nang tuluyan na niyang idilat ang mga mata ay nakita niya ang gulat, takot, kaba at galit ba rumehistiro sa mukha ng mga taong nakatitig sa kaniya ngayon. Lumakas ang tibok ng dibdib niya nang ilibot niya ang tingin, nagbabakasakaling makita ang isang taong pwede niyang hingan ng tulong, ngunit... nakita niya itong nakatayo malapit sa kaniyang harpan at kitang-kita niya kung paano manginig ang mga kamay nitong nakakuyom habang gulat na gulat na nakatitig sa kaniya sa itaas ng entablado.

Hindi niya makita ang isang emosyon na inaasahan niya sa mga mata nito, dahil halo-halong emosyon ang nakikita niya mula doon. Gulat, pagtataka, galit, inis iyon ang dahilan para bumalik sa isipan niya na ang taong nakatitig sa kaniya sa ibaba ay ang isang taong pinili niyang mahalin, ngunit tila ba sa mga mata nito ngayon ay hindi na siya nito nakikilala pa.

Sa mga mata nito, isa na siyang estranghero.

Isang taong matagal nang hindi kilala.

Isang taong hindi dumaan sa buhay niya.

Isang kaaway.

Kalaban.

Ang taong matagal na sanang pinatay gamit ang sariling mga kamay nito.

Iyon ang nakikita niya habang nakatitig sa mga mata ng lalaki na minamahal. Punong-puno iyon ng galit at pagkadisgusto. Tumulo na nang tuluyan ang luha niya ng mabilis nitong ibinunot ang baril mula sa likod ng suot nitong pantalon.

Nagkagulo ang mga tao, pero tila ba hindi niya iyon pansin. Dahil habang nakatutok ang baril nito sa kaniya ay tanggap na niyang sa kamay siya ng lalaking minamahal tuluyang mamamatay. Naiintindihan niya. Hahayaan na niya itong magdesisyon para sa kaniya.

Nakakalungkot lang isipin na sa ganitong tagpo matatapos ang lahat. Para bang kagaya sa isang palabas sa telebisyon, kung saan isa sa kanila ang mamamatay at may-isang mabubuhay, at kung pagbabasehan, pinili ng tadhana ang una.

It's okay... loving you is my choice.”

•••

Nerd With Red Dragon Tattoo | On-GoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon