"Naku! Hindi mo rin gustong makasama ang isang 'yon sa training dahil masyado siyang istrikto." Tumawa ako.

"Kahit na, kasama mo parin naman siya," malungkot na sabi niya.

Napabuntong-hininga ako nang makita siyang nababalutan ng lungkot. "Hayaan mo na, gagawa talaga ako ng paraan para makasama mo siya."

Biglang napatingin sa 'kin si Maya. "Talaga? Ang bait mo talaga, Irine!"

Natawa ako nang tumalon-talon siya na parang bata. Gusto ko talaga siyang maging kapatid. Sa sobrang cute niya, aakalain mong may alaga kang maamong pusa.

"Pwede bang humiling muli?" Bigla niyang tanong.

Kumunot ang noo ko nang hawakan niya ang dalawang kamay ko. "Pwede bang akin nalang si Stager Red?"

Napanganga ako sa tanong niya. Seryoso ba siya?

Inaangkin niya ba talaga ang lalakeng 'yun? Bakit naman sa akin niya tatanungin 'yan kung wala naman akong karapatan sa desisyon na gagawin ni Red.

"Hindi ko naman hawak ang puso ni Red–"

"Sige na!" Pilit niya.

Napatitig ako sa dalawa niyang mga mata. Mistulang nahulog ako sa malalalim niyang mga titig at nangungusap na pumayag ako. Maya-maya, sa hindi malamang dahilan ay gusto ko nang sundin ang iniuutos niya.

Wala naman sigurong mali kung pipilitin ko si Red na magkagusto sa kanya, hindi ba? Maganda naman si Maya.

Tatango na sana ako nang biglang nakarinig kami ng matinis na ingay mula sa itaas. Napatingala ako nang makita ang pulang Pepire na pumunta sa 'kin noon sa Scission.

Bakit nandito ang isang 'yan?

Bumaba ito at inihulog sa akin ang maliit na batong may nakataling papel sa gitna. Minasdan ko ito. Isang sulat?

Napatingin ako kay Maya at nagulat nang makita ang mga nanlilisik niyang mga mata. Napaatras ako. Pinunasan ko ang mga mata ko ngunit nang makita ulit siya, puno na ng pagtataka ang itsura niya.

"May problema ba?" Ngiting tanong niya.

Umiling ako. Namamalikmata lang yata ako kaya naman binasa ko na ang lamang ng sulat.

Rooftop.
-r

Napangiti ako. Alam ko kung kanino galing 'to. Sa sulat kamay niya palang ay alam ko na.

Kay Red.

"Maya, pwede bang mamaya nalang kita kakausapin?" Baling ko sa kanya.

Ngumiti siya sa 'kin at tumango. "Magkita nalang tayo sa susunod."

Tumango rin ako at nagpaalam sa kanya. Papasok na sana ako ng guild ngunit bigla niya akong tinawag.

"Bakit?" Lingon ko.

"Ang pangako mo sa 'kin, ha? Si Red, akin lang siya." Tumitig na naman siya sa akin. Tumango ako at tyaka pinagpatuloy ang papunta sa rooftop.

Mabait si Maya kaya gagawin ko ang lahat para tulungan siya. Ngunit sa ngayon, kailangan ko munang magfocus sa training. Mukhang magsisimula na kasi ang pagsubok para sa Spell chanting.

Mapapasubo na naman ako nito. 

Nang makarating ako sa rooftop, napansin kong walang anumang presensya ni Red sa lugar. Nasaan na nga ba 'yon? Wala naman siya dito.

Inikot ko ang tingin ko sa paligid—mula sa kaliwa kung saan nakikita ko ang kabilang building at inilipat ang tingin hanggang sa likod ko.

At doon ko nga nakita si Red na nakasandal sa barrier ng rooftoop malapit sa elevator na pinaglabasan ko. Nakacross ang mga braso habang nakatitig sa akin.

[HOLD] Enchanted: The Accursed DaughterWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu