Pinatunog ni Sov ang baso niya kaya napatingin kaming lahat sa kanya. "Siya si Irine. Kilala niyo naman siya hindi ba?" Tukoy niya sa 'kin. "Isa siyang amateur at pinayagan ko siyang tumira muna rito. Inaasahan kong wala kayong pagsasabihan nito. Maliwanag ba?"

"Distro." Pagsang-ayon ng iba.

Nagtaka ako. Hindi nila ipagsasabi na dito ako patitirahin. Sa guild naman ako nabibilang pero bakit kailangan pa nilang isikreto?

"Sa mga elves siya tumira at ang sabi ni Cyndel ay hindi nila naituro sa kanya kung paano ba mamuhay ang isang enchanter. Kaya naman maunawaan niyo sana si Irine." Patuloy ni Sov.

Nagsitanguan ang mga kasama ko na para bang nauunawaan nila ang nangyari. May mga ibang hindi yata gusto ang desisyon dahil wala silang pakealam sa 'kin. Hindi pa nga yata sila nakikinig kay Sov kanina.

"Nakausap mo si Sov?" Bulong ko kay Cyndel.

"Oo. Kailangan kitang pagtakpan."

Mabuti nalang siya na ang nagpaliwanag kay Sov Blue. Baka kasi mautal-utal ako at iba pa ang masabi ko sa kaniya kapag ako ang kinausap.

Pinagmasdan ko ang iba naming kasamahan pero sa isang tao lang tumama ang tingin ko. Kay Red na nakatingin sa 'min ni Cyndel. Uh-oh. Napaiwas ako.

"Red, ikaw nalang ang magturo sa kanya ng basics." Utos ni Sov sa kanya.

Tumingin ulit ako kay Red. Nakatingin lamang siya sa kinakain niya at mistulang walang narinig.

"Red, pwede ba?" Tanong ulit ni Sov.

Halos mabingi na ako sa katahimikan. Lahat kami ay naghihintay ng sagot. Kung siya ang magtuturo sa 'kin, siguradong mahihirapan ako dahil sa tingin ko ay suplado siya at tahimik.

Pero wala naman akong magagawa kundi pumayag dahil Stager na rin si Red. Mukhang malakas siya at mukhang matutulungan niya ako.

Pinagmasdan ko ang bibig ni Red na gumalaw.

Pumayag ka.

Pumayag ka.

Pumayag ka.

"Ayoko."

AT nandito na nga ako nag-iisa, nakaupo sa silya sa loob ng isang room para sa Amateurs.

Gusto kong itusok kanina ang tinidor kay Red dahil sa pagkainis. Hindi naman ako mahirap turuan ah!

Hindi naman daw pwede si Sov dahil marami siyang gawain bilang leader namin at tagapamahala. At wala ding nagpresentang mga Tyros na matagal nang nananatili sa Orion Guild.

Napabuntong-hininga ako.

"Nandito na ba ang lahat?" Isang babaeng may katandaan ang pumasok sa room.

Napatakip ako ng mata dahil sa suot niya. Nakasuot siya ng makinang na silver armor at tumama sa mata ko ang reflection ng liwanag.

"Dumilat ka na. Ikaw ang nasugatang Amateur hindi ba?"

Dumilat ako. Nasa harap ko na siya at nakatayo kaya tumingala ako. Ang bilis niya namang gumalaw. Kanina lang nasa pinakaharap lang siya ng silid.

"Ah, opo." Tumango ako.

Ngumiti siya sa 'kin. Mahaba ang buhok niya at maganda pero pansin ko ang wrinkles niya. Mukhang mabait siya at may maamong mukha kahit na nakasuot siya ng armor. Mabuti nalang siya ang magiging teacher namin. Hindi terror-

"Tumakbo ka ng 10 laps."

Nabingi yata ako sa sinabi niya.

"Po?"

[HOLD] Enchanted: The Accursed DaughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon