Bakante ang club room nang madatnan namin ito. Nagpatawag kasi ng emergency meeting si Kuya Samuel para sa isang seminar na dadaluhan namin sa Maynila tungkol sa pagpa-publish ng libro. Diretsong naupo si Jessa sa may lamesa habang nagtungo naman ako sa may bintana para magtimpla ng kape. Ang kaso ay walang mainit na tubig kaya nagpainit muna ako sa thermos.

"Genie, alala mo ba 'yung alamat na tungkol sa club natin", pang-uusisa sa akin ni Jessa.

Nanumbalik sa akin ang pag-uusap namin ni Ate Katy bago pa man ako sumali sa club na 'to. Ipinagtataka ko noon kung bakit kakaunti lamang ang myembro ng club namin. Ikinuwento sa akin ni Ate Katy na may kababalaghang bumabalot sa club room na ito. Na may sumpang ang sinumang kasapi ng club na ito ay mamamatay sa oras na buksan nila ang isang pinagbabawal na kahon na nakatago sa lumang locker na nakalagay sa sulok ng kuwarto. Kaya naman ilag ang mga estudyante dito.

"Bakit mo naman natanong", pagbabalik ko sa kanya ng usapan.

Matagal bago niya ako ulit sinagot. "Gusto kong makita 'yon", may ngiti pa rin sa kanyang labi nang sabihin niya iyon ngunit imbes na mahawa ay gumapang ang pangingilabot sa aking mga braso. Napayakap ako sa sarili ko.

"Alam mo, hindi magandang ideya 'yang iniisip mo", pagpapaalala ko sa kanya. Hindi naman sa naniniwala ako sa alamat pero may kutob pa rin ako na hindi dapat namin gawin ang maaari naming magawa ngayon.

"Hindi ka ba naku-curious? Sa totoo lang, sumali ako sa dito para malaman kung ano ang nakatago dito sa club room. Hindi naman kasi totoo 'yang mga alamat-alamat na 'yan. At saka titingnan lang naman natin e", sa pagtatapos ng kanyang pagsasalita ay tumayo siya para lapitan ako at naglambing na samahan siya.

Labag man sa aking kalooban at sa hindi malamang dahilan, pumayag ako.

Naglakad kami patungo sa sulok ng kuwarto kung saan nakatayo ang lumang locker na pinaniniwalaang pinaglalagyan ng kahon. Maswerteng hindi ito nakakandado kaya agad namin itong nabuksan. Isang plumang selyadong nakalagay sa loob ng isang kahong yari sa salamin ang tumambad sa amin. Nagkatinginan kaming dalawa, parehong nabalot ng pagtataka sa nakita. Anong ginagawa ng isang normal na ballpen dito?

Narinig namin ang pangungusap ng dumating naming mga kasapi. Nilingon namin silang lahat. Nang makita nila kami ay pare-pareho silang natigilan. Gulat at takot ang bumalot sa kanilang mga mukha.

"A-anong ginawa n'yo", naguguluhang tanong sa'min ni Ate Katy. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang pagkabigo sa aming dalawa ni Jessa. Dama ko rin ang pagkunot ng sarili kong noo sa aming ginawa.

Biglang sumara pabagsak ang pinto ng club room kung saan lahat kami ay napabaling. Mabilis na nagtungo doon si Kiko para buksan ito kasunod ng mga natitira pa ngunit hindi niya nagawa. Sunod na nangibabaw ang pasigaw na pagwawala ni Kiko. Alam naming siya ang may pinakamahina ang loob sa aming lahat. Mabilis siyang dinaluhan ng presidente at bise presidente kahit na sila rin ay 'di na mapakali. Sinubukan rin nina Christian at Mario na sabay buksan ang pinto. Pareho na nilang hinahagis ang mga katawan nila para lang mabuksan ito. Tila ba wala na silang pakialam kung masira man ito. Sa kasamaang palad ay hindi pa rin ito natitibag.

Ano bang nangyayari? Natatakot na ako sa mga nakikita ko sa kanila. Napalingon na rin ako kay Jessa na ngayo'y mahigpit nang nakakapit sa aking braso at nanlalamig sa pawis. Maging ang sarili ko ay nararamdaman kong naliligo na sa kaba at panginginig.

Hanggang sa makarinig kami ng pagkabasag ng salamin mula sa lumang locker kung saan lahat kami ay muling napabaling. Pare-pareho kaming naghintay sa susunod na mangyayari. Nanghina na lang ang mga tuhod ko nang masaksihan ang paglutang ng plumang kanina lamang ay selyadong nakakulong sa salaming kahon.

The AuditionsWhere stories live. Discover now