Field Trip

142 7 1
                                    

Genre: Tragedy


"Anak, pasensya ka na, hindi kasi nakadilihensya ang Papa mo. Baka naman pwedeng ma-extend ang bayaran ng field trip niyo," turan ni Mama.

Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya."Ma, akala ko ba bibigyan niyo po ako. Pinahiram ko pa po 'yung ipon ko sa inyo kasi akala ko babayaran niyo po ako. Lagi naman kayong nangangako eh." Medyo mataas ang boses ko dahil na rin sa pagod sa school at stress sa dami ng ginagawa.

"Pasensya na, Anak. Bukas may eekstrahan ako. Babayaran ako agad doon, iyon ang ibibigay ko sa'yo para makahabol ka pa." Umirap lang ako at halos mangiyak-ngiyak na ang mga mata ko. Importante ang field trip na ito para sa akin, ito na ang huling taon ko sa sekundarya kaya ito na rin ang huling bonding namin ng mga kaibigan at mga kaklase ko.

"Lagi naman kayong nangangako, eh." Pinigil ko ang luhang nagbabadyang tumulo na mula sa mga mata ko. Lagi naman ganyan, nag-iipon ako tapos mangungutang sila sa akin. Kapag gagamitin ko na wala na silang ibibigay sa akin. Minsan nga naiisip ko bakit hindi na lang ako naging katulad ng mga kaklase ko. May mga kaya at kapag humingi sa magulang ay ibibigay agad.

Naglatag ako ng banig at humiga. Masama pa rin ang loob ko. Hindi ko na rin napigilan ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Nagtakip ako ng kumot upang hindi nila makita hanggang sa kusa na lang na pumikit ang mga mata ko at nakatulog.

Kinabukasan, maaga akong nagising. Inalala ang mga nangyari kagabi. Parang bigla akong inusig ng konsensya ko dahil sa pagsagot na ginawa ko kay Mama. Iniligpit ko ang higaan ko at lumabas ng kwarto.

Nakita ko si Mama, naghahanda ng baon ko. Napayuko naman ako nang makita niya ako. "O, anak. Gising ka na pala. Pinaghanda na kita ng baon. Pagpasensyahan mo na tuyo lang ang ulam."

Tipid akong ngumiti. "Okay lang po, Ma," sagot ko.

"Sige, magbibihis na rin pala ako. Maaga ang pasok ko do'n sa pag-eekstrahan ko. Kumain ka na lang diyan, Mira." Tumalikod siya at papunta na sa kwarto nang hindi ko na mapigil ang nararamdaman ko.

"Ma-" narinig naman agad 'to ni Mama at humarap sa akin. "Sorry po, Ma. Pasensya na po sa mga nasabi ko kagabi. Hindi ko po sinasadya." Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha sa aking mga mata.

Lumapit si Mama at hinawakan ang aking pisngi. Pinunasan ang mga luha ko. "Anak, naiintindihan ko. Ako nga ang nahihiya sa iyo, eh. Nag-iisa ka na nga lang namin na anak, hindi pa namin maibigay ang lahat ng kailangan mo."

Niyakap niya ako at doon ay naramdaman ko kung gaano talaga ako kamahal ni Mama. "Sige na, kumain ka na baka ma-late ka pa. Sabihin mo sa teacher mo, baka pwedeng i-extend hanggang bukas ang bayaran niyo sa field trip dahil panigurado may dala ang Papa mo mamaya pambayad. Mag-eekstra na rin ako para makadagdag. Sayang din naman 'yun, wala rin naman akong ginagawa rito sa bahay."

"Saan po ba kayo mag-eekstra, Ma?"

"Doon sa factory ng sapatos sa kabilang kanto," tugon ni Mama.

"Ma, 'di ba delikado do'n? Maraming kemikal, alam mo namang mahina ang baga niyo." Sabi ko na may pag-aalala." Okay lang, Ma. Kahit 'di na po ako sumama sa field trip. Dito na lang po kayo."

"'Nak hayaan mo na. Isang araw lang naman at saka may face mask naman do'n. Pang-field trip mo 'to. Ayaw ko namang maiwan ka, lahat ng kaklase mo sasama tapos ikaw hindi. 'Wag ka na mag-alala."

Napatango na lang ako. Hindi ko alam kung bakit may kaba akong nararamdaman. Siguro kasi nadala na ako nang minsang mag-agaw buhay si Mama dahil sa hika niya. Mahina ang baga ni Mama kaya ayaw namin ni Papa na pagtrabahuhin siya, pero ang problema kay Mama kapag gusto niya, walang makakapigil sa kanya.

"Okay, class. Ma-mo-move ang field trip natin. So, mas matagal pa ang pwede niyong ilaan para makapag-ipon." Narinig ko ang mga hinaing ng mga classmates ko pero para naman akong nabunutan ng tinik sa sinabi ng aking guro. Masaya akong umuwi ng bahay bitbit ang masayang balita na mas makakapag-ipon pa ako para sa field trip.

Pagabi na nang dumating ako ng bahay. Pagpasok ko ay nagtaka ako nang 'di ko makita si Mama. Si Papa alam ko mamaya pa pero si Mama sabi niya bago mag-gabi nandito na siya. Bigla naman akong kinabahan, ano kayang nangyari? Baka naman sinumpong ng hika si Mama. Kung anu-ano na ang pumasok sa utak ko hanggang sa narinig ko ang malakas na katok na nagmumula sa pinto namin.

"Mira, Mira!" Kilala ko ang boses na iyon. Si Aling Maring, ang nagpasok kay Mama do'n sa factory. Muling bumilis ang tibok ng puso ko at nagsimula nang manginig ang buong katawan ko.

Binuksan ko ang pinto at kitang-kita ko si Aling Maring na labis ang pag-iyak. "Ang Mama mo, ang mama mo."

Kusa na ring tumulo ang mga luha ko dahil alam ko masamang balita ang hatid ni Aling Maring. "Nasusunog ang factory Mira, ang Mama mo na-trap sa loob." Natulala ako sa sinabi niya. Kusang hinatid ako ng mga paa ko sa nagliliyab na pabrika. Malakas ang apoy at nagngangalit na para bang walang gustong itira sa loob. Amoy na amoy rin ang mabahong mga kemikal na nagmumula sa loob.

"Mama," sigaw ko habang humahagulhol. Pinipilit kong pumasok sa loob.

"Kailangan kong iligtas si Mama. Bitiwan niyo ako. Ililigtas ko si Mama." Hindi ko sila kaya. Marami silang pumipigil sa akin, hindi ko na rin alam ang gagawin. Gulong-gulo ang isip ko. "Hindi pwedeng mawala si Mama. Hindi pwede." Hanggang sa nagdilim ang aking paningin at nawalan na ako ng ulirat.

"Mama!" napabangon ako at nang nilibot ko ang aking paningin ay nakita ko si Papa na nasa tabi ko. Halata ang namumugto niyang mga mata.

"Si Mama, Pa?" agad kong tanong. "Buhay pa siya 'di ba? Nasaan siya Pa?" bumalong muli ang luha mula sa aking mga mata.

"Wala na siya 'Nak. Isa siya sa nasunog ng buhay sa loob ng pabrika." Niyakap ako ni Papa at ramdam ko ang pagkabasa ng damit ko mula sa mga luha niya.

Sandali akong natulala. "Kasalanan ko 'to. Kasalanan ko, kung pinigilan ko lang siya. Kung hindi ko lang ipinilit ang gusto ko. Hindi sana aabot sa ganito. Patawarin mo ako, Ma. Patawad." Paghagulhol na lang ang tangi kong nagawa hanggang sa masaid ang aking luha.

Dahil sa kapabayaan ng kumpanya kaya nagkaroon ng sunog. Nagkalat daw ang kemikal sa loob at dahil sa sobrang init ang mga kemikal na nagkalat sa entrada ng pabrika ay nagliyab at nagsimula ng sunog. Mabilis daw itong kumalat hanggang sa hindi na nagawa ng mga tao sa loob na makalabas pa. Iilan lang ang nakaligtas at sa kasamaang-palad ay hindi kasama si Mama roon. Natagpuan ang bangkay ni Mama sa loob ng kubeta, hindi ko mawari kung gaano naging kahirap para kay Mama ang mga huling sandal ng buhay niya. Halos ilang gabi akong hindi nakatulog dahil paulit-ulit kong naaalala ang huling sandali naming na magkasama.

Kung hindi dahil sa akin, buhay pa sana si Mama. Kung hindi dahil sa pagpipilit ko sa mga bagay na gusto ko, nandito pa sana siya.

Patawarin mo ako, Ma.

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon