Berto

185 10 6
                                    

Genre: Romance


"Handa ka na ba, Ana?" Tumingala ako upang masilayan ang mukha ni ate na nakatayo sa tabi ng inuupuan kong silya.

Ngumiti lang ako bago ko tinignan muli ang sarili sa salaming kaharap ko.

Handa na nga ba talaga ako? Hindi ko alam.

Dinampot ko ang bungkos ng puti't pulang rosas na nakalapag sa ibabaw ng mesang nakapagitan sa amin ng salamin. Maya-maya ay naramdaman ko ang paglapat ng kanyang mga palad sa magkabilang balikat ko. "Kailangan na nating umalis." wika niya. Tumango lang ako bilang pagsang-ayon.

Inilapag kong muli ang mga bulaklak sa lamesa at sunod kong inabot ang maliit na kahon na kinalalagyan ng regalo ni Berto sa akin noong ika-labingwalong kaarawan ko. Hindi ko napigilang mapangiti nang nakita ko ang pangalan naming nakaukit sa loob ng singsing na nagsilbing lawingwing ng kwintas na ito. Marahan ko itong isinukbit sa aking leeg.

Tumayo ako at nakita ko sa salamin ang kabuoan ng puting Traje de Bodang suot ko. Naramdamam ko ang biglaang pagbilis ng tibok ng aking puso. Huminga ako ng malalim. Pinakiramdaman ko ang pagpasok ng hangin sa loob ng aking katawan. Inulit-ulit ko ito at nang maramdaman ko na ang paghupang aking kaba, dinampot ko ulit ang mga bulaklak at tuluyan nang lumabas sa silid.

Bumungad sa akin ang puting kotse na may bulaklak pa sa nguso nito pagkalabas namin sa bahay. Malamang, ito ang maghahatid sa akin. Hinalikan ako ni ate sa pisngi bago ako pasakayin nito.

Makulimlim ang kalangitan. Hindi talaga marunong makisama ang panahon. Lalo lang nito pinaigting ang kalungkutang aking nadarama. Ito dapat ang pinakamasayang araw sa buhay ng isang babae ngunit tila taliwas dito ang aking nararamdaman.

Naramdaman ko ang paghinto ng sasakyan kaya dali-dali akong napalingon sa bintana. Natanaw ko sila mama at papa na nakatayo sa harap ng simbahan na tila hinihintay ang aking pagbaba. Binuksan ko ang pintuan at agad akong sinalubong ng malamig na ihip ng hangin. Kumapit ako sa bisig ni papa at naramdaman ko ang paghawak ni mama sa kabila kong kamay. Tinitigan ko sila. Pareho silang nakangiti at mukhang masaya.

Marahan kaming naglakad papasok sa simbahan. Maraming tao. Lahat nakatingin sa akin. Lahat nakangiti. Diniretso ko ang aking paningin at tumama ang aking mata sa lalaking nakatayo sa altar, si Berto.

Unang hakbang, patungo sa lalaking minahal ko ng sobra-sobra mula pa noong pagkabata. Ikalawang hakbang, patungo sa lalaking hindi ako nagawang ipaglaban. Ikatlong hakbang, patungo sa lalaking mas piniling sundin ang gusto ng kanyang magulang.

Akala ko naglaho na ang pag-ibig na naramdaman sa kanya. Pero nang masilayan ko ang kanyang mukha, tila nanumbalik ang lahat ng ala-alang akala ko'y nalimutan ko na sa limang taong pag-layo ko sa kanya.

Kasabay ng pag-abot ni papa sa kamay ko kay Carlo ang pagbagsak ng aking luha. Kinuha ito ni Carlo at sabay kaming humarap kay Berto, ang paring magkakasal sa amin, ang lalaking kailan man ay hindi magiging akin.

The AuditionsOn viuen les histories. Descobreix ara