Mamatay Ka Na Sana

279 7 4
                                    

Genre: Mystery


Nasabi niya isang gabi na pagod na siya. Na gusto na niyang mamahinga. Na nilamon na siya ng kasalungat ng pag-asa. At narinig ko ang lahat ng iyon. Kaya ngayon, narito ako sa madilim niyang kuwarto, naghihintay sa napakasangsang niyang desisyon na maghahatid sa kanya sa kawalan.

Labing-pitong taong gulang. Babae. Hindi na ako nagtaka. Karamihan sa nasusundo ko sa henerasyong ito'y kagaya niyang maagang bumibigay. Ang dahilan, iniwan siya ng kanyang sinta, na ipinamukha sa kanyang walang habambuhay na pagmamahalan.

Pagdating sa tungkulin ko, wala akong respeto. Lahat ng sinusundo ko'y binubulungan ko ng mga salitang nagpapamanhid sa kanilang isipan.

"Mamatay ka na sana..." bulong ko. "Mamatay ka na sana..."

Isang tableta ang nilumon niya, na sinundan pa ng isa...at isa pa. Pampatulog ng diwa. Pampatakas sa reyalidad.

Hindi ko lubos maisip kung bakit gano'n ang takbo ng utak niya. Dinaig pa sa kababawan ang mga pulubing nasusundo ko sa kalye, na naninigas ang mga katawan sa lamig at namimilipit ang sikmura dahil sa kagutuman.

Pero wala naman akong magagawa para sa kanya. Ang gusto ko lang ay ang magawa nang maayos ang trabaho ko. "Mamatay ka na sana..." bulong kong muli. "Mamatay ka na sana..."

Lumunok ulit siya ng tableta. Lumunok nang lumunok nang lumunok hanggang sa nakalahati na niya ng bawas ang botelya ng gamot. Kulang pa rin iyon, kung tutuusin. Masasagip pa siya ng mga duktor sa ospital. Nakakahiya nga lang para sa ibang pasyente roon na malapit ko nang sunduin — silang pilit na lumalaban sa sakit at karamdaman na alam nilang walang makalulunas.

Walang pagbabago sa kanyang isip. Magugulong boses ang nangingibabaw, sumisigaw at puro negatibong pananaw. Wala na siyang pag-asa. Wala nang kuwenta ang tungkulin niya sa mundo.

"Mamatay ka na sana... mamatay ka na sana..."

Walang pag-aalinlangan, sa pinakamadaling paraan, pinuno niya ang kanyang sikmura ng lahat ng laman ng botelya. Hangal...mas hangal pa sa mga sundalong nasundo ko sa giyera, na mas pinili ang magkaroon ng karangalan kaysa sa dignidad na mabuhay nang malaya.

Dilat ang mata, sarado ang konsensya. Sa huling pagkakataon, muli ko siyang binulungan.

"Patawad."

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon