Ang Sepulturero

256 7 0
                                    

Genre: Thriller


Prologo

Madilim ang gabi. Malamig ang ihip ng hangin. Maliwanag ang buwan sa malalim na langit. Malambot ang sementong tila lalamon sa aking mga talampakan. Malapot ang pakiramdam sa pagitan ng mga daliri sa paa. Kumakapal ang hamog na nagpapalabo sa paningin ko. Maasim sa balat ang halimuyak ng pinaghalong semento at marmol. Kumikislap ang bawat hataw ko sa lapida. Kinuha na sila. . .

* * *

1

Maingay noon sa loob ng pribadong pamilihan at nagkakandarapa ang mga katulad kong mamimili ng mga pinamurang sapatos na gawa sa balat ng kung anong hayop. Mahilig ako gumastos sa kung anu-ano na hindi ko namanikinakabusog, na ikinabubusog ng mga mata ko. Mga babasahing pambabae na may larawan ng mga lalakeng hindi naman mga panadero pero may tinapay sa katawan. Mahilig kumain sa mga mamahaling kainan at madalas ay nagbibigay pa ako ng sobrang bayad para sa paghahanda ng tsaa na kadalasan ay nagpapamukha sa aking mayaman at tinitingilang tao. Mahilig akong sumayaw kasabay ng mga ilaw na patay-bukas, musikang kumakalabog sa dingding at mga taong gusto kong makilala dahil sa kislaw ng mga suot nilang hikaw, kwintas, singsing at relo. Natatapos ang bawat anim na araw sa linggo ko na nakakauwi nang hindi alam kung paano. Nagigising na lang ako kada umaga na may katabi sa aking higaan, babae man o lalake na hindi ko alam ang mga pangalan.

Pagtapos uminom ng mamahaling kape ay umalis na ako sa tinutuluyan kong kwarto sa isang modernong gusali. Nakasabay ko sa elevator ang isang lalaking tingin ng tingin sa kanyang relo. Di ko na lang siya pinansin at patuloy na nakinig sa iPod ko. Siya ay bumaba din ilang palapag ang taas mula sa basement na pinaparadahan ng sasakyan ko. Tinanghali na ako ng alis at nalagpasan ko ang simbahan sa pagmamadaling makarating sa sementeryo.

Nagkalat ang tuyong dahon at malalagong damo sa puntod ng aking Ina. Pinahid ko ang alikabok at putik para makita ang pangalan sa lapida niya. 'Elizabeth Garcia dela Fuente' na kulay gintong tinta sa puting marmol.

Inilapag ko ang paborito niyang bulaklak sa ibabaw ng lapida. Nagbadya na ang langit sa parating na ulan. Lagi kong naalala ang mga pinagsamahan naming mag-Ina. Pero iyon ay lumipas na. Iniwan na niya ako. At may mas mahahalagang bagay pa akong dapat gawin ngayong araw na to. . .

* * *

Kinuha ko ang mga bulaklak na iniwan niya . . . 'Nalalanta ang kahit anong materyal na bagay pero hindi ang bawat oras at panahon na pinagsaluhan.'

* * *

2

Ang maingay at magaralgal na lumang telebisyon sa kinakainan kong karinderya ang sumira ng tanghali ko. May nangyaring isang aksidente at dapat kong mapuntahan ang pinangyarihan noon. Humingi ako ng himalaat ibinigay ito sa pamamagitan ng isang mensahe sa telepono ko, 'Eric, andito ang grupo sa Expressway. Dapat i-cover mo ito.'. Agad-agad kong sinimot ang libreng sabaw ng Papaitan at hindi na naubos ang tatlong takal ng kanin nang malaman ko kung saan ang lugar na pinangyarihan. Binayaran ko na lang ng sobra si Manang para sa kinain ko. Pinaandar ko ang motorsiklong kaakibat na ng trabaho ko. Binabagtas ko ang masukal na daanan papunta sa Expressway nang inalala ko ang lahat.

Nagsisimula pa lang ako noon ay binabatikos na ang mga sulat ko. Karamihan daw ay walang batayan at puro kasinungalingan lang ang aking mga gawa. Paborito kong tirahin ang mga mayayaman, lalo na yong mga pulutiko, artista at mga hindi nagbabayad ng buwis. Marami na ang death threats na natanggap ko pero hindi ako nagpatinag sa mga iyon. Patuloy na nagtae ang bawat bolpen, napurol ang mga lapis, napudpod ang mga pambura at naputol ang mga puno para lang mapagpatuloy ko ang pagsusulat at paninira sa mga taong karapat-dapat isambulat sa publiko na sila rin ay mga makasalanan. Mga kaso sa korte na natakbuhan lang ng mga dapat masakdal ay isa sa mga tinututukan ko. Kaso, ako ay natukso. Nasilaw ako noon sa pera at mukhang pumailalim na ako sa kapangyarihang iyon. Naging kliyente ko ang mga dating kaaway. Naging mga biktima ko ang mga dating pinagtatanggol ko. Masahol pa ako sa masahol. Duguan na ang tintang gamit ko sa pagsusulat. Naglawa na ang mga sugat. Lumalim na ang mga hidwaang hindi na matatapos pa. At kailaman hindi ako ang unang hihingi o magpapatawad man.

The AuditionsWo Geschichten leben. Entdecke jetzt