Broken

244 12 4
                                    

Genre: Romance


DATI, 'di ko alam kung paano ang magseryoso...

"Manloloko! Akala ko ba mahal mo 'ko?" Naramdaman ko ang marahas na paglapat ng palad niya sa pisngi ko.

"Mahal? Ha!" Mariin ko siyang tinitigan. " Wala sa bokabularyo ko ang salitang mahal, Shane. Ilusyon lang 'yong pinakita ko sa'yo. Naniwala ka naman."

... hanggang sa dumating siya.

Dati, iilang mga salita lang ang kaya kong bigkasin nang totohanan...

"Putanginang gago ka!" pinahid ko ang nakatikom kong palad sa dumudugo kong labi. "Subukan mong bumalik, paghihiwalayin ko 'yang kaluluwa at katawan mong gago ka!"

... hanggang sa 'di ko namalayang iminumutawi na ng mga labi ko ang mga matatamis na salitang tanging laan para sa kanya.

Dati, iisang boses lang ang pinapakinggan at nirerespeto ko nang lubos...

"Jay! Ano ba?!" awat sa'kin ni Mama. "Tama na!" Magkahalong galit at pag-aalala ang narinig ko sa boses niya.

... hanggang sa nadagdagan ito. Dalawang tinig na nagmimistulang orkestra sa pandinig ko.

Dati, itinuturing kong parusa at bangungot ang kahuli-hulihang litanyang narinig ko mula sa'king ama...

"Kailan ka ba titino, ha?" Ipinasada ni Papa ang mga daliri sa buhok niya. "Nakapagdesisyon na 'ko, tatlong buwan kang mananatili sa probinsya. 'Pag 'di ka pa tumino, ewan ko na lang sa'yong bata ka."

... hanggang sa may isang taong nagparamdam sa'kin na isa pala itong magandang panaginip.

Nakakatawa at nakakatangang isiping kinailangan ko pang mauntog bago matauhan. Kinailangan ko pang masugatan para malamang masakit rin palang mahiwa. Bakit ba kinailangan ko pa 'yon? Pero, kung may maganda mang naidulot ito, 'yon ay nang pinili kong masaktan sa taong mahalaga ang naging parte sa buhay ko. Alam kong umuulan ng kamaisan 'tong pinagsasabi ko, pero, wala, e, tinamaan talaga ako.

ISANG gabi, sa tabi ng lawa, habang unti-unting niyayakap ng mga ulap ang nagliliwanag na buwan, nakita ko siya... sa kauna-unahang pagkakataon.

"'Langya, sino 'yan?" Nakaalerto ako nang mga sandaling iyon. Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa damuhan. Panganib, salitang pilit sumisiksik sa isipan ko. Isang lugar na hindi pa gaanong nakakasabay sa modernong panahon; mababangis na hayop at—-

Isang dilag.

Natigilan ako, natulala sa taglay niyang ganda. Natural. Puro. Inosente. 'Di mapagkakaila ang mga 'to kahit medyo madilim ang paligid. Lalapitan ko na sana siya nang bigla siyang kumanta. Kasing ganda ng mukha niya ang tinig niya. Parang unti-unting natunaw ang himig nito at sumuot sa tainga ko. Maya-maya pa, unti-unting naglaho ang tinig, unti-unti siyang nawala sa paningin ko. Unti-unti ko ring napagtantong hindi niya pala ako napansin kanina.

Umuwi ako, dala-dala ang larawan niya sa isipan ko. 'Di ko alam kung bakit interesante siya sa paningin ko. 'Di kaya dahil halos isang buwan na 'ko rito at wala pa ring babaeng pumupukaw ng pansin ko?

Isa lang ang gusto ko nang mga oras na 'yon, ang makita siyang muli. At, 'di nga ako nabigo. Kinabukasan, nadatnan ko siya sa tapat ng gate, dumadaan, may nilalako.

"Sampaguita po?" malambing na alok niya sa'kin. Ipinakita niya ang dala niyang mga sampaguita.

'Di ko mapigilang mapatingin sa kanya lalo na nang gumuhit ang ngiti sa mapupula niyang labi. Napako ang tingin ko sa kanya. Mas maganda pala siya 'pag maliwanag at 'pag malapitan. Bagay na bagay sa kanya ang mahaba at malagong buhok na hanggang beywang. Nakasuot siya ng puting bestida na binagayan naman ng makinis niyang balat.

The AuditionsWhere stories live. Discover now