Unheard

186 6 1
                                    

Genre: Romance


Ang paligid ay napupuno ng puting palamuti na nagpabagay sa tema ng okasyon. Bawat sulok ay may engrandeng dekorasyon. Ang mga telang puti ay itinali sa iba't ibang disenyo para sa mga dambuhalang mga durungawan ng simbahan.

Dahan dahan kong tinahak ang malawak na daang inilaan para sa lahat. Ang pulang mamahaling alpombra ang nagpatahimik sa bawat lapat ng sapatos ko sa sahig. Nagkalat din sa sahig ang mga talulot na malamang ay kinatuwaang isabwag ng mga bata kanina. Habang naglalakad ay kitang-kita sa mukha ng lahat ang galak sa mangyayaring kasal. Masaya silang lahat para sayo. Ako lang yata ang hindi.

Pagkarating sa harapan ay nginitian ako ng iyong ama. Sinuklian ko din siya ng ngiti kahit alam kong mapakla iyong naibigay ko sa kanya. Nilingon ko sa gilid ang lalaking papakasalan mo. Naiinis ako. Bakit siya? Bakit hindi nalang ako?

Bumukas ang malalaking pintuan ng simbahan, hudyat upang pumasok ka na. At iyon na nga. Nangyari na ang pinaka-ayaw kong mangyari, ang tahakin mo ang daan papuntang altar, hindi para sa'kin, kung hindi para sa ibang lalake.

Kitang-kita ang tamis sa ngiti mo kahit natatabunan ka ng belo. Hawak-hawak mo sa harapan ang palumpon ng rosas na puti. Kinakabahan ako habang sinasarado mo ang espasyo nating dalawa. Natatakot ako. Baka ito na ang huling araw na makikita kita. Baka ito na ang araw na masisilayan kita.

Habang papalapit ka ay namataan ko ang mangiyak-ngiyak mong mga mata. Masakit. Kasi alam kong naluluha ka hindi dahil sa nasasaktan ka, kundi dahil masaya ka... sa piling ng iba.

Napayuko ako at muling sinariwa ang alala nating dalawa. Mula sa unang pagkikita natin sa lounge ng school na madalas mong tambayan na kinalaunan ay naging paborito na natin pareho. Mula sa sabay nating pagtapos ng kurso. Mula sa unang pagkain natin sa labas na tayo lamang dalawa. Naalala ko pa ang muntikan kong pagtapat sa'yo ng lihim kong pagkagusto. Hanggang sa pinakamapait para sakin ngunit siya namang pinakamatamis sa mata mo, ang pagkikita ninyo nang lalakeng papakasalan mo.

Iniangat ko uli ang tingin sa harap. Ngayon ko lamang napansin na kanina pa pala nasa akin ang iyong mga mata. Nginitian kita. Nginitian mo ako. Siguro ito na rin ang huling ngiti na matatanggap ko mula sayo.

Nang makarating ka sa harap, nagulat ang lahat nang nagtungo ka muna sa akin bago puntahan ang lalakeng papakasalan mo. Yinapos mo ako. Mahigpit. Halos 'di na ako makahinga dahil sa saya. Mas pinipili mo na ba ako ngayon Ilia? Napagtanto mo na bang mas bagay tayo kaysa sa lalaking papakasalan mo dapat?

Imposibe. Ano na naman ba itong pinag-iisip ko? Mali. Hinding-hindi ako magiging sapat para sa kanya.

Nagsimula na namang tumulo ang mga luha sa mata ko. Ramdam ko ang pagkalat ng make-up na inilagay sa akin kanina. Pinilig mo ang ulo ko para mapalingon sa'yo. Halos hindi ako makahinga sa sobrang lakas ng epekto ng mga mata mo na diretsong nakatingin sa mga mata ko. Umangat ang iyong labi.

"Mahal na mahal kita," inunahan kita. Pero alam kong iniisip mong kaibigang pag-ibig lang ang tinutukoy ko.

At binanggit mo rin ang katagang nagpabitaw sa'kin sa sinulid na kinakapitan kong pag-asa sa'yo."Salamat sa lahat Sheila. Mahal din kita best friend."

The AuditionsWhere stories live. Discover now