What Summer Brings

213 7 1
                                    

Genre: Drama


SUMMER 1980 nang una tayong nagkakilala. Naalala mo pa ba? Enrollment noon, grade 4 pa lamang tayo, tapos natapunan mo ako ng tubig. Inis na inis ako sa'yo noon. Tapos, naging magkaklase tayong dalawa. Tandang-tanda ko pang ayaw natin sa isa't isa. Laging tayong nag-aasaran, nagkakapikunan. Pero, sino'ng magaakalang doon pala magsisimula ang ating pagkakaibigan? Lagi na tayong magkasama. 'Yung pag-aasaran natin nauwi sa tawanan. Nagdaan ang highschool, college, magkaklase pa rin tayo. Walang iwanan. Kung nasaan ka, naroon rin ako. Marami tayong naging plano sa buhay. Alam natin sa isa't isang ang pagkakaibigan natin ay tatagal nang magpakailanman. Kaya nga noong nagka-asawa't anak tayo, pinagkasundo natin ang anak natin at naging magkasintahan sila. Ganyan tayo Janine. Na dumaan man ang masasaya't mapapait sa ating buhay ay alam nating may mauuwian tayo, ang isa't isa. Subalit, ano'ng nangyari sa atin ngayon? Bakit naglaho ng parang bula ang ating pagkakaibigan? Janine, hindi mo na ba talaga ako mapapatawad?

SUMMER 2010, ang summer na hindi ko inaakalang makakapagpabago sa ating pagkakaibigan.

Isang malapad na ngiti ang salubong ko sa'yo noong pumunta ako sa bahay ninyo. Dala-dala ang aking tablet ay ipinakita ko sa'yo ang isang beach resort na nakita ko. Pupunta kasi kami roon at isasama sana kita subalit hindi ka puwede dahil may business meeting ka noon. Nagtampo pa ako sa'yo noon, sinabi mong babawi ka. Sabi mo pa nga, mahaba pa naman ang summer, mayroon pa tayong oras para makapag-bonding. Kaya sinabi ko na lamang na isasama ko si Jasmine, ang iyong anak, dahil tutal kasama naman si Mark na aking anak. Pumayag ka, pabiro mong sinabing ingatan ko si Jasmine. "Oo naman, ako'ng bahala sa kanya," tugon ko pa sa'yo noon at nagtawanan tayo.

Pero hindi ko naman hawak ang tadhana Janine. Hindi ko naman aakalaing mahahantong sa ganoon ang bakasyon na iyon. Hindi ko naman sinadya 'yon. Wala namang may gustong mangyari 'yon. Sino ba namang mag-aakalang na ang masayang tawanan namin habang nagtatampisaw sa karagatan ay mauuwi sa luhaan?

Nanginginig akong nakatingin sa mga taong nagkakagulo sa harapan ko noon. Ang twalyang nakapulupot sa akin ay walang epekto sa malamig na simoy ng hangin na bumabalot sa akin. Ang paningin ko ay nanlalabo dahil sa aking luhang tuloy-tuloy sa pag-agos. Nakakabingi ang sirena ng ambulanysa. Naninikip ang dibdib ko, nanlambot ang mga tuhod ko, parang mabubuwal ako, para akong hinihigop ng lupa.

"Jasmine!" Sunod-sunod na tumulo ang luha ko noong marinig ko ang gumagaralgal mong boses. Hindi ko alam kung ano'ng mukha ang ihaharap ko sa'yo. Gusto kong magpaanod na lamang sa alon.

Mabilis mong nabalitaan ang nangyari kaya kahit may business meeting ka ay sumugod ka rito. Hinarap mo ako sa'yo at paulit-ulit na tinatanong kung ano'ng nangyari pero hagulgol lamang ang naisasagot ko sa'yo. Hindi ko kayang magsalita noon, hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa'yo, hindi ko alam, wala na akong alam...

Umuwi tayo noon na hindi man lang nagkikibuan. Naramdaman kong umiiwas ka sa akin. Gusto kitang kausapin, gusto kong humingi ng tawad subalit hindi ko alam kung paano.

MADILIM ang kalangitan at malamig ang simoy ng hangin na para bang nakikiramay noong mga panahong iyon. Dumating ang pinakamalungkot at pinakamasakit na pangyayari sa buhay mo, subalit wala ako sa tabi mo. Gustuhin ko mang ako ang nagpapagaan ng loob mo, subalit, ano'ng karapatan ko? Ang kapal naman ng mukha ko kung gagawin ko 'yun. Kaya, mas pinili ko na lamang tanawin ka sa malayo. Mula sa puno na aking pinagtaguan ay natatanaw ko ang paghagulgol mo. Wala ring humpay ang pag-iyak ko noon. Salamat na lamang at kasama ko ang aking pamilya na nakaalalay sa akin. Ang sakit noon Janine, bakit kailangan nating mapagdaanan iyon?

Pauwi na kayo noon nang biglang nagkasalubong tayo. Natakot ako sa tingin mong puno ng galit at hinagpis. "Patawad Janine," pagsusumamo ko sa'yo pero hindi mo ako pinansin at nagsimula ka nang maglakad. Hinabol kita at sinubukang hawakan ang iyong kamay subalit agad mo itong iniiwas.

The AuditionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon