"Lahat ng babaeng minahal ko ay sinaktan ako. Ginawa ko naman ang lahat, ah?! Ginawan ko sila ng proyekto, takdang-aralin at kung anong gusto nilang ipagawa sa akin. Pinapahiraman ko sila ng pera kapag kailangan nila. Naging mabait ako at masunurin sa pag-aakalang sa ganoong paraan ay makikita nila ang halaga ko. Sinubukan kong ipakita at iparamdam na karapatdapat akong mahalin pabalik! Ginawa ko ang lahat mapatunayan lang na totoong nagmamahal ako! Ano bang mali sa akin, Nicole?"

Tumingin siya sa akin nang diretso. Kitang kita ko ang pamamasa ng kanyang mga matang nagtatanong. Bakit pakiramdam ko ay nasasaktan din ako? Bakit parang biglang gusto kong ipadama sa kanya ang mga bagay na hindi ipinadama ng mga babaeng minahal niya? Hindi ko alam ngunit parang nagkaroon ako ng kagustuhan na sana ako na lang ang babaeng minahal niya. Niyakap ko siya at bumulong.

"Walang mali sa iyo, Gilbert. Wala sa'yo ang problema kun'di nasa kanila. Maling-mali sila dahil hindi nila nakita ang tunay mong halaga." Bumulong ako sa isip ko. "At sana mabigyan mo ako ng pagkakataon na iparamdam kung gaano ka kahalaga."

Hindi ko alam kung paano ko nagawang isipin at pangarapin na sana ako na lang ang mahalin niya. May kung anong damdamin ang biglang sumibol sa puso ko. Hindi ko alam kung saan nagmula ang damdaming ito at kung ano ang ibig sabihin nito. Basta ang alam ko, gusto kong maranasan ang magpahalaga at pahalagahan.

Nangako ako sa sarili ko na susubukan kong pasayahin si Gilbert. Gusto kong makitang muli ang dating Gilbert na nakilala ko. Lalo ko siyang pinagtuonan ng pansin sa mga sumnod na mga araw. Lagi akong nakaalalay sa kanya. Lagi ko siyang sinasamahan upang iparamdam na hindi siya nag-iisa, na nandito lang ako sa tabi niya at hindi ko siya pababayaan. Ngunit sa kasamaang palad, sa paglipas ng mga araw ay bigo pa rin akong ibalik ang dating Gilbert. Ang dating masayahin at malambing na Gilbert, ngayon ay tila isang taong bato. Siya na ngayo'y isang taong hindi makikitaan ng kahit anong emosyon. Nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko ang kanyang malalamig na tingin at mga labing hindi makikitaan ng bahid ng ngiti. Nasasaktan ako dahil hanggang ngayon, nangangarap at umaasa ako na sana ako na lang ang mahalin niya.

Sa kabila ng malamig na pakikitungo niya sa akin ay hindi ako sumuko. Hindi ako pumayang na makontento na lamang sa kanyang mga tipid na salita. Hindi ko rin hinayaang hindi na muling makita ang kanyang dating ngiti, ang mga ngiti na hindi ko alam na noon pala'y lihim nang bumihag sa aking puso. Minsa'y naisip ko nang sumuko ngunit hindi ko inasahang darating ang araw na nagbunga ang ginawa kong pagtitiyaga.

Patapos na ang aking huling klase sa umaga nang makita ko siyang naglalakad. Hindi pa man kami pinapalabas n gaming guro ay tumayo na ako upang habulin si Gilbert. Narinig ko pa ang malakas na pagtawag ng aking guro sa pangalan ko ngunit ipinagsawalang-bahala ko ito. Nang maabutan ko siya ay agad akong humawak sa braso niya.

"Hi! Sabay na tayong mananghalian." Ngumiti ako at hindi maikakaila sa aking mukha ang pag-asa. Isang malamig na tingin lamang ang natanggap ko mula sa kanya at muling naglakad papalayo. Hinabol ko siyang muli at hinawakan ang laylayan ng kanyang uniporme upang pigilan siya sa paglalakad.

"Ano bang problema mo?" Natigilan ako nang marinig ang kanyang malamig na tinig. Mababakas sa kanyang mukha ang pagkairita. Nasasaktan ako sa nakikita ko at naiinis ako sa nararamdaman ko. Napayuko na lang ako at sinagot ang tanong niya nang halos pabulong.

"Gusto lang naman kitang makasabay kumain." Unti-unting nanlalabo ang aking paningin at ilang sandal pa ay may naglandas na luha sa aking pisngi.

"Layuan mo na ako." Nanigas ang aking katawan nang marinig ko ito mula sa kanya. Dahan-dahan niyang tinanggal ang pagkakahawak ko sa kanyang damit saka naglakad. Napapikit ako nang mariin at marahas na pinunasan ang mga luha sa aking pisngi. Tumakbo ako sa harap niya saka siya sinutok sa mukha. "Sana matauhan kang lintik ka," bulong ko sa isip. Napahawak naman siya sa kanyang pisnging timaan. Tumingin ako sa kanyang mukhang wala pa ring reaksiyon.

"Hindi kita lalayuan hangga't walang sapat na dahilan. Tara na't kumain." Nagpatianod na lamang siya sa akin papunta sa aming kantina. Ako na mismo ang nagpumilit kumuha ng kakainin namin. Ako rin ang nag-ayos ng pagkain sa mesa. Akmang ilalagay ko na sana ang kutsara sa plato niya nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Bahagya akong natigilan at napatingin ng diretso sa kanyang mga mata. Ramdam ko ang tibok ng puso ko. Pati na rin ang mga paru-paro sa tiyan ko. Huming a siya ng malalim.

"Salamat, Nicole." Napangiti ako sa sinabi niya. Ipinatong ko ang kamay ko sa kamay niyang nakapatong sa kamay ko.

"Wala 'yon..."

"...Mahal kasi kita" Natutop ko ang aking bibig sa sobrang pagkabigla nang masabi ko nang malakas ang laman ng aking isip. Napakunot ang noo niya at napabitaw sa pagkakahawak sa kamay ko. Kita ko ang pakagulat, pagkalito at pag-aalinlangan sa kanyang mga mata. Para saan ang kanyang pag-aalinlangan? Nanatili siyang tahimik kaya naman naobliga akong magpaliwanag tungkol sa nasabi ko.

"Ano.. Kasi.." Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Nanatili siyang tahimik na nakatingin sa akin. Napabuntong hininga ako. Ramdam ko ang kaba dahil sa dahilan na kailangan kong magtapat sa kanya sa ganitong pagkakataon.

"Mahal kita, Gilbert." Kapos hininga kong sambit. Iniwas niya ang tingin sa akin.

"Alam mo ang nakaraan ko, Nicole. Alam mo rin ang sitwasyon ko ngayon" Iyon lamang at tumayo na siya at naglakad papalabas ng kantina. Kailangan kong magpaliwanag! Kailangan kong ipaliwanag sa kanya! Agad kong kinuha ang mga gamit ko at timakbo para habulin siya sa kabila ng panghihina ng aking tuhod. Nang maabutan ko siya ay hinawakan ko nang mahigpit ang kanyang braso.

"Gilbert, please listen. Mahal kita. Pangako, hindi ako katulad nila! Totoo ang sinasabi ko. Pangako hindi ako magpapagawa ng assignment sa'yo! Hindi ako magpapagawa ng project! Hindi din kita uutangan! At higit sa lahat hindi kita gagamitin! Mahal kita.."

Humarap siya sa akin at nagsalita. Bakit pakiramdam ko ay masasaktan ako sa sasabihin niya? Napalunok ako ng ilang beses.

"Gusto kita, Nicole. Pero hindi pa ako handa. Masakit pa, hindi ko pa kaya. Kumbaga sa pagsusulat, hindi pa ito ang momentum. Kailangan ko pang ma-inspire." Ramdam ko ang pagguhit ng sakit sa mukha ko. Napayuko ako.

"Kung hihintayin ba kita, darating ka?" Umaasa ako na sana 'oo' ang isagot niya. Handa akong maghintay hanggang sa maging handa na siya.

"Huwag mo nang subukan, baka hindi ako makarating." Napayuko ako at halos pabulong na nagsalita.

"Pero sabi mo gusto mo ako."

"Do you want to play nasty cards?" Napaangat ako ng tingin at alanganing sumagot.

"Paano kung matalo ako?"

"Sinasabi ko sa'yo, wag mo nang subukan." Iyon lamang at tuluyan na siyang ulais sa harapan ko. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha ko. Hindi ko inaasahang yung bunga ng pinaghirapan ko ay agad ring maglalaho, katulad ng paglalaho niya sa harap ko.

Nagpasya akong bitawan ang nararamdaman ko para kay Gilbert. Natatakot akong isugal ang nararamdaman ko gayong hindi ko alam kung darating ba ang taong hihintayin ko. Itinoon ko sa isang manliligaw ang aking pansin at nagtagumpay naman ako. Sinagot ko siya matapos ang apat na buwang panliligaw sa akin. Noong araw na tinanggap ko nang lubusan ang pagmamahal ni Darvin, noon naman nagtapat si Gilbert sa akin.

"Nicole, handa na ako. Narealize kong hindi kita kayang hayaan na lang. Mahal na din kita Nicole." Hindi ako nakapagsalita agad dahil sa hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman at kung ano ang dapat kong sabihin. Tinimbang ko ang nararamdaman ko. At isang bagay ang napagtanto ko.

"Gilbert, bakit hindi mo binilisan? Hindi mo ako nasambot." Hindi ko man sinabi nang diretso, alam kong naintindihan niya kung ano ang ibig kong sabihin. May luhang pumatak mula sa mata ko. Hindi ko alam kung para saan ang luhang ito. Kung dahil ba hanggang ngayon ay nasasaktan ako? O dahil nanghihinayang ako sa aming dalawa?

Nanumbalik ako sa kasalukuyan nang maramdaman ko ang mga daliring humahaplos sa pisngi ko.

"Babe, bakit ka umiiyak?" Nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Darvin. Napangiti ako nang mapait.

Gilbert, ikaw kaya ang nasa tabi ko ngayon kung ginawa mo ang mga 'sana' ko noon?

----------------------THE END--------------------------

The AuditionsWhere stories live. Discover now